Paghahanap ng Identidad sa Pikas sa Usa ka Dagat

 John E. Barrios

Naalala ko pa ang mungkahi ng National Artist for Literature na si Virgilio Almario sa isang forum sa Iloilo na dapat gamitin natin ang letrang ‘B’ imbis na letrang ‘V’ para sa salitang ‘Bisayas.’ Ito ay sa dahilang ang letrang ito ay katutubo at hindi hiram sa Espanyol. Samantala, sa mala-etnograpikong mga tala ni Fray Francisco Alcina sa History of the Bisayan Island (1668) tinawag niyang ‘Bisaya’ ang mga katutubong nakatira sa nakakalat na mga isla sa rehiyon ng Kabisayaan.

Ang dalawang pananaw na ito ay maaaring bigyang liwanag sa eksibit na Pikas sa Usa ka Dagat na makikita sa UP Museum of Arts and Cultural Heritage (Agosto 31 – Setyembre 30, 2023). Ang nasabing eksibit ay nilahukan ng tatlong beteranong artist na sina PG Zoluaga (Iloilo), Javy Villacin (Cebu at Capiz), at Raymund Fernandez (Cebu at Bohol); lahat may claim ng pagiging ‘Bisaya.’ Si Zoluaga ay lumaki at nagpraktis ng kanyang art sa Iloilo; si Villacin ay ipinanganak sa Capiz ngunit tumira at nagturo ng kursong Fine Arts sa UP Cebu; at si Fernandez naman ay taga-Bohol at isang retiradong guro ng Fine Arts sa UP Cebu. Isang ‘self-taught’ (naka-quotation marks dahil maaaring sabihing problematiko ang salita) na artist at dalawang gradwado ng kursong Fine Arts. Ang mga nabanggit na impormasyon ay mahalaga upang maestablisa ang pinagmulan at pinaghahanguan ng impluwensiya at inspirasyon ng mga nabanggit na artist.

Akademisasyon


Masasabing kahanga-hanga ang aplikasyong ginawa ni Villacin ng iba’t ibang prinsipyo ng art (balance, harmony, at iba pa) sa kanyang mga obra. Sa series na “Travelling by Land, Sea, and Air” (acrylic on board) ay kapansin-pansin ang hagod-akademiko sa pagbalanse ng hugis o shape (dibisyon ng lupa, dagat, at himpapawid), harmonisasyon ng kulay (contrasting harmony: orange at blue), at texture para sa impact (gamit ang dots at lines para bumuo ng iba’t ibang hugis). Ang mga ito ay naging mainam na suhestiyon sa idea at damdaming nakaangot sa salitang ‘pagbibiyahe’ (travelling).

Halata naman ang paggamit ng radial na balanse sa “Konek-konek” (mixed media) na inspirado ng hugis ng target board at roleta. Ang walong anyo (form) na hugis tao-isda, na may kaunting pagkakaiba lamang sa kulay, ay konektado sa isa’t isa ng linya na nagtatapos sa sentrong dot/point o bulls-eye. Ang paggamit ng contrast ng itim at orange ang nagbigay ng suhestiyon ng presensiya ng posibling malagim na kinahinatnan (gamit na kulay sa Haloween), ang paglabasan ng mga multo at aswang sa sinaunang paniniwala. Ang konsepto ng pagtatarget (ng tao-hayop), ang lapat ng superstisyon, at ang posibilidad ng kamatayan ay mga konseptong nagkokonek-konek sa obrang ito ni Villacin.

Kamatayan rin ang tema ng “Storm Repeating Itself” hindi lang dahil sa dominanteng itim at orange ngunit dahil na rin sa hugis ng krus sa gitna at itim na aso sa ilalim. Hindi lang dahil sa superstisyon o paniniwala ngunit pinatunayan rin ng siyensiya na ang mga aso ay may matinding takot sa bagyo, lalo na kapag may kasamang kulog at kidlat. Itong konsepto ng takot ng aso ay dinala sa konsepto ng nagbabadyang kamatayan sa paglalagay ng krus sa gitna at dalawang nahihintakutang mata sa kaliwa at kanan. Kapag tiningnan sa malayuan, ang obra ay parang isang mukha ng takot sa kamatayan.

Umiikot naman sa sekswal at relihiyosong paniniwala ang “Ka Pikas” (Other Half) dahil sa paggamit nito ng mga simbolong may kinalaman sa kasarian at sekswalidad ng lalaki at babae at ng relihiyosong titig (mga dot na hugis mata sa asul na kalangitan sa itaas na bahagi). Ang babae sa kaliwa ay maisalalarawang ‘tagasalo’ dahil sa hugis bilog sa katawan at ‘drain screen’ na mata; banggitin pa natin ang mga ‘itlog’ (egg cells) na atat-na-atat na salubungin ang mga nagmamadaling sperm cell sa kanan. Samantala, ang lalaki ay maisalalarawang ‘tagabubo’ dahil sa ‘paghila’ ng mata/utak nito sa mga itim na dot sa kanyang katawan para itawid sa mata ng babae gamit ang orange na linya. Ang damdaming nabubuo sa pagitan ng dalawang kasarian ay higit pang pinapaalab ng hugis apoy sa kanilang pagitan. Ano pa nga ba ang salitang ‘kapikas’ kundi ang pag-iisa ng magkahiwalay na bagay para kamtin ang ligaya.

Gamit ang prinsipyo ng art sa estilong abstrak, masasabing napagtagumpayan ni Villacin ang anyo at nilalaman (form and content) sa interseksiyon ng mahusay na pagpapakahulugan. Ginamit niya ang mga katutubong konsepto ng ‘kapikas,’ (pakikipag-isa), babala ng kamatayan (kaso ng itim na aso), at itim na kulay (pangangaluwa at kamatayan). Ang mga ito ay masasabing mga Bisayang kultural na kaalaman na naririyan lang at paminsan-minsan ay ating nakikita’t narararamdaman sa kabila ng dominanteng presensiya ng mga Kanluraning konsepto tulad ng ‘krus’ (Kristiyanismo) at ang siyentipikong paliwanag sa kung bakit natatakot ang aso sa kulog at kidlat, na siyang nagsisilbing babala ng paparating na bagyo.

Kontra-akademisasyon

Mas nakatuon naman sa kasalukuyang problema ng lipunan ang mga obra ni Zoluaga. Sa “Pula ang Sidlangan” ay inilarawan ang heograpikal at politikal na mapa ng ‘Silangan,’ na siyang isa sa mga pantawag sa bansang Pilipinas. Ang paghahati ng canvas sa dalawa para ipakita ang ‘Pulang Silangan’ sa kanan at puti’t itim na ‘Kanluran’ sa kaliwa ay isang representasyong hindi mahirap intindihin. Sa ‘Pulang Silangan’ makikita ang iba’t ibang hugis at anyo na sumusunod sa galaw ng tumutulong dugo at nalulusaw na laman ng tao. Subalit ang paglagay ni Zoluaga ng isang maliit na anyo ng taong tumutugtog ng gitara sa kaliwa ng gitna ay nagpapakitang hindi pa rin nawawala ang pag-asa ng paglaya.

Ang pagiging ‘pula’ ng ‘Silangan’ ay konektado rin sa nagpapatuloy na karahasan tulad ng ipinapakita ng obra na “Pasiplat sa Palibot: Should the Killings Continue?” Markado ng takot ang obra dahil sa dominante at nasa empasis na mga takot na mata, binutasang bungo ng ulo (kulay pula), at parang binusalan ng itim na bunganga. Mga imaheng may alusyon sa kasalukuyang pangyayari ng extra judicial killings at iba pang krimen.

Magpapatuloy ang ganitong tema sa “Stray Bullets: Sa Dingding sang Boarding House ni Pare Ronnie” ngunit sa iba nang lebel. Sa obra ay makikita ang tatlong itim na butas: dalawa sa naka-cross patch na kaki na linya para tukuyin ang dingding, at isa sa gawa sa metal (ginto) na hugis na tumutukoy rin sa dingding. Maaari ring sabihin na ang obra ay humango ng inspirasyon sa naunang solo exhibit ni Ronnie Granja na ang tema ay nakatuon sa ‘boarding house’ at ng sinulat ng mga kritiko tungkol rito. (Mababasa sa link na https://iloiloartkritik.blogspot.com/2023/06/panahon-memorya-at-pagnanasa-sa-tamwa.html at https://iloiloartlife.com/ronnie-granjas-tamwa/)

Sa kabilang banda, masasabing mas makikita ang paggamit ng organiko, makakalikasan, at kultural na mga elemento sa figuratibong mga obra ni Zoluaga. Sa “Pasasalamat,” saan makikita ang dalawang figura ng tao na nagdadasal at ginagaya ang galaw ng ahas, ang tao at ang kalikasan ay naging iisa ang kulay (monokromatikong brown) at tekstura (hango sa hayop at tanim). Ang ‘pag-iisang’ ito ay sumasang-ayon sa pilosopiya at pananaw na nagbibigay-pagpapahalaga sa kalikasan na nakaugat sa naunang relihiyong Babaylanismo ng mga Bisayano.

Binalikan rin ni Zoluaga ang tradisyon ng pagbabatok (pag-tattoo) ng mga Bisayanong tinawag na ‘Pintados’ ng mga Kastila. Ang monokromatikong salitan ng linyang itim at dilaw sa mga kamay at katawan ng ina (itaas) at anak (ibaba) sa obra na “Mag-iloy” ay maituturing na isang representasyong gumagamit ng isa sa mga nakabaong kultural na tradisyon ng mga Bisayano. Higit pa, mapapansin rin sa obrang ito na ang ‘koneksiyon’ sa pagitan ng anak at ina ay paikot (circular) at hindi estatiko, hindi katulad ng linyar o linyadong pananaw ng Kanluran.

Sa pangkabuuan, mahuhusgahan ang kagalingan ng mga obra ni Zoluaga hindi sa aplikasyon ng mga maka-Kanluraning teorya at prinsipyo ngunit ng bigat ng dating dahil sa paggamit ng katutubong pananaw at kultural na representasyon.

Kontemporarisasyon

Ang pagrerepresenta ng figura ng tao ay isa sa mga masasabing pinoproblema ng mga obra ni Fernandez. Bilang eskultor kailangan niyang ipakita ang anyo (form) ng tao sa kanyang mga gawa. Dahil sumasandig siya sa paniniwalang maaaring gawing simple at hindi eksaherado ang hugis at anyo ng tao ang pagpili ng mahahalagang bahagi o parte ng katawan ay isa sa mga konsiderasyon.

Sa “Ana” halimbawa, isang eskultura na gawa sa kahoy at metal na stainless na maaaring tingnan bilang hugis ng pamalo na itinatayo ng dalawang haligi ng metal na pabilog ang dulo at isinandal sa kahoy na nasa hugis ng numerong ‘8’ o ‘infinity’. Prominente at nasa empasis ang malaking mata na hihilahin pababa ng isang hugis bilog na butas na maraming nakaimbak na maliliit na anyong bilog—tumutukoy marahil sa ari ng babae. Dahil nakahilay ang kahoy at sa bandang likuran at itaas ang malaking mata, at nasa harapan ang hugis bilog. Ang koneksiyon sa pagitan ng posisyon ng kahoy (babae) at ng ‘8’ ay sapat na marahil para bumuo ng pakahulugang may kinalaman sa gawaing reproduksiyon.

Kung ‘eros’ ang iminumungkahing pakahulugan ng “Ana,” ‘thanatus’ naman ang sa “Manuyupay” (Smoker), isang higanteng imperdebling eskultura gawa sa saway (copper). Ang imbitasyon ng kamatayan ay mababasa sa pamumulupot ng samu’t saring alambre sa ulo ng emperdible (safety pin) na may nakadikit na stick ng sigarilyo. Ang ‘ulo’ at ‘katawan’ ng taong naninigarilyo ay halos hindi na makahinga o makagalaw sa kabila ng matatag na pagkakatayo ng pinabilog na mga ‘paa’ nito. Ang emperdible ay maituturing na isa sa mga mahalagang gamit sa bahay lalo na sa paggamit ng lampin ng sanggol, ngunit sa pagdating ng popularidad ng diaper ang kahalagahan at gamit nito ay nabawasan. Tulad ng emperdebli, na nawalan ng kahalagahan, ang tao bilang emperdible ay patuloy na nagsusumikap na maitanghal ang pagiging mahalaga sa kasalukuyang lipunan.

Ang Bisayanong Identidad

Ang tanong na ano nga ba ang identidad na Bisayano sa mga obra ng tatlong artist na matatawag na mga ‘Bisaya’ ay hindi madaling sagutin. Ano at ano pa man, ang sinasabi ni Almario na paggamit ng ‘B’ para ikonstrak ang salitang ‘Bisayas’ at ang pagtukoy ni Alcina sa mga taong nakatira sa iba’t ibang isla ng Kabisayaan bilang ‘Bisaya’ ay mga pananaw at gawaing ipinagpapatuloy lamang ng tatlong artist. Ang parehong pinanggalingan at impluwensiya ng mga artist ay palaging nakakabit at nagmamarka ng kanilang identidad: ang pagsandal ni Villacin sa maka-Kanluraning teorya at prinsipyo ang nagbigay-hugis sa kanyang ‘mala-akademikong’ mga gawa ngunit sa kabila nito ay naitatanghal pa rin niya ang katutubo sa pamamagitan ng pagbabalik at paggamit sa mga nakagawian kultura ng mga Bisayano; gayundin ang ginagawang ‘kontemporisasyon’ ni Fernandez, na masasabing hindi ligtas sa impluwensiyang Kanluranin, ngunit nagsusumikap pa ring itindig sa kalupaan at kaislahan ng Bisayas; at ang ginawang paggamit ni Zoluaga ng mga hugis at anyo mula sa sinaunang kultural na praktis ng mga Bisayano (hal. Pintados) at paggamit ng elemento (linya, tekstura, at kulay) mula sa kalikasan ay maaaring sabihing isang ‘pagbabalik’ sa sinaunang relihiyosong tradisyon.

Comments

Popular posts from this blog

Baryo Bilang Lunan ng Kaalaman: Epistemolohikal na Topograpiya sa Maikling Pelikulang “Sa Taguangkan sang Duta”

Diskurso ng Kaalaman sa short film na Tiempo Suerte

Ang Tulok (Gaze) sa Muaks at Kinaiya Art Exhibit