Baryo Bilang Lunan ng Kaalaman: Epistemolohikal na Topograpiya sa Maikling Pelikulang “Sa Taguangkan sang Duta”
John E. Barrios
Bilang maikling pelikulang nagsasadiskurso ng dalawang magkabilaang espasyo—ng syudad at baryo—ang Sa Taguangkan sang Duta ay may malinaw na mensahe sa manonood: ang baryo ang lunan ng kaligayahan at kasaganaan. Mababasa ito sa ipinakitang kaibahan ng dalawang espasyo, ng paglisan at paglimot, at pagtatanghal ng kapangyarihan ng alaala ng nakaraan.
Mula sa direksiyon ni Emmanuel Lerona, at hango sa Palanca-winning short story ni Alice Tan-Gonzales, at prodyuser na si Julie Prescott-Gonzales, ang adaptasyon ng kuwento para gawing maikling pelikula ay isang proyektong nagsumikap na isadiskurso ang tunggalian ng espasyo—ng syudad at baryo.
Sa pagbubukas ng pelikula ay ipinakita ang unang espasyo, ang syudad ng Iloilo, bilang magulo at kailangang linisin at lisanin. Magbubukas ang pelikula sa paglilinis. Ipapasok ni Elena (Alyanna Cortum), isang gurong hindi nabigyan ng permanenteng posisyon (sa orihinal na bersyon siya ay alahera na hindi nabigyan ng promosyon), ang kanyang mga pinangdadampot na mga gamit (sertipiko, aralin, gamit-panulat at pangkulay, globo, eroplanong papel, at panubok na may imahen ng puno at bulaklak) sa isang box sabay ng pamamaalam sa kanyang co-teacher. Makikita ng manonood ang malinis na mesa ni Elena. Susundan ito ng eksena ng paglisan kung saan nakasakay na siya sa bus pauwing baryo San Raphael. Makikita ng manonood ang sunod-sunod na imahen ng syudad (sementadong tirahan, gusali, mga sasakyan at taong mabilis ang paggalaw) hanggang sa tuluyang napalitan ang mga ito ng imahen ng baryo (bukid, taniman, kakahuyan, at kabundukan).
Sa unang tingin, ang romantisadong espasyo ng baryo ay pangako ng kasaganaan at katahimikan. Ngunit ang espasyo ng baryo, sa kabila ng pagiging malinis at malawak nito, ay mayroon ring similaridad sa syudad. Dahil sa penetrasyon ng kapitalismo at sa pangangailangang kailangang ‘gahasain’ ng tao ang kalikasan para sa kanyang kabuhayan, ang mga puno ay kailangang itumba, lagariin, at ibenta sa syudad ng pamilya ni Andoy (Barry Matthew Namo), bana ni Elena. Ang baryo ay unti-unti nang nagiging kasingkulay ng lupa. Nagsisimula nang maging pangit at delikado ang baryo dahil sa pagkaputol ng mga puno nito. Sa ganitong nadatnan ni Elena napaglimian niyang hindi rin pala iba ang kanyang ipinalit na espasyo sa syudad: na ang kailangang limutin ay siya pa rin niyang naratnan at kakaharapin.
Kayat kailangan ni Elenang kumuha ng lakas mula sa nakaraang panahon, ang panahon ng kanyang Lolo Matias, panahon na masasabing ang mga babaylan ay ang siya pang pinaniniwalaan at makapangyarihan sa lipunan. Manifestado ang lakas na ito sa pagpapakita ng kanyang pagpapahalaga sa halaman, pangangalaga sa tanim, at sa pagtatanim ng napulot na binhi ng batwan. Hanggang sa isang gabing naalala niya ang gawaing pagsasaboy ng binhi na nakahubad sa ilalim ng bilog na buwan sa madaling araw. Kayat sa isang eksena ay inihanda niya ang mga kagamitan at binhi at ginising ang banang natutulog at inakay papuntang taniman. Doon ay pinaghubad niya ang bana at inutusang magsaboy ng binhi sa ilalim ng namamaalam na buwan.
Ang aninong-larawan (silhouette) ng tinatayuang bana na nagtatanim ng binhi sa mahamog na kalupaan ang masasabing nagpaisa ng kahulugan ng parehong agrikultural at sekswal na praktis ng produksiyon ng buhay ng parehong kapaligiran at sangkatauhan. Ang larawang ito ay nagkaroon ng pagpapatuloy sa susunod na eksena kung saan pisikal na nagtalik ang mag-asawa—isang akto na hindi hiwalay sa gawaing pagtatanim: ang pagtatanim ng binhi ay magkaugnay sa pagpapadami ng lahi. Dito naging iisa ang babae at ang lupa. Ang babae bilang taguangkan (sinapupunan) ng lupa. At itong identidad ang nagbigay-buhay at kulay sa identidad ng babae: babae bilang bulaklak, tanim, tubig, at lupa.
Sa kabilang banda, masasabing hindi heyograpikal lang ang topograpiya ng baryo. Dahil sa paggamit ni Elena ng alaala niya mula sa kanyang lolo at pagbabalik sa prekolonyal na praktis ng agrikultura, muling itinanghal ang kultural na praktis ng baryo sa topograpiya ng imahinaryo. Itong kinalkal na imahinaryo ang nagtulak kay Elena na ipangnegosasyon ang prekolonyal na rasyunalidad sa kontemporanyong pagrarason, na siyang puno’t dulo ng pagkakagiba ng kalikasan.
Dagdag pa, masasabing nilusaw din ng pagrarason ni Elena ang hangganan ng syudad at baryo. Na wala naman talagang topograpikal na hangganan dahil ang istruktura ng pagrarason ni Elena ay nagmula rin sa syudad kung saan siya nag-aral at nagtrabaho bilang guro. Hindi ito nakapagtataka dahil matapos ‘maresolba’ ang problema, hinikayat pa ni Elena ang bana na bumalik sa pag-aaral, na siyempre isa rin namang pakikipagnegosasyon sa syudad. Ngayon ay lubusan nang naiakda ang pagkawala ng hangganan ng syudad at baryo—ng moderno at pre-modernong pananaw angot sa kalikasan.
Ang kulminasyon ng kultural na gawain at gayon na rin ng naratibo ng pelikula ay humantong sa pagbitaw ng desisyon ni Elena na hindi na babalik sa syudad at ng pangangakong tutulungan ang bana na paunlarin ang kabuhayan sa baryo at sisikaping pangalagaan ang kalikasan. Kasama ang kapantay na bana pangangalagaan ng mga nilikhang ito ang kinabukasan ng ating mundo.
Comments
Post a Comment