Ang Bago at Panibago sa Gallery de Arsie
ni John Barrios
Hindi lang
isang bago ngunit maituturing pang panibagong karanasan ang pagbisita sa
Gallery de Arsie sa Jaro, Iloilo para sa isang tagasubaybay ng art. Ang gallery
ay bahagi ng gusali ng Metro Iloilo Modern Arts Park na sa unang tingin pa lang
ay isang buong kumpletong package ng mensaheng ‘modern’. Kumbaga sa isang salita,
may pagka-‘daring’ itong gusali.
Masasabi kong ‘panibago’ ang karanasan sa panonood ng mga artworks dahil ang mga ito ay nakadisplay hindi sa matatawag na mga ‘kuwarto’ ngunit nasa mga dingding ng hagdanan (na binubuo ng pitong fllor, kasama na ang basement). Higit pa itong naiiba dahil naka-‘programa’ ang pagsisimula sa 7th floor pababa hanggang basement (mayroong guide na sasama sa iyo sa elevator para dalhin ka sa 7th floor). Ang ganitong sistema ay para raw maiwasan ang pagkapagod sa pag-akyat.
Ang pagtingin/pagtitig/pagsulyap sa mga artworks sa isang masikip na espasyo ay may mensaheng ipinaparating. Hindi ito tulad ng karaniwang pagbisita sa mga gallery na may pagpapahalaga sa konsepto ng tamang ‘eye lebel.’ Ang pagbaba/pag-akyat sa mga hagdan ay naglalagay sa manonood sa iba’t ibang perspektiba. May mga espasyo na nagiging sobrang malapit ang nanonood at mayroon namang sobrang malayo. Sa gayon, hindi nagiging pantay ang maaaring ilaang panahon sa panonood. Iba’t ibang pagtingin din ang nailalaan. Mayroong artworks na mas makikilatis sa malapitan, matitingnan ang kabuuan, matititigan ang detalye, masusulyapan lamang, at mayroong hindi na mapapansin.
Ang ganitong set-up ay may sinasabi tungkol sa konsepto ng espasyo at panahon. Ang espasyo ay hayagang nagsasabi na hindi ito gallery. Sa katunayan, puwede pa ngang sabihin na ito ay bahagi ng inyong bahay o gusali, kung saan karaniwan nang nakakabit sa dingding ang mga paintings/artworks. Naging ‘higit’ lamang ito sa hagdanan dahil sa sobra-sobrang dami ng artworks na nakakabit (may sinasabi rin ito sa katangian ng mga Pilipino at Asyano tungkol sa konsepto ng horror vaccui o pagkatakot sa mga blangkong espasyo). Kayat masasabing mas nagiging pamilyar ang lugar.
Ang
pamilyaridad na ito ang nagbibigay suhestiyon, na hindi katulad ng karaniwang
gallery, ang panonood ay hindi inaasahang maging matagalan. Kumbaga, tulad ng
sa hagdanan ng inyong bahay, inyo lamang ‘dinadaan-daanan’ ang mga nakakabit.
Doble ang epekto nito sa pagsusumikap ng manonood na gawing ‘intelektuwalisado’
ang karanasan. Kailangan niyang maglaan ng ekstrang panahon para titigan at
lubos na intindihin ang kahulugan ng mga artworks. Sa kabilang banda, maaari
ring itanong kung bakit kailangang palagi na lang kailangang gawing ‘intelektwalisado’
ang danas sa art. Hindi ba puweding paminsan-minsan ay maging mahalaga ang damdam?
Magkagayunpaman, ang ginawang ‘depamilyarisasyon’ ng konsepto ng espasyo at panahon ay masasabing isang matagumpay na testamento sa pagiging hindi establisado ng pananaw na ang panonood ay kailangang gawin katulad ng sa nakasanayan sa karaniwang gallery. Ang panibagong paglulugar sa parehong manonood at pinapanood ay isang karanasang puweding bumuo ng mga katanungan tungkol sa ano nga ba ang dapat at nararapat sa panonood ng mga artworks. Sa ganitong argumento ko masasabing nagtagumpay ang Gallery de Arsie dahil nagbigay ito sa mga manonood ng alternatibong pamamaraan ng pagdanas sa gawaing pagpapakahulugan.
Less is always more. great spatial idea and utilization..It gives the viewer a unique, enticing, amazing experience and a real extraordinary challenge. It breaks the ice of monotonous large single floor concept for a very usual art gallery set up.
ReplyDeleteyes, breaking the usual horizontal space viewing :)
Delete