Panahon, Memorya, at Pagnanasa sa Tamwa ni Ronnie Granja

 John E. Barrios


Ang karanasan ang karaniwang nagiging paksa ng pagpipinta gamit ang estilo ng ekspresyonista. Dito lubhang napakahalaga ng ipinintang mukha at katawan at kung paano ang mga ito ‘nakikipag-usap’ sa kaligiran ng painting—sa kaso ni Ronnie Granja, sa kanyang ikatatlong solo show na Tamwa (Hunyo 17 – Hulyo 17 sa Puluy-an Art Gallery), ang boarding house noong panahong hindi pa uso ang teknolohiya ng social media at hindi pa malakas ang feminismo.

Ang pagbabalik sa nakaraan ay nagiging posible gamit ang memorya. Ang memorya ay masasabing ang hindi kumpletong paglalarawan ng nakaraan. Maliban sa kakulangan ng detalye, pinipili lamang ng isipan ang mga bahaging mayroong ‘mahalagang ambag’ sa paghubog ng naratibo. Sa kaso ni Granja, ang naratibo ng isang binata at estudyanteng nagkaroon ng bahagi sa espasyo ng boarding house.


Ginamit ni Granja ang talinghaga (trope) ng binata at ang kamalayan ng binata (na maaaring siya rin) para balikan ang nakaraan at espasyo ng boarding house. Sa kanyang centerpiece na “Saramputan” (4 x 6 ft) halimbawa ay makikita ang nakatalikod at nakapamulsang binata na nakapungos ang buhok (suhestiyon ng pagiging artist) na nakatingin/nakatitig sa apex ng painting na isang babaeng nakaharap ang katawan (sa binata at manonood) at nakaupo sa pasamano ng bukas na bintana; sa kanang bahagi ng babae ay ang imahen ng nakapakong Kristo at sa likuran naman nito ay isang lalaking naninilip sa babaeng nagsasampay ng damit; sa kaliwa naman ay ang blangkong higaan, walang lamang aparador, bukas na bintana, at babae sa hagdanan na nakaupo at parang may hinihintay. Ang gitna (babae), kanan (maninilip), at kaliwang bahagi (isa pang babae) ng itaas na bahagi ng painting ay hindi maikakailang kababasahan ng pagnanasa at diskurso ng sekswalidad. Higit pa itong naging makahulugan dahil sa pagsama ng imahen ng nakapakong Kristo na nagsisilbing lente ng moralidad sa naratibo.

Maiuugnay ang kahulugan ng nasa itaas ng nasa ibaba ng painting kung saan makikita ang nakapamintanang mag-asawa, ang inaalalayang lasing ng isang kaibigan, ng nakarelaks sa pagkakaupong tambay, ng lalaking pinapaamoy ang kape sa nakatalikod at seksing babae, at ng matandang kalbong diretsong nakatitig sa manonood ng painting.  Markado ng uri ng relasyong pangkapangyarihan ang mga imahen sa ibabang bahagi: ang walang pakialam na mag-asawa, ang nilasing ng alkohol na magkaibigan, ang subtle na panunukso ng binata gamit ang kape sa babae, ang naliligayang nanonood na tambay, at ang nanunuligsang tingin ng kalbo (marahil landlord)—lahat ng ito ay sakop ng paningin at pananaw ng nakatalikod na boarder na binata.


Ang boarding house bilang espasyo ay determinado ng mga gawaing nalikha at nililikha nito. Dito naaakda ang tunggalian ng uri (mayaman vs mahirap) at ang dehumanisasyon ng katauhan. Ang mayamang may-ari, na maituturing na isang bulldog, na buwanang sumisingil sa mga nangungupahan ay nagiging ‘maamo’ sa binatang boarder sa “Tapos bulan.” Ngunit ang mga babaeng boarder na estudyante ay napipilitang ibenta ang kanilang katawan (lalo na kapag malapit ang eksam at nangangailangan ng pambayad) sa paglalarawan ng mga painting na “Tutom-tutom 1” at “Tutom-tutom 2.” Sa huli sila ay magiging kapareho na lamang ng babae na naging regular na ang pagpoprosti sa painting na “Ikrat” o di kaya’y ang mga potensiyal na maging at dumaranas pa lamang ng pang-aapi dahil sa pagiging babae sa “Handuraw” (nabigo at nasaktan) at “Rhona” (mukhang api). Sa boarding house rin naiaakda ang pagiging makasalanan ng alagad ng diyos sa painting na “Sorpresa kay Pastor” at gayundin sa pagmamaskara ng isang ama ng tahanan na naging kostumer ng isang babaeng bayaran sa “Si Papang.”


Ang boarding house bilang lunan ng memorya ay nagpapaalala rin ng mga karanasang hindi makakalimutan tulad ng pagdadakila sa naranasang gutom sa painting na “Agusto,” saan makikitang halos walang lamang ulam ang pinggan ng isang estudyante, ang mag-isang malasing sa “Idag-idag,” ang diskartehan ang kapwa boarder na babae sa “Abakada sa kusina,” o kahit ang simpleng kaluwalhatiang dala ng sembreak sa painting na “Sembreak.”

Masasabing angkop ang pagkakabigay ng pamagat sa eksibit—ang ‘tamwa’ o pagtingin sa mga nagaganap sa ibaba mula sa mas elebadong bahagi dahil nagbibigay suhestiyon ito ng pagiging ‘mataas’ at ‘malayo’ na ng tumitingin. Gamit ang memorya, ang mga karanasan sa panahon na ang isang katauhan ay nakatira pa sa espasyo ng boarding house ay malungkot (sa linya) at masaya (sa kulay) na isinalarawan ni Granja sa mga mukhang patagilid sa mga katawang maindayog at inunat—ekspresyon ng katawan na para bang may gustong abutin ngunit ang pagkakakulong sa apat na sulok ng bahay/kuwarto ay ang siyang pumipigil.

Nagtagumpay man ang pagsasalarawan ng panahon at espasyo, masasabing nabigo naman si Granja na isadiskurso ang kasarian at sekswalidad ng kanyang mga babaeng tauhan sa naratibo. Api at walang kapangyarihan ang kababaihan kung ituturing natin ang eksibit bilang isang ‘arkibo’ (archive) ng nakaraan. Ngunit dahil ang mga painting ay ipininta sa kasalukuyan, hindi maiiwasan ng mga itong ‘makipag-usap’ sa mga kasalukuyang mulat na manonood at mag-imbita ng higit na mapagpalayang pagpapakahulugan.

Comments

Popular posts from this blog

Baryo Bilang Lunan ng Kaalaman: Epistemolohikal na Topograpiya sa Maikling Pelikulang “Sa Taguangkan sang Duta”

Diskurso ng Kaalaman sa short film na Tiempo Suerte

Ang Tulok (Gaze) sa Muaks at Kinaiya Art Exhibit