Ang Pinagmulan at Patutungohan sa Junk Art

 John E. Barrios

Sa art, masasabing ang materyal (medium) at ang kahulugan (meaning) ay hindi magkahiwalay. Interkonektado ang dalawang ito sa kumplikadong linya ng pinagmulan at patutunguhan. Ito ang isa sa mga nais patunayan ng eksibit ng mga iskultura sa metal, plastik, kahoy, at botelya ni Boy Masculino na pinamagatang Tigbaylo (Pebrero 16 – Marso 24, 2023) sa Lantip Gallery 1 ng UPV Museum of Art and Cultural History.

Ang paggamit ng materyal na ‘naririyan lang sa paligid’ para lumikha ng art ay pinatunayan ng kasaysayan ng iskultura. Ang mga sinaunang iskultor ay gumamit ng bato, buto ng hayop, at kahoy para sa paglikha ng iskultura. Ang mga materyal na ito ay nasa paligid lamang nila. Ngayon, ang ibang mga ‘naririyan lang sa paligid’ na mga materyal ay tinatawag nang ‘basura’ (junk) tulad ng metal at plastik. Binansagang ‘junk art’ ang mga artwork na gawa sa mga itinapong metal at plastik.


Ang mga materyal na ‘naririyan lang sa paligid’ na ginamit ni Masculino ay kanyang inipon, binili sa junk yard, at pinulot sa nasunog na pampublikong merkado ng Oton. Hindi ‘neutral’ ang mga ito, dala-dala ng mga ito ang kultural, sosyal, at politikal na kahulugan ng kanilang pinanggalingan. Sa kanyang centerpiece na “Isda-6,000/kilo” halimbawa, ginamit niya ang nasunog na plastik bilang ulo ng isda: ang mata ay binubuo ng puwet ng balde, sprocket ng motorsiklo, at bola mula sa musical shaker. Ang buto ng isda ay mula sa scrap metal at motor chain, ang kaliskis at buntot ay inukit na brass shim, at ang hasang ay ginunting na stainless steel. Sa pagsasama ng plastik na ginagamit ng mga tindera/tindero sa merkado, ng metal na esensiyal sa pagtakbo ng motorsiklo at paggawa ng mga gamit, naitanghal ni Masculino ang panibago/binagong kahulugan ng salitang ‘isda’—hindi pagkain ngunit isang bagay na ‘may mahalaga’ at ‘mahalaga’ dahil bahagi ng sistemang pang-ekonomiya at pangkultura.

Mabigat at mapanuligsa ang kahulugang dala-dala ng “Magdalena 24/7 On Call.” Dinala nito ang usapin ng prostitusyon sa lebel ng teknolohiya sa paggamit ng telepono bilang bahagi ng ulo. Ang itim na labi sa pulang bilog ng dial ng telepono ay tagasagisag ng kalaswaang walang katapusan. Ang dalawang brass na gong bilang suso ay musikang mapaglalaruan. At ang dominanteng metal na sprocket ay suhestiyon ng walang tigil na pag-ikot ng kapalaran ng babaeng bayaran. Kaya nga’t inihalintulad na lang ang nalusyang na katawan sa driftwood. Subalit malinaw na ang konstruksiyon ng lahat ng ‘Magdalena’ ay hindi lang ng sa mayayaman (VIP belt at redplate) ngunit kabahagi rin ang ibang may perang kalalakihan (green plate).


Samantala, ang sekswal na kahulugan ng “Sexy and the Beast,” kung dahil lamang sa imahen ng ‘hayop na kahoy’ na kinukuwan ang botelya ng Coke, ay maaari pang ituloy sa subersibong pagtumba ng mga multinasyonal na kompanya tulad ng Coca-Cola na responsable sa pagbibigay ng sakit na diabetes sa milyon-milyong tao sa mundo at polusyon ng plastik at botelya. Malinaw rin ang pangkalikasang kahulugan ng “Padayon ang kabuhi” na isang nakatayong iskultura ng sunog na pugad kung saan nakadapo ang nag-iisang gawa sa brass na ibon. Ang iilang sanga at dahon ay nagpapahiwatig ng pagkasira ng kalikasan.


Ang dalawang iskultura na nagsisilbi ring mga upuan ay kababasahan naman ng pag-akda ng marka ng pangkasariang kahulugan: ang “Jose kag Maria” ay kumikilala sa hugis bilog at nakalingkis na metal bilang lalaki at korteng bulaklak at hugis puso naman ang sa babae sa sandalan ng mga upuan; at ang “Bulawanon nga pulungkuan” ay gumamit ng mahabang sandalang bakal na kulay ginto, araro bilang mga paa, at iskultura ng kabayo mula sa Sarao na dyip bilang tagasagisag ng biyahe ng lalaki. Mahihinuha kung ganoon sa mga iskulturang ito ang makalalaking pananaw sa kanilang pagkaka-akda.

Ang gawaing pagtransforma ng mga ‘naririyan lang sa paligid’ na materyal para ‘hulmahin’ (sculpt) at iakda ang mga anyo at marker ng politika, ekonomiya, kultura, at kasarian sa simbolikal na lebel ay masasabing isang gawaing makabuluhan para sa mga artist na may adbokasiya at hangaring baguhin ang kasalukuyang panlipunang kalakaran. Madali itong mapagtagumpayan sa unang tatlong mga larang, ngunit marahil sa larang ng kasarian, kailangan pa itong pagmuni-munian. 

Comments

Popular posts from this blog

Baryo Bilang Lunan ng Kaalaman: Epistemolohikal na Topograpiya sa Maikling Pelikulang “Sa Taguangkan sang Duta”

Diskurso ng Kaalaman sa short film na Tiempo Suerte

Ang Tulok (Gaze) sa Muaks at Kinaiya Art Exhibit