Sand sculpture bilang (public) art
John E. Barrios
Ang pagkakaroon ng buhangin ay maituturing na biyaya sa mga sand artist. Pero ang pagkakaroon ng maputi at mapinong buhangin ay maituturing na dobleng biyaya dahil ang materyal na ito ay siyang dahilan kung bakit dinadayo ng maraming turista ang isla ng Boracay. At itong buhangin ring ito na ginawang sand sculpture ng mga artist ng Boracay ang naging agaw-pansin sa mga turista noong mga taon bago pa dumating ang Covid 19 pandemic.
Ngunit hindi na ngayon. Kahit halos pabalik na sa normal na buhay ang sikat na isla. Wala nang makikitang sand sculptures sa puting baybayin ng Boracay tuwing hapon dahil ipinagbawal na ng lokal na pamahalaan ng isla. Maliban na lamang kung mayroong mga espesyal na okasyon at pagkakataon na naiimbitahan ang mga artist na gumawa nito o makakuha sila ng permit na nagkakahalaga P2,500.00 (ayon sa isang artist) na para lamang sa loob ng isang araw. Makikita na lamang sila sa hilaga at mabatong dulo ng isla at kung saan kakaunti ang nakararating na turista.
Ang sand sculpture ay nagagawa sa pamamagitan ng paghahalo ng (kaunting) tubig at buhangin. Ang pinakasimpleng uri nito na karaniwang ginagawa ng mga maliliit na bata—at kung minsan matatanda rin—ay ang tinatawag na drift sculpture saan ang pagpapatulo ng basang buhangin gamit ang kamay ay nakakapagpatayo ng kastilyong buhangin. Ngunit ang mas komplikado ay yaong ginagamitan ng balde-baldeng buhangin na tinutumpok at ginagawang isang ‘malaking’ kastilyo. Sa kaso ng mga sand artist sa Boracay, gamit lamang ang stick at walis-tambo, inuukit nila ang pangalan ng isla at ang petsa ng pagkakagawa sa kanilang sand sculpture.
Ang mga sand artist na ito ay mga kabataang nag-aaral pa lamang ng hayskul ngunit kakikitaan na ng potensyal na makalikha ng masining na gawa at kumita (tumatanggap sila ng donasyon mula sa mga nanonood ng kanilang likha; nakatago nga lamang ito sa likod ng kanilang ‘kastilyo’ dahil ipinagbabawal ng autoridad). Mula sa kanilang imahinasyon ay unti-unting napoporma ang hiram na istruktura ng kastilyo ng Europa: tower, bintana (arrow slit), at battlement—na nagkaroon na ng ibang anyo. Ang tower halimbawa ay maaaring maging ulo na mayroong mga mata, ilong, at bibig. Sa katunayan, ‘nabura’ na ang pagiging European castle nito. Nagkaroon na ito ng ibang anyo. Tanging ‘trace’ na lamang ng kastilyo ang natitira.
Sinasabing noong 1897 nagsimulang seryosohin ng mga tao sa New Jersey, sa Amerika, ang sand sculpture nang gumawa si Philip McCord ng sculpture ng nalunod na babae at kanyang anak. Mula noon naging atraksiyon na ito sa kanilang baybayin at ang mga manonood ay ‘nagbabayad’ para lamang makita ang mga sand artist habang gumagawa ng kanilang obra-maestra.
Mayroon ring mga taunang sand art kompetisyon sa iba’t ibang bansa na dinadayo pa ng mga sand artist mula sa iba’t ibang bahagi ng mundo. Sa Canada ay mayroong “Harrisand” na bukas para sa solo, double at team categories; sa Ireland ay ang “Irish Annual National Sandcastle and Sand Sculpturing” competition; sa Finland ang Hiekkalinna (Sandcastle) na mayroong nag-iiba-ibang tema bawat taon; sa Indonesia ang “Indonesia Sand Sculpture Festival” na siyang pinakamalaking sand sculpture event sa buong Southeast Asia; sa Japan ang “Fukiage Beach Sand Sculpture and Exhibition”; at and sinasabing ‘largest sand sculpture event in the world,’ ang “International Sand Sculpture Festival” sa Portugal.
Sa kabila ng mga pagkilala sa sand sculpture bilang public art sa iba’t ibang bahagi ng mundo, ang isla ng Boracay na kilala bilang isa sa mga ‘most beautiful beach in the world’ at may potensiyal na magpasikat sa uri ng artform na ito ay ipinagbawal ang mga sand artist na gumawa ng kanilang sand sculptures sa baybayin ng Boracay.
Kaya nga’t magandang itanong sa lokal na pamahalaan, at gayundin sa Departamento ng Turismo kung, “May future ba ang sand art at mga sand artist sa isla ng Boracay?”
Comments
Post a Comment