Ang Tulok (Gaze) sa Muaks at Kinaiya Art Exhibit

 John E. Barrios

Ang tulok (gaze) ay hindi lang isang gawaing naglalarawan ng matagalang pagtingin sa isang bagay o objek; ito rin ay isang gawaing naglalantad ng laro ng gahum o kapangyarihan. Mayroong mga tulok na nagtatakda ng posisyon ng lahi, dominasyon ng dominanteng uri, at subersiyon ng kasarian. 

Sa dalawang art exhibit, ang Muaks ni Oman Gaitana at Kinaiya ni Frank Nobleza sa Puluy-an Art Gallery (Pebreo 18 – Marso 18, 2023), kapansin-pansin ang pagiging dominante at lantad ng ‘tulok’ bilang talinghaga (trope) ng kanilang mga artwork. Mababasa ito sa paggamit ng dalawang artist ng mata bilang elementong palaging naroroon (kung minsan wala) sa mga paintings. Sa kanilang pinagsamang paintings na may pamagat na “Landong” (Anino) maihahaka ang konsepto ng tulok. Sa painting ni Nobleza ay makikita ang nakatalikod na malaking outline (dahil sa paggamit ng perspektiba) ng pigura ng tao na nakatingin sa isang maliit at malayong pigura ng isa pang tao. Hindi nakikita ang kanilang mga mata ngunit ang bilog na buwan (na nagbibigay liwanag) ay nagsisilbing ‘mata na nakatitig’ sa manonood. Kaiba ang painting ni Gaitana, dahil ang nakabalikid na tao ay lantarang nagpapakita ng nakatitig na malaking mata. Punctuated ang kahulugan ng tulok sa gamit ng dominanteng (mga) kulay—kulay lupa kay Nobleza, iba-iba at artipisyal na kulay ang kay Gaitana. Lukob ng lamentasyon ang una, selebrasyon ng kulay naman ang pangalawa. Magkaibang espasyo ngunit parehong nagpapahiwatig ng melankolia.


Ang tulok sa mga mukha sa mga painting ni Gaitana na “Reyna 2,” “Antonia,” “Geronimo,” at ‘Ngiti” ay diretsahang nakatuon sa manonood. Ngunit ang mga ito ay tulok na mahina kahit may galit (dahil sa litaw ang mga ngipin) sa “Reyna 2,” may pagkamangha (dahil sa nakabukang bibig at nakadatal na kamay sa ilalim ng mukha) sa “Antonia,” mapagtanong (na pinahina pa sa ilusyon ng duplikasyon ng dalawang mata) sa “Geronimo,” at sa kaso ng “Ngiti,” may panunukso (kung dahil lang sa paglantad ng dalawang bilog na suso at pulang labi) sa manonood. Ang mga ito ay tulok na hindi mapang-usig; ito ang mga tulok na ibinabalik ng mga taong mahihina sa mga taong malalakas. At kung ‘mahinang’ tulok rin lang ang pag-uusapan, hindi na kailangan ng pag-iisip na malaliman sa pagbasa ng nakapikit na mata ng “Batang Palengke” at binurang mata ng Diyos sa “King’s Eye.” Ito ang mga ‘pinatatahimik’ na tulok.


Sa kabila ng paggamit ni Gaitana ng mga kulay na maiinit at nakapapaso—parang nagsasayaw na mga apoy—masasabing hindi ang mga ito nakapanlulukob. Binabawi ang potensiya nitong manlukob ng makakapal at madilim na patches na karaniwang ginamit bilang outline o background para bigyang hugis ang pigura. Mapapansin ang ganitong larawan sa mga painting tulad ng “Antonia” at “The Aspirant,” kung saan nailantad ang ulo, kamay, at paa sa pamamagitan ng paglagay ng itim o maitim na kulay bilang makapal na linya o anino ng pigura.

Malinaw, ang mga ‘muaks’ (mukha) ni Gaitana ay hindi subersibo at walang layuning tuligsain ang kaayusang patuloy na umaapi sa kani-kanilang pagkatao. Sa kabila ng selebrasyon ng kulay sa background ay ang ‘blangkong’ tulok mula sa sabjek ng painting. Anu’t anu pa man, baka kailangan lang magsalig sa sinabi ng isang pilosopo, na ang wala ay naririyan lang. Kailangan lang palakasin ang tulok ng mga mahihinang tauhan sa lipunan.


Masasabing nagtatanong at natatakot ang tulok sa ilang mga painting ni Nobleza. Buo ang naratibo ng exhibit na pinamagatang Kinaiya na magsisimula sa centerpiece na “Pink Princess,” kung saan ang isang pamilya (tatay na akbay-akbay ang dalawang anak na babae at lalaki) ay ‘napapasailalim’ sa kapangyarihan ng ‘prinsepeng’ kulay lila (pink) ang bibig at ang mukha ay nakalagay sa hugis bilog (hugis ng pera marahil) at may hiwalay na lilang ‘sungay’ sa labas ng bilog. Ipagpapatuloy ang naratibo nito sa kanang panel na magsisimula sa “Profile Pick Series 1” na isang painting ng baril na mukhang flat at idinikit ng masking tape. Flat man o 3 dimensiyonal, totoo man o hindi, “baril” pa rin ang tawag sa imahen. At kapag nagpakita/naglagay ka ng baril, sabi ng isang sikat na Rusong mandudula, kailangan itong pumutok/paputukin.


Ang serye ng “profile pic” na pinalitan ng “profile pick” ay hindi na lamang basta larawang makikita sa Facebook page, naging larawan ito ng mga pinangdampot/pinangpatay na mga tao sa sabay na panahon ng pandemya at tokhang ni Duterte. Magpapatuloy ang serye sa mga imahen ng mga taong may mga malalaking matang nahihintakutan; unti-unting mawawala ang mga bahagi ng mukha—mata, ilong, bibig—hanggang sa mawala na rin ang mga imahen ng tao at mapalitan ng mga imahen ng libingan; mapalitan ng teddy bear na nakahandusay, duguan, at ng unti-unting nilalamon ng kalupaan na makapangyarihang simbolo ni Superman! Lahat ay lamentasyon sa pagdating ng kamatayan.


Sa kaliwang bahagi ng gallery ay makikita ang tatlong painting: sa gitna ay imahen ng kandila, nasa gitna ang itim na hugis tao (“Profile Pick Series #49); sa kaliwa ay ang imahen ng taong nakasalukbot ng bayong na may dalawang butas para sa mata, Makapili kung tawagin sa Panahon ng Hapon (“Disipulo ni Judas”); at sa kanan ay ang babae/lalaking nakaupo na siyang nagsumbong para hulihin at patayin ang inaakalang may kasalanan (“Marites”). Ang mga painting na ito ay bahagi ng binuo/nabuong naratibo ng kaapihan at kamatayan. Kulminasyon ng naratibo ang artwork na “In memoriam,” ang unang painting na makikita sa pasukan at kung saan makikita ang larawan ng sementeryo ng mga patay—ng mga pinatahimik na tulok.

Ang dalawang eksibit ay mga pagtatangka para hulihin ang imahinaryong larawan ng isang panahon: ang kay Gaitana ay panahon ng ordinaryong mga tao, reyna, at diyos sa kasalukuyan at ang kay Nobleza ay ang panahon ng pandemya at kagipitan. Sa una, kahit lantaran ang paggamit ng tulok (gaze), lumalabas na mahina at hindi nabigyang kapangyarihan ang may-ari ng mga ito; sa pangalawa, kahit na ito ay nawala at binura, ang kaisahan at kabatiran ng nabuong naratibo ay higit na naging makapangyarihan para hikayatin ang mga manonood na ibalik ang tulok sa mga ‘hindi nagsasalitang’ pinanggalingan nito para iakda ang posibilidad ng pagbabago.

Comments

Popular posts from this blog

Baryo Bilang Lunan ng Kaalaman: Epistemolohikal na Topograpiya sa Maikling Pelikulang “Sa Taguangkan sang Duta”

Diskurso ng Kaalaman sa short film na Tiempo Suerte