Re-produksiyon at Re-lokasyon sa Aswang sang Siudad ni Susvilla
John E. Barrios
May dalawang kultural na praktis ang maaaring halawin mula sa eksibit na Aswang sang Siudad ni Wapz Susvilla na matutunghayan sa Book Latté Alternative Art Space sa Megaworld. Una ay ang panggagaya/paghihiram ng istilo ng Japanese manga sa paglalarawan ng iba’t ibang katauhan ng mga tao sa siyudad at pangalawa ay ang paglilipat ng mitolohikal na aswang mula sa ‘tahanan’ nito sa baryo patungong siyudad.
Ang Japanese manga bilang isang istilo ng pagguhit ay masasabing nakalasap lamang ng popularidad nang naimpluwensiyahan ito ng komiks ng mga Amerikano. Kaya nga’t sumikat lamang ito noong panahong Post-war sa Japan. Ang kasikatan nito sa Pilipinas ay naranasan noong 1990s sa anyong animé na pinapalabas sa telebisyon tulad ng Dragonball Z at Samurai X. Sa anyong komiks ng manga ay naging popular naman ang Naruto.
Hindi maikakaila ni si Susvilla ay produkto ng panahong lubhang malakas ang pagkabilib ng mga Pilipino sa Japanese manga. Ang walong larawan (portraits) ng mga ‘taong aswang’ sa siyudad ay patunay nito. Subalit may mga idinagdag si Susvilla na masasabi nating sarili na niyang istilo—ang pag-aku sa manga at paglikha ng bago mula rito. Tinawag ni Homi Babbha ang gawaing ito na mimicry, isang gawaing panggagaya na nakakalikha ng hybrid na anyo at sa gayon ay hindi na maituturing na kopya ng orihinal.
Kapansin-pansin halimbawa sa mga larawan ni Susvilla ang pagkakaroon ng mga sungay at pangil ng kanyang mga subject, mga katangiang makikita sa mga aswang. Sa pananaw ng lipunan, ito ang mga tagasagisag ng kasamaan ng mga aswang: ang sungay na representasyon ng pagiging masama (demonyo) at ang pangil, ng pagkain/pagpatay (dahas) ng tao. Sa painting na “Popo,” na larawan ng isang pulis ay higit na nagiging hayag ang mga katangiang nabanggit dahil sa pagpapakita ng depektibong kamay ng pulis (pagkaputol ng kamay ng ‘Good Cop’), ng isang matang nakapiring, at ng mala-baboy na ilong. Gayundin sa painting na “Yogs,” na isang sexual pervert at psycho, na natatakluban ng fetish mask na may nakasulat na ‘$orry’ at ang mga kamay ay may kaliskis ng isda. Maidadagdag rin ang mahaba at pink na dila (katangian ng manananggal) sa bugbog na mukha ni “Mad Mating.”
Ang ‘kasamaan’ ng aswang ay makikita rin sa mga babaeng hindi interesante ang buhay (“Dull”) ngunit may bitbit na samurai sa likuran; ng mahiyain at pinatahimik (may zipper ang bibig) na bookworm at nerd (“Shhein”) na kilala sa kanyang sagot na ‘AM-BOT’ sa cover ng binabasang libro, at ng isang panggabing babae (“Minerva”) na may motto na ‘Kill-City’ habang hinahayaang gumapang ang ‘ahas’ sa kanyang buong katawan. Marahil isang rebelasyon ang painting ni “Zeek,” isang hip-hop na lalaki, dahil sa paggamit nito ng mga mata para titigan at kilatisin ang lahat ng nangyayari sa siyudad. Partikular dito ang paggamit ng third eye na napapaloob sa diskurso ng ispiritualidad.
Ang ‘aswang’ ni Susvilla ay hindi na aswang ng kuwentong bayan ng baryo. Ang mga ito ay ang mga totoong tao sa siyudad na natransforma sa pagiging aswang dahil na rin sa kani-kanilang kontekstong kinapapalooban at mga karanasang kasalukuyang hinaharap.
Ang ginawa ni Susvilla ay isang ‘aswangisasyon’ ng tao. Ngunit dahil mababasa rin ang paradoksiya sa mga ito, matatawag rin itong isang humanisasyon ng aswang gamit ang imahen ng tao.
Comments
Post a Comment