Ang S(al)aysay ng guerra, ayon kay Charlie Co

 John E. Barrios

 

“The world is a tragedy for those who feel, and a comedy for those who think.”

“Profits. Joe, if you want to use one word”—and Mr. Healey wagged a huge finger at Joseph—“to describe wars and the making of wars, it’s profits. Nothing else. Profits.”

Mga sipi mula sa Captains and the Kings ni Taylor Caldwell


Ang guerra o giyera ay isang salaysay o naratibo na mayroon/walang saysay o kabuluhan. Pareho itong nakahihindik at nakatatawa, nakapanlulumo at nakakapagpangiti, nagpapahirap at nagpapasaya. Depende kung sino ang umaastang bida o kontrabida, biktima at may kagagawan, talunan at nagtagumpay.

Makikita ang mga haka-hakang ito sa solo eksibit ni Charlie Co sa Mamusa Gallery (26 Setyembre – 22 Oktubre 2022) kung saan sinubukan niyang isalaysay/ipinta/idrowing ang kasalukuyang guerra sa Ukraine. Ang eksibit ay nahahati sa tatlong naratibo: ang naratibo ng bida/kontrabida (ang center-piece na “Missile Man”) na ipininta sa nag-aapoy at abuhing kulay, ang ikalawa ang naratibo ng balangkas (plot) kung saan nakadrowing (sa black and white) ang iba’t ibang pangyayari bago at habang nangyayari ang guerra (“Two Crowns”, “Bird’s eye”, “Done Deal”, at “Refugees”) at ang pangatlong naratibo ang mitolohikal (paggamit ng alusyon kay Atlas at Birheng Maria) na mga pakahulugan (“Mama Mary’s” at “Pas-an”).


Ang “Missile Man” ay isang painting ng spectacle ng guerra. Sa gitna at pangkabuuang bahagi ay ang mga bida/kontrabida at ang nasa kaliwa at kanang mardyinal na espasyo ay hating imahen ng ulo na ang ipinakikita lamang ay ang bibig na nakabuka at nakasara at ang nag-iisang larawan ng tumatakas na tao, sa itaas niya ay ang nakapako sa krus na tao—mga larawan ng paghihirap at kamatayan. Ang imahen ng missile man ay tagpuan ng iba’t ibang representasyon. Nasa ulo nito ang mga missile ng USA at Russia at ang nag-iisang ulo na nagtatago at balot sa itim (Kontratista marahil), liban sa bilugang mata at gigil na bibig. Ang mukha nito ay binubuo ng mga mukha: isang pabaliktad na mukha sa pagitan ng dalawang mata, isang mukhang nakangiting baboy, at isang nagtatagong mukha sa loob ng nakabukang bunganga. Banggitin pa natin ang baligtad na mukhang nakakurbata at nagsisilbing ari (sexual organ) ng missile man. Sa kanyang nakabukang kaliwang kamay ay marka ng bungo ng kamatayan na nagpakawala ng mga duguang balaraw (knives); sa kanyang nakabukang kanang kamay ay ang maputi at dilaw na likido (mga luha marahil). Sa itaas ng missile man ay ang mga bumubulusok na ibon (missiles) habang nasa likuran ang larawan ng mga pinasabog na gusali ng lungsod at ang nag-aapoy (sa dilaw at asul) na mala-impiyernong kapatagan. Sa naglalagablab na war zone ay makikita rin ang apokaliptikong imahen ng mga nakakurbata ng pula at nakadamit Amerikanang mga mayayamang negosyante. Sa kabila nila ay ang isang ulong pinagsisikapang itayo ng mga nakahubad na figura habang nilalamon ng aso ang laman ng utak nito.


Binalangkas ni Co ang naratibasyon ng guerra sa apat na drowing. Sa unang drowing (“Two Crowns”) ay makikita ang dalawang mala-multong imahen ng hari, isang nakatayo, galit at may puting korona (si Putin ng Rusya), at isang nakabaligtad, ngumingiwi, at may itim na korona (si Zelenskyy ng Ukraine). Sa kanilang palibot ay ang mga mala-multong mga ulo, ang iba ay tinutuntungan ng mga figurang may hawak na setro at may nakaputong na korona. Ang komposisyong ito ay naglalarawan ng naging dibisyon ng mga bansa sa Europa (at ng Amerika, imahen ng lumilipad na ulap na nakamaskara) pagkatapos na magdeklara ng guerra ang Rusya sa Ukraine. Banggitin din natin ang NATO na nasa likuran ng dalawang imahen ng magkalabang hari. Sa ikalawang drowing (“Bird’s Eye”) ay ang prominenteng mga ibon (eroplano), ang kanilang mga bilog na titig nakatutok sa nakadipa ang mga kamay na higanteng tao sa ibaba, habang ang natutulog na mga gusali ay walang kaalam-alam sa paparating na panganib.


Ang ikatlong drowing (“Done Deal”) ay portrait ng isang kontratista ng guerra na tumatawag sa selpon, nakasuot ng signature na sombrero (Louis Vitton) at ang mga daliri ng kanyang kanang kamay ay kababasahan ng senyas ng demonyo; suot niya rin ang kurbata ng payaso. At ang panghuling drowing (“Refugees”) ay nagpapakita ng inisyal na resulta ng guerra, ang paglisan ng mga refugees ng kalungsuran at pananatili sa refugee camp; nangyayari ito habang nagsasalita ang kalahi ni Pinnochio (empasis sa mahaba at matulis na ilong) sa tv at ang dasal ng mga refugees ay sinasagot ng humanitarian missions ng kutsara at pinggan ng pieta: awa, nakakaawa, at kaawa-awang kondisyon.


Ang pangatlong naratibo ay elebado sa mitolohiya. Gamit ang mga imahen ni Birheng Maria at intertekstong alusyon sa ikonikong “The Scream” ni Edvard Munch, ipinakita sa drowing na “Mama Mary’s” ang kawalan (absence) sa kung ano mayroon ang santa: nawala ang kanyang buong mukha, ang kalahati ng mukha, at ang lahat ng sinisimbolo ng kanyang pagiging santa—lahat dahil sa guerra. Samantala, ang “Pas-an” ay kakikitaan ng alusyon kay Atlas, ngunit imbis na buhat-buhat ang mundo, ang bigat ng kanyang pasanin ay ang reduplikasyon ng kanyang sarili—ang pagbubuhat niya rin ng kanyang sariling representasyon. Si Maria at si Atlas ang naging representasyon ng saysay at salaysay ng guerra.

Ang s(al)aysay ng guerra, ayon kay Charlie Co, ay masasabing pagsasalarawang-buhay ng kaisipan at karanasang may kinalaman sa guerra. Ngunit higit sa lahat, ang mga artworks na ito ay patunay rin na maaaring patotohanan ang sinabi ni Picasso tungkol sa kanyang “Guernica,” “Painting is not made to decorate apartments. It's an offensive and defensive weapon against the enemy.”


Comments

Popular posts from this blog

Baryo Bilang Lunan ng Kaalaman: Epistemolohikal na Topograpiya sa Maikling Pelikulang “Sa Taguangkan sang Duta”

Diskurso ng Kaalaman sa short film na Tiempo Suerte

Ang Tulok (Gaze) sa Muaks at Kinaiya Art Exhibit