Binary opposition sa Bleed and Bloom 2

 John E. Barrios

Ang isang bagay ay hindi nagkakaroon ng halaga hangga’t walang tumitinging nagkakainteres dito. Ang isang abstract painting na nakasabit sa dingding ng gallery ay nagkakaroon lamang ng halaga kung may taong titingin rito at sisikapin itong basahin. Sa gayon, masasabing ang painting ay ‘nagsasalita’ at ‘kumakausap’ sa tumitingin. Lengguwahe ang namamagitan sa painting at sa manonood. May lengguwahe ang art.

Sinasabing ang salita ay arbitraryo at walang iisa at tiyak na pagpapakahulugan. Halimbawa, nagbabago ang kahulugan ng kulay na pula depende kung saan ito nakalagay. ‘Stop’ ang kahulugan nito kapag itinabi sa dilaw at luntiang mga kulay ng traffic lights; ‘mainit’ naman kapag itinabi sa kulay asul ng water dispenser.


Sa eksibit ng artist na si Allain Hablo na Bleed and Bloom (mapapanood sa Mamusa Art Gallery, nagbukas noong Agosto 24), ang mga salitang ‘bleed’ at ‘bloom’ ay makikita sa 11 abstract paintings na may halimbawang mga pamagat na “Bleed and Bloom 2:4” at “Bleed and Bloom 2:9.” Ang ‘bleed’ ay isang salitang hindi hiwalay sa ‘dugo’ o ‘pula.’ Isa itong penomenon na naakda at lumilitaw kapag nagkaroon ng isang marahas na aksiyon tulad ng pagkasugat, paglaslas, pagkakuris at iba pa. Samantala, ang ‘bloom’ ay salitang angot sa gawain ng bulaklak—suhestiyon ng pamumukadkad, pagbuka, at pag-iba ng kulay, na lalong nagiging kapansin-pansin kapag marami ang bulaklak.

Ang ‘bleed’ at ‘bloom’ ay nasa magkabilaang dulo ng pakahulugan. Ang ‘bleed’ ay ‘bayolente,’ at ang ‘bloom’ naman ay ‘tahimik.’ Thanatos at eros, kamatayan at buhay, galit at pag-ibig. Sa madaling salita, nagtutunggali ang dalawang salita.


Ang tunggaliang ito ay isinadiskurso ni Hablo sa pamamagitan ng pagmamarka ng ‘magkahiwalay’ na espasyo para sa ‘bleed’ at para sa ‘bloom.’ Ang espasyo ng ‘bleed’ ay patag (nakakamit sa diretsong hagod ng brush) ngunit hindi buo, paminsan-minsan ito ay gumuguhit ng anyo ng tubig, dumadaloy, at sa marahas na pagkakataon, dumudugo. Ang espasyo ng ‘bloom’ ay ang malapad na kanbas—ang kaparangan kung saan makikita ang mga ‘tahimik’ at ‘di-buong’ bulaklak sa kanilang disturbadong kapaligiran. Ang disturbo ay manipestado sa epekto ng aksiyon mula sa isang matalim at mapanirang instrumento na nag-iwan ng malalim at ginintuang marka o guhit sa gitna at tabi ng kanbas.

Hindi man definitibo at permanente ang hangganan ng magkatunggaling identidad at espasyo, masasabing lantad ang diskurso ng pagkakaiba (otherness) ng dalawang konsepto. Constant at hindi nagbabago ang espasyo ng ‘bloom’ ngunit ang espasyo ng ‘bleed’ ay nag-iiba-iba: tumatambaw, naghahawan; minsan malapad, minsan mahaba, minsan masikip—palaging dumepende sa ‘talim’ at ‘bagsik’ ng ‘instrumentong’ nag-iiwan ng mga gintong guhit.


Magkagayunpaman, ang mga paintings ay maaaring ‘masilipan’ ng konsepto ng liminalidad, na imbis na nagtutunggali ay nagkakahahalo-halo—ang pagsasama ng ‘bleed’ at ‘bloom’ (basa: “Bleed to Bloom”) para buuin ang imahinaryong espasyo ng ‘wala-dito-wala-doon,’ ng fluidity ng mga konsepto; ng isang mapamukaw na rite-of-passage, tulad ng unang dating (ng dugo) sa babae na siyang masasabing transisyon mula sa pagiging inosente patungong pagiging malay sa sariling identidad. Marahil, tapos na ang panahon ng binary opposites, mas mainam na ituring na ang lahat ngayon ay fluid.

Comments

Popular posts from this blog

Baryo Bilang Lunan ng Kaalaman: Epistemolohikal na Topograpiya sa Maikling Pelikulang “Sa Taguangkan sang Duta”

Diskurso ng Kaalaman sa short film na Tiempo Suerte

Ang Tulok (Gaze) sa Muaks at Kinaiya Art Exhibit