Ang Gubat at Dagat sa Ciudad
John E. Barrios
At ito ang pinagsumikapang isadiskurso ng Artivism, grupo ng mga pintor na adbokasiya ang pangangalaga at pagpapahalaga sa kalikasan, sa limang mural painting na makikita sa Marymart Mall sa Iloilo City. Ang mga mural na ito ay makikita sa dalawang driveway (La Terrazza at Marymart Bldg. C), na nagsisilbi ring entrance at exit ng mga tao, at sa isang ‘tagong’ lagusan (Maryville) na palabas ng Delgado Street.
Ang mural na makikita sa La Terraza ay nagpapakita ng isang batang Panay Bukidnon na sumasayaw-sayaw sa gubat kung saan matatagpuan ang mga bulaklak (rafflesia) at mga ibon (Visayan hornbill) sa dominanteng kulay ng orange (guhit nina MA Tuvilla, Kyle Francis Dile, Red Haraya, at Mico Cabais). Sa harap ng mural na ito ay isa ring mural ng dalawang tumatakbo at umiiyak na usa (Visayan spotted deer), kalahati ng kanilang katawan ay mga biyak na lupa na may imahen ng modernong panahon: nakakalbong gubat, minahan, poste ng kuryente, mga gusali sa ciudad, bahay, at mga trak; ang buong larawan ay nakapaloob sa display ng isang video application (guhit nina Marrz Capanang, Sasha Cabais, Zak Bravo, assisted by Vinsoy Cordova).
Sa kabilang driveway, sa bahagi ng Marymart Bldg. C, ay makikita ang imahen ng ‘diwata’ ng dagat, ang kanyang buhok ay umaagos na tubig, ang katawan ay nilalabasan ng seaweeds at corrals, at ang mga kamay ay nasa akto ng pag-alay (guhit ni Marge Chavez). Kapag sinundan ang direksiyon ng kanyang kamay ay makikita ang iba’t ibang isda sa iba’t ibang anyo ng artikulasyon: ang mga apahap na ang ibang bahagi ng katawan ay plastik, ang sikwil na may malaki at nagtatanong na mata (guhit nina Kyle Dile at K. J. Sobremente), ang malungkot na bangrus dahil kinunan ng laman (para gawing relyeno) (guhit nina Hannah Vergara at Jaires Figueroa), ng tamasak na parang ayaw nang makipaglaro sa mga kabute, ng bulan-bulan na may parang in-x-ray na tiyan, ng mga kasag na sumisigaw para humingi ng tulong (guhit ni Zak Bravo), ng ibid na ginawang bangka ng mangingisda (guhit ni Red Gico), at ng dool na walang tigil ang pagsabi ng “ginhawa mo, ginhawa ko” (guhit ni Razzelle). At sa kabuuang haba ng mural ay mababasa ang teksto na “Ikaw ang dool sa igang kag lutak, nagaginhawa ang imo ugat, puwak sang kahawa” (teksto ni Tin Buenavista).
Ang dalawa pang mural na makikita sa ‘tagong’ lagusan (Maryville) ay kakikitaan ng napakalaking butó ng ilang-ilang, sa mga ugat nito ay gumagapang ang mga buldoser, backhoe, dumptruck kasama ang planta ng minahan; may nakasakay na tatlong tao at isang aso sa butó habang walang tigil ang paglipad ng mga ibon sa kahimpapawiran. Kasama rin sa mural ang sipi sa tula na “When will we tire of waiting,” ni Yewande Omotose (guhit nina Marrz Capanang, Red Gico, Sasha Cabais, Isaac Bravo, at Vinsoy Cordova). Sa harap ng mural na ito ay ang ‘diwata’ ng gubat, bitbit-bitbit ay lampara habang lumalabas sa higanteng bulaklak kasama ang mga hayop na ilahas (tamaraw, Visayan warty pig, Philippine flying lemur, at Philippine mouse-deer) (guhit nina Marge Chavez & Noel Epalan Jr., at Vinsoy Cordova).
Masasabing napagtagumpayan ng grupo ng mga aktibista (hango sa tawag sa kanilang grupong Artivism) na mailunsad ang isang ‘tahimik’ na rebolusyon sa pamamagitan ng pag-akda ng penetrasyon ng mga simbolikong representasyon ng kalikasan (‘gubat’ at ‘dagat’) sa espasyo ng modernong ciudad. Ang mga imaheng makikita sa mga mural ay sapat na para pukawin ang tulog na isipan ng mga taga-ciudad sa nararapat na relasyon ng tao sa kanyang kapaligiran—ang hindi lamang para gamitin ito, ngunit pangalagaan rin.
Sa kabilang banda, masasabi ring ang penetrasyong ito ng espasyo ng ciudad ay hindi buo o kumpleto. Napasok lamang ng ‘gubat’ at ‘dagat’ ang laylayan (periphery) ng ciudad (driveways at ‘tagong’ lagusan) at hindi ang sentro nito. Ang ‘kinakausap’ ng mga mural ay mga taong nasa laylayan ng lipunan: ang mga ordinaryong tindera/tindero, mamimili, estudyante, pulubi, at trabahador. Sa katunayan, nailantad pa ang pagiging doble mardyinalisado (double marginalization) ng ‘gubat’ at ‘dagat’ at ng usapin ng kalikasan. Ngunit dahil ito ay isang (tahimik) na rebolusyon, panahon na rin ang makapagsasabi kung kailan nito kukubkubin/sasakupin ang modernong ciudad.
Comments
Post a Comment