Ang Bagahe ng Pagiging Unang Pelikulang Hiligaynon

 John E. Barrios

 

Pitong dekada matapos mailathala ang unang nobelang Hiligaynon na Benjamin (1907) na sinulat ni Angel Magahum, ipinalabas sa publiko ang unang pelikulang Hiligaynon na Ginauhaw Ako, Ginagutom Ako (1977) na sinulat ni Quirino “Quin” Baterna at dinerehe kasama si Leonardo Belen; pinagbibidahan ito nina Bernard Bonin (Frank) at Susan Henson (Rosanna). Kuwento ito ng isang babaeng nawalay sa magulang sa batang edad, inampon ng mag-asawang mayaman, ngunit minalas pagkatapos maaksidente ng mga umampon sa kanya, kaya napilitang maging mananayaw sa beer house, magtulak at gumamit ng droga, at kahit nakalaya sa sindikato at nagbagong-buhay, ay namatay dahil sa marumi at masamang nakaraan.

Ang pelikula, katulad ng nobela ay maituturing na maimpluwensiyang anyo ng art bilang tagadokumento at tagapuna ng kalagayang panlipunan sa isang partikular na panahon. Nahihigitan ng mga ito ang visual arts, teatro, awit, sayaw, at ibang anyo ng panitikan dahil sa kakayahang magsalaysay ng mahahaba at komplikadong naratibo na mababasa at mapapanood ng higit na nakararaming tao. Dahilan marahil kung bakit walang masyadong naisusulat tungkol sa unang painting na gawa ng Ilonggo, unang dulang Hiligaynon, unang awit na Hiligaynon, at iba pang una.


Mapalad akong mapanood ang restored copy ng pelikula noong 15 ng Agosto sa UPV Cinematheque bilang bahagi ng selebrasyon ng ika-75 taon ng pagkakatatag ng UP sa Iloilo. (Ang restorasyon ng pelikula ay ginawa pa sa France, sa National Centre for Cinema and the Moving Image, sa pakikipagtulungan na rin ng National Film Archives of the Philippines at Film Development Council of the Philippines.)  Nauna na itong ipinalabas sa Cinematheque Iloilo noong 2016 bilang bahagi ng World Premieres Film Festival Philippines.

Ang pelikulang Ginauhaw Ako ay masasabing may pagkakatulad ang konteksto sa nobelang Benjamin. Sa panahon ni Magahum, ang panghihina ng impluwensiya ng Simbahan, na dulot marahil ng pumapasok na kulturang Amerikano, ay pinupunan ng panitikan—ng nobela at teatro—para ‘turuan’ ang kabataan ng tamang pag-uugali at gawi. Samantala, hindi man binanggit sa pelikula, ang panahon ng Martial Law ay makikita sa proliperasyon ng beer houses, ng druga, ng mga tagapagtanggol na pulis, at ng mga kabataang pinapakain ng tinapay (alusyon sa nutribun) at pinapag-ehersisyo nang sabay-sabay sa mga paaralan. Ang mga maling gawain sa lipunan sa pelikula ay binigyang-solusyon sa pamamagitan ng pagpapatupad ng batas at paglupig sa kasamaan. Kasama na rito ang pagpatay sa pangunahing tauhang si Rosanna sa katapusan. Pangaral nga ng pari sa pelikula, “sa kamatayon, may bag-o nga kabuhi.”

Bilang unang pelikulang Hiligaynon, umangkas ang Ginauhaw Ako sa genre ng pelikula na mabenta sa kanyang panahon. Mayroon itong eksena ng halikan, kaseksihan, bakbakan, barilan, at iyakan. Ang imahen ng lalaki ay malakas at matapang, samantalang ang sa babae ay mahina at hindi kayang ipaglaban ang sarili. Hindi nakapagtatakang marinig mula sa nakasaksi noong ipinalabas ito sa Allegro Theater na marami ang pumila.

Ngayon, ang panonood nito ay isa na lamang akto ng nostalhiya. Matutuwa ang mga manonood sa pagkakakita ng mga nakikilalang mga Ilonggong artista sa pelikula at sa mga lumang imahen ng lungsod: mga eskwelahan, simbahan, belfry, hotel, gusali, dyip, kalye, tulay, mansyon, baybayin, at iskwater. Ngunit hindi rin maikakailang ang halaga nito ay hindi lang sa pagiging historikal: unang pelikulang Hiligaynon. Mahalaga pa rin ito dahil hanggang sa ngayon ay problema pa rin ng maraming pamilya ang kahirapan, talamak pa rin ang prostitusyon, marami pa ring nagtutulak at gumagamit ng droga, at higit sa lahat, buhay pa ang anino ng Martial Law. 

Comments

Popular posts from this blog

Baryo Bilang Lunan ng Kaalaman: Epistemolohikal na Topograpiya sa Maikling Pelikulang “Sa Taguangkan sang Duta”

Diskurso ng Kaalaman sa short film na Tiempo Suerte

Ang Tulok (Gaze) sa Muaks at Kinaiya Art Exhibit