Lohika ng Bilis at Tukso ng Detalye (Part 2)

 John E. Barrios


Hindi lang lugar o espasyo ang mahalaga sa paggawa ng street art. Mahalaga rin ang pagbibigay-konsiderasyon sa bilis ng takbo ng sasakyan at galaw ng tao sa pagpili ng mga imaheng ipipinta sa street art. Dito masasabing nagtagumpay ang mga ipinintang imahen sa pedestrian overpass na nasa kahabaan ng Benigno Aquino Avenue, malapit sa Monkey Grounds. Kapansin-pansin sa mga imahen dito ang paggamit ng geometric forms na lumilikha ng ilusyon ng gumagalaw na mga anyo at linya. Ginamit ang mga ito para isalarawan ang mga nagtataasang gusali, ang mga landscape ng lungsod: iba’t ibang elementong bumubuo rito tulad ng mga hugis ng gusali, bubong, pintuan, bintana, tubo, at iba pa. (Naisalarawan din ang panoramikong tanawin ng bundok at araw sa isang bahagi.) Sa pagitan ng dalawang matataba at kongkretong haligi, ang kilid na bahagi ng lalakarang komukonekta sa dalawa ay pininturahan naman ng monochromatic blue sa anyo ng sumasayaw-sayaw na tubig at kung saan nakahilira ang mga paraw na may iba’t ibang kulay.


Hindi tulad ng mga imahen sa flyover sa Gen. Luna St., walang ispesipikong pagpapakilanlan ang mga imahen maliban sa mga paraw. Walang matatawag na mga ‘iconic’ na imahen ng lungsod at probinsiya. Kaya’t walang malakas na motibasyon para ‘pahintuin’ at ‘tuksuhin’ ang makakakita na titigan nang matagal. (Ang problema kasi sa ‘icon’ humihingi ito ng kaukulang pagpansin, at kapag relihiyosong ‘icon’ pa nga, ay kaukulang pagsamba.) Ito ang lohika ng pagkakasundo ng street art at gawaing pampubliko tulad ng pagsakay sa sasakyan.


Dito masasabing mas higit na pinahahalagahan ng mga imahen ang konsepto ng galaw at ‘daloy’. Tulad ng paggamit ng metapora ng tubig sa lalakarang overpass, ang mga geometric forms, mga linya, at mga kulay ay kakikitaan ng ‘pagdaloy’ sa paningin ng mga dumadaang mga drayber at pasahero. Ang horizontal na galaw ng tao ay nadadala ng mga ito sa iba’t ibang direksiyon: mayroong pumaitaas ang tingin, mayroong tumakbo padiretso, o pumaindayog sa galaw ng imahen ng tubig.

Ito rin ang epekto ng pagpinta ng iba’t ibang kulay at anyo sa mga tulay tulad ng Drilon Bridge at Iloilo Diversion Bridge. Sa una ay mga lumalangoy at lumulutang na makakapal na linya na may iba’t ibang kulay (makikilala ang anyo ng bulaklak sa isang bahagi); at sa pangalawa ay ang magkakadikit na mga malalaking geometric form na may sari-saring kulay. Sa dalawang tulay na ito, ang mapapansin ng dadaan ay ang paggalaw ng linya at ang pagbabago-bago ng kulay. Imbis na magpahinto, tinutulungan ng mga ito ang mga tao na ‘mapabilis’ ang kanilang paglakbay o pagdaan.

Marahil maituturing na isang kontra-espasyo at kontra-panahon ang paglalagay ng mga ‘icon’ ng lungsod at probinsiya sa mga street art para tangkilikin ng mga tao, residente man o turista, dahil labas ito sa lohika ng espasyo at panahon, ng kalye at ng bilang ng segundo sa traffic lights, at ng interaksiyon ng imahen at ng mga tao. Ang ‘icon’ bilang patalastas (ng lokal na gobyerno) ay mas nangangailangan ng angkop na espasyo upang lubusang maiinternalisa ng mga manonood ang mga posibleng mensahe ng mga ito, at hindi ang paglalantad sa mga ito bilang ‘mapanuksong tanawin’ na magdadala sa peligro.

Comments

Popular posts from this blog

Baryo Bilang Lunan ng Kaalaman: Epistemolohikal na Topograpiya sa Maikling Pelikulang “Sa Taguangkan sang Duta”

Diskurso ng Kaalaman sa short film na Tiempo Suerte

Ang Tulok (Gaze) sa Muaks at Kinaiya Art Exhibit