Ang Mural sa Kuwento

 John E. Barrios

 


Sa tuwing may idinadaos na gradwasyon ay may naiaakdang kuwento. Kuwento ito ng mga taong nagtagumpay sa kanilang mga gawain. Sa pangkalahatan, kuwento ito ng mga estudyanteng nagsipagtapos sa kanilang mga akademikong kurso. Pero kuwento rin ito ng mga magulang na naririyan sa kanilang tabi para mairaos ang akademikong mga gawain. Kuwento ito ng mga guro na gumabay sa mga estudyante para maitulay ang mga kaalaman at kakayahang kanilang kakailanganin sa kolehiyo at sa kani-kanilang sariling buhay. Kuwento ito ng mga administrador at staff ng unibersidad na nagpapagalaw ng makinarya ng edukasyon. Kuwento ito ng mga tindera sa coop at cafeteria, ng mga dyanitor at dyanitres, at ng mga guwardiya.


Mapapakinggan rin dito ang kuwento ng valedictorian, ni Kate Margarette Hautea, kung paano niya—kasama ang kanyang mga kaklase—binigyang pakahulugan ang gasgas nang kasabihang “burning the midnight candle,” na nagkaroon pa ng dagdag na kahulugan dahil sa kanilang kinakaharap na pandemya ng Covid 19. Gayundin ang kuwento ng Guest Speaker, ni Gov. Arthur Defensor, Jr., na nagbitaw ng kasabihang, “don’t let your academics interfere with your education” (hango marahil sa sinabi ni Mark Twain na, “I have never let my schooling interfere with my education.”) ngunit sa bandang huli ay sasabihin pa rin na, “prioritize your academics,” dahil ito pa rin ang basehan ng pagkakaroon ng magandang trabaho pagkagradweyt sa kolehiyo.


Kuwento ito tungkol sa ika-41 na gradwasyon ng University of the Philippines High School in Iloilo noong 19 Hulyo 2022 kung saan makikita ang dalawang mural sa magkabilang panig ng entablado. Ang mural ng ‘Isko’ at ‘Iska’ (tawag sa mga estudyante ng UP) ay likha at konsepto ni Kristoffer Brasileño, isang Ilonggo artist/muralist na nagtuturo sa Department of Fine Arts ng University of San Agustin at Digital Media and Interactive Arts Program ng Central Philippine University; katulong niya ang mga pintor na sina Jester John Macabanti at Barry Matthew Namo dito. Sa mural, makikita ang “larger than life” na imahen nina Isko at Iska na parehong nakasuot ng sablito (tawag sa sablay ng gagradweyt sa hayskul) sa kanilang kanang balikat (basa: gagradweyt pa lang) at sa kani-kanilang likuran ay ang lumalangoy at maliwanag na mga kulay. Si Isko ay nakabarong at kampanteng nakapamulsa at nakatingin sa direksiyong pakanan, mababanaag ang bahagyang ngiti sa kanyang mga labi. Samantala, si Iska naman ay nakadamit na kulay ecru/beige/cream, ang kanyang mga mata ay bahagyang nakapasiplat sa kaliwa at ang kanang kamay ay nasa ilalim ng mukha—suhestiyong may iniisip—na sinusuportahan ng kaliwang kamay sa bandang siko; ang sobrang mahabang buhok ay palipad-lipad sa kanyang harapan at sa kanyang likuran.


Kapag tiningnan sa harapan, napaka-imposing ng imahen nina Isko at Iska: sila ang kumukulong at nagsisilbing frame sa kabuuan ng entablado at nagdadala sa mata (ng manonood) sa nakapaskil na mga salita sa panggitnang panel (41st Graduation Exercises) na sinasalikop ng magkabilaang logo ng Unibersidad ng Pilipinas System at ng Unibersidad ng Pilipinas Visayas. Itataas ang tingin pagkatapos para itanghal ang dakilang simbolo, ang UP Oblation, na naka-frame sa façade ng gusali ng UPV Main Building (kasama ang matulis na tore) hanggang sa palayain ang paningin sa malawak na himpapawid.

Pagkatapos ng seremonya, ang mga gagradweyt na estudyante ay magpapa-group picture sa entablado. Pero hindi nila makakalimutang magpapiktyur din sa dalawang mural, sa kanilang “mga kapatid” na sina Isko at Iska. Ito ang mural ng kanilang kuwento sa My Story at Instagram.

 

Photo credits:

UPV Information and Publication Office

Prop. Cheryl Joy Fernandez-Abila

Paula Mae Sandoval

Richmond Fuentes

Loubelle Jan Gabayeron

Elyzhia Denise Castillon 

Comments

Popular posts from this blog

Baryo Bilang Lunan ng Kaalaman: Epistemolohikal na Topograpiya sa Maikling Pelikulang “Sa Taguangkan sang Duta”

Diskurso ng Kaalaman sa short film na Tiempo Suerte

Ang Tulok (Gaze) sa Muaks at Kinaiya Art Exhibit