Lohika ng Bilis at Tukso ng Detalye

John E. Barrios


Tulad ng sa karaniwang maunlad na lungsod, ang street art sa Iloilo City ay unti-unti nang nagiging ordinaryong tanawin. Patunay dito ang pagpipinta ng mural sa dalawang flyover sa Gen. Luna Street, ng over-pass sa Diversion Road, ng Drilon Bridge at iba pang istruktura sa iba’t ibang lokasyon sa lungsod na maaaring makita ng mga bumibiyahe at naglalakad sa nabanggit na mga kalye.

Ang isang street mural ay maituturing na ‘temporaryo’ at epemeral; maaari itong mabura o kumupas ang pintura sa paglipas ng mga taon. Nagiging ‘permanente’ lamang ito kapag nakuhanan ng larawan at naiprint o di kaya’y nai-post sa isang website at naibahagi sa iba’t ibang account sa iba’t ibang bahagi ng mundo. Ang mga street mural sa ilalim ng 316 metro flyover sa Gen. Luna Street na ginawa ng mga miyembro ng Baysulangpu Artists Society halimbawa ay hindi lang makikita sa aktuwal na kalye ngunit mada-download rin sa mga website ng Philippine Daily Inquirer, Panay News, Daily Guardian, at ng mga pribadong blogs.


Ang mga street mural sa Gen. Luna Street ay binubuo ng mga larawan ng pamanang kultura (cultural heritage) ng lungsod: ang mga simbahan ng Jaro, Molo at Miag-ao, mga gusali tulad Casa Real, Iloilo City Hall, Museo Iloilo at Fort San Pedro; Arroyo Fountain at estatuwa ni Hen. Martin Delgado; at kapistahan tulad ng Dinagyang at Paraw Festival. Sa madaling salita, mga imahen na hindi lang nagbibigay ng dangal sa mga Ilonggo ngunit ginagamit rin ng lungsod para i-promote ang lungsod bilang pangunahing destinasyon ng mga turista.

Ang pagkakapili ng subject para sa isang street mural ay may koneksiyon sa estetika ng representasyon nito. Maiintindihan ng manonood kung bakit hindi siya pinapahirapang makilala ang mga imahen dahil sa pagpapaloob sa mga ito sa representasyonal na estilo. Ang halos automatikong rekognisyon (sa mga nakakikilala ng imahen) ay hindi na nagbibigay ng pagkamangha o pagkagulat dahil sa sobra na silang pamilyar rito. Marahil ang tanging ‘kaligayahan’ na lamang ay ang mabanggit sa isipan ang pangalan ng imaheng nakita (hal. “Museo Iloilo.”) sa simple o makulay na paglalarawan nito.

Ang mangha at gulat kung gayon ay masasabing reserbado sa mga turista o hindi residente ng lungsod. Mas kailangan nilang tingnan at titigan nang matagal ang mga imahen upang makilala ang mga ito. Kung hindi man nila makikilala, maitatanong naman nila sa kanilang mga sarili o mga katabi kung ano ang kanilang nakita.

Mahalaga ang pagkakapili ng lugar na pagpipintahan sa diskurso ng street art. At dahil ang ilalim ng flyover ay bahagi ng isang kalye kung saan dumaraan—at tumitigil ng ilang segundo—ang mga sasakyan, ang oras at posisyon ng panonood ay disturbado ng mga gawaing pagmamaneho, pagkakaupo bilang pasahero, at pagtatawid sa kaso ng mga naglalakad. Konsiderasyon kung ganoon ang bilis ng takbo ng sasakyan at panahong nakalaan sa mga tumatawid sa gawaing panonood. Ang tuksong tingnan ang mga detalye sa isang imahen ay malimit na hindi natutugunan. Ang tagumpay ng ‘komunikasyon’ sa pagitan ng artist(s) at manonood ay palagi’t laging nabibitin at minsan ay hindi naisasakatuparan.   

Comments

Popular posts from this blog

Baryo Bilang Lunan ng Kaalaman: Epistemolohikal na Topograpiya sa Maikling Pelikulang “Sa Taguangkan sang Duta”

Diskurso ng Kaalaman sa short film na Tiempo Suerte

Ang Tulok (Gaze) sa Muaks at Kinaiya Art Exhibit