Itanghal ang Rehiyon(al)! O Kung Paanong ang Iloilo Mega Book Fair ay naging Espasyo ng Performans

 John E. Barrios

 

Nagkaroon ng pagkakataong mabasa ng maraming Pilipino ang mga panitikan mula sa rehiyon nang magkaroon ng interes ang mga kritiko, pabliser, at institusyong kultural sa mga akda mula sa rehiyon pagkatapos ng Rebolusyong EDSA. Ang Cultural Center of the Philippines ay naging bukas para sa mga manunulat at organisasyon ng manunulat mula sa rehiyon sa pamamagitan ng pagtatatag ng mga lokal na arts council, pagbigay ng writing grants at workshop grants, at paglalathala ng iba’t ibang rehiyonal na antolohiya. 

Dahil dito, ang mga nalathalang mga akdang ‘rehiyonal’ ay nagpabago ng pananaw ng mga kritiko tungkol sa konsepto ng pambansang panitikan. At kung susundan pa ang pananaw ni Leoncio P. Deriada, kilalang manunulat at organisador ng mga palihan sa Kanlurang Bisayas, ang mga akdang ito ay isang “kapansin-pansing bantas sa pagmamapa ng bansa ng isang mas mayabong, mas malawak ngunit mas makahulugang pagkabansa.”

 


Ang ikalimang Iloilo Mega Book Fair (IMBF), mula Abril 28-30, 2022, sa Iloilo Museum of Contemporary Arts ay masasabing pagpapatuloy ng nauna nang sinimulan ni Deriada, lalo na sa usapin ng paglalathala ng mga aklat at antolohiyang nasusulat sa Hiligaynon, Kinaray-at, at Akeanon. At isa sa masasabing ‘malaking pagtatanghal’ dito ay ang paglulunsad ng 30 aklat pambata na nasusulat sa Hiligaynon at Kinaray-a. Ito ang kauna-unahang pagkakataon sa kasaysayan ng panitikang pambata na magkakaroon ng paglulunsad ng maraming aklat pambata sa dalawang rehiyonal na wika ng Kanlurang Bisayas.

Maituturing na ang paglalathala ng aklat pambata sa Hiligaynon/Kinaray-a ay isang espasyo ng rehiyonal na bokabularyo, gramatika, sintaks, idyoma, at tunog ng komunidad na kakaiba sa Sentro—ang Maynila at National Capital Region na siyang pangunahing tagabuo ng pambansang wikang Filipino na itinuturing na lingua franca ng bansa. Dahil dito, ang Hiligaynon/Kinaray-a ay kailangang makipagnegosasyon sa kaniyang espasyo sa usapin ng pambansa.

Masasabing paradoksikal ang posisyon ng Hiligaynon/Kinaray-a dahil parehong kailangan at hindi ng pambansang wika. Parehong hinahatak at pareho ring itinutulak. Maaring maitampok bilang kabahagi at maaari ring maetsapwera. At ito ang kontekstong kinapapalooban ng IMBF 2022.  Binubuksan ng book fair ang pananaw sa pagtanggap ng pagkakaiba, ang posibilidad ng paglikha ng isang sentro, at ng pagkilala sa Hiligaynon/Kinaray-a. Binubura nito ang nakasanayang mapanakop (constitutive) na pananaw ng pag-akda ng panitikang pambansa na nasusulat sa pambansang wika.


Dahil nasa rehiyonal na aktuwasyon ang aklat pambata sa Hiligaynon/Kinaray-a, kapag ito’y itinanghal, ang magiging imahinaryong lunan ay ang parehong sentro at laylayan.  Kaya nga’t kailangan pang magtanghal ng sarili nito. Bilang ‘rehiyonal,’ kailangan nitong maging “performative” upang mapansin at hindi malusaw ng dominanteng panitikan na galing sa sentro.

Sa pagtatanghal ng aklat pambatang Hiligaynon/Kinaray-a maiaakda ang performatibong estado ng panitikang ito. Magkakaroon ng puwang para ang mga ito ay basahin at hanguin sa laylayang estado (marginalized state) at maging bahagi ng sentro o di man ay maging isa sa mga sentro ng panitikang pambanta sa bansa.  Sa ganitong paraan rin naipagpapatuloy ang pag-akda ng pambansang panitikang pambata.

Comments

Popular posts from this blog

Baryo Bilang Lunan ng Kaalaman: Epistemolohikal na Topograpiya sa Maikling Pelikulang “Sa Taguangkan sang Duta”

Diskurso ng Kaalaman sa short film na Tiempo Suerte

Ang Tulok (Gaze) sa Muaks at Kinaiya Art Exhibit