Ang bench o ang Kontemplatibong Titig sa Art
John E. Barrios
Naririyan siya para magsilbi hindi lang bilang pahingahan ngunit bilang tagasagisag (sign) ng isang seryosong gawain: ang kontemplatibong pagtitig sa artwork.
Sa kasaysayan ng art viewing, ang paggamit ng bench ay unang nangyari sa isang museum sa Amerika noong 1975 sang-ayon sa konsepto na “Please be seated”, isang programa na nagbibigay ng pagkakataon sa mga bisita ng museum na makita ang isang artwork (upuan) at magamit ito (maupuan). Parehong art at gamit ng art ang naging funksiyon nito. Subalit sa paglipas ng panahon, ang funksiyon ng bench ay para maupuan na lamang.
Ang ‘pag-upo’ sa bench ay maaaring mangahulugang ‘magpahinga’ (to rest), pagkakataon para magsulat (to write), gumuhit (to sketch), magkuwentuhan (to talk), tumingin (to look), at iba pang maaaring gawin. Subalit ang pagkakalagay ng bench sa isang estratehikong lugar sa Hanas, ang Changing Exhibition Room sa Gallery 2 ng UPV Museum, saan nakakabit ang paintings ng mga kilalang Filipino modern artists tulad nina Jose Joya, Napoleon Abueva, Cezar Legaspi, Ang Kiukok, at iba, ay nagbibigay suhestiyon ng isang mataas na lebel ng gawain: kontemplasyon.
Itong kontemplatibong gawain ay suspendido ng parehong lugar at panahon. Lugar dahil kailangan mong umakyat sa ‘matarik’ (kailangang lagyan ng espesyal na tape para hindi maging madulas) at makitid na hagdan para makarating sa exhibition room, na isang attic sa kabuuang desinyo ng dating city hall ng Iloilo City. Panahon dahil dinidelay ang iyong oras ng hirap sa pag-akyat para agarang marating ang exhibition room. Ngunit, katulad ng ibang ekstatikong karanasan, na matapos ang pagsubok sa katawan at isipan, mararamdaman ang lualhati matapos marating ang hangganan.
At tatambad sa iyong paningin ang bench, ang bench sa gitna.
Hindi neutral ang pagkakalagay ng bench sa gitna ng exhibition room. Ito ay sadyà at pinag-isipan; isang imbitasyon para sa isang intelektuwal na gawain, lalo na at itinuon ang direksiyon ng tingin ng nakaupo sa center-piece ng kabuuang eksibit—ang abstrak painting ni Jose Joya. Nangangahulugan ang programatikong paglay-out ng buong eksibisyon ng pagkilala sa abstrack art bilang siyang peak ng modern art. Itong pagkilala ay bunsod na rin ng pagkakaroon ng katangian bilang siyang pinakakomplikadong anyo (form) ng art. Ang pagiging complex ng abstract art ay nasa pagiging highly cerebral nito, na kailangan ng manonood ng panahon para makapag-isip para sa gawaing pagpapakahulugan.
Comments
Post a Comment