Sa pagitan ng nude at p_rn, mga posibilidad sa proyekto ni Job Hablo
John E. Barrios
Hindi maikakaila ang patuloy pa ring debate sa ‘tamang’ depiksiyon ng katawan ng babae (o lalaki man, ngunit higit sa babae) sa iba’t ibang anyo ng art ngunit partikular na sa painting. Sa kasalukuyan ay mahirap nang ipakita ang katawan ng babae na hindi kinokonsidera ang magiging opinyon ng kababaihan, lalo na yaong mga mulat na nakikipaglaban sa karapatan at pagkilala sa identidad ng pagiging babae.
Ang binuksang eksibit na Pornographix (nakakulay pula ang ‘no’ at ‘x’) ni Job Hablo sa Mamusa Gallery noong Marso 22, 2023 ay isang maituturing na pagkakataon para maisadiskurso ang usapin ng paggamit ng katawan ng babae (at lalaki) at maiakda ang mga posibilidad ng iba pang pagpapakahulugan. Kung paniniwalaan ang sinasabi ng pamagat, lalo na ang mga salita/letra na nakapula, ang eksibisyon ay ‘hindi malaswa’ at walang hangaring ‘bastusin’ ang pag-iisip ng manonood.
Nais kong ihaka na sinikap gawin ito ng artist sa dalawang paraan: una, sa paglalantad ng kaniyang sarili (sa 4 na ‘self-portraits’) bilang ‘nakikiisa’ sa kanyang mga subject na babae sa pamamagitan ng ‘pagpapaliit’ ng kanyang presensiya (presence)—sa parehong literal at metaporikal na pakahulugan—at sa pagsasa-feminisado ng kanyang (lalaking) katawan, sa katunayan binura niya dito at ginawa na lamang na latak (trace) ang idea ng kamachohan (machoness); at pangalawa, sa pagpipinta ng katawan ng babae sa arestado (arrested) na postura—posisyon ng pagkakatayo o pagkakaupo na may suhestiyon ng patuloy na aksiyon—para ilayo sa imbitasyong umakda ng sekswal na pakahulugan.
Sa kanyang mga self-portrait naririyang iakda ni Hablo ang kanyang sarili bilang ‘santo’ sa pamamagitan ng paglalagay ng itim na ‘halo’ sa kanyang ulo habang ang mga kamay ay nakatabon sa ari at nakapikit ang mga mata (‘self-portrait #2, #3, at #4” ) at gayundin bilang ‘kupidong’ (may itim na pakpak) musikero na tumutugtog ng ‘gitarang piano’ ang hubad at nakatayong katawan. Masasabing hindi hiwalay ang 4 na self-portrait sa kanyang pagiging artist na siyang nagpinta ng mga katawan ng babae sa naratibo ng eksibisyon, nagsisilbing justifikasyon ang mga ito sa kanyang inaaku na posisyon sa proyektong burahin ang idea ng kamachohan: ito ang kanyang 'maliit' at 'relihiyosong' presence. (Ngunit baka hindi rin. Tingnan ang painting na “RE: SET,” kung saan makikita ang nakatayo at umuunat na hubad na katawan ni Hablo at naka-blur ang kanyang ari; sa kanang itaas ay isang electronic gadget na nakasaksak sa isang outlet.)
Samantala, kung paano niya ‘pinaliit’ ang kanyang presensiya ay gayundin ang ‘pagpapalaki’ ng presensiya ng kanyang mga babaeng modelo (halos apat o anim na beses ang laki ng mga kanbas ng painting). Ang laki ng painting ay may layuning kumuha at umagaw ng pansin. Kung sabagay, ito nga naman talaga ang ‘laman’ ng naratibo ng eksibit—ang hubad na katawan ng mga babae. (Nagsisilbing anotasyon o footnote na lamang ang 4 na self-portrait ng artist.)
Ang unang mapapanood na painting pagpasok na “I might be somewhere else, existing” ay ang nakatalikod at nakatayo ng patagilid na hubad na katawan ng babaeng nakatalukbong ng itim na tela ang ulo, tanging ang puwet at (isang) suso ang makikita. Kalahati ng katawan ay naka-frame sa kulay na pink (para ilantad ang hugis) at makapal na linyang itim. Imahen ito ng isang katawang suspendido sa gawaing pag-uunat (stretching). Ang background ay maaaring isang rooftop na naiilawan ng buwan. Susundan ito ng “Just another indoor chaos,” kung saan makikita ang isang babaeng may tabon ang mukha at nakasuot ng itim na panties at kita ang dalawang suso, nakasandal ang likod sa dingding sa labas ng kuwarto marahil. Ang bigat ng kanyang katawan ay naroroon sa likod, ang dalawang paa ay kakikitaan ng gaan at madaling maigalaw. Ang buong katawan ay nakapaloob sa puting frame na nakasingit sa pagitan ng kanyang dalawang paa. Sa kanyang kanan ay isang pintuan na maraming bukol at hinati ng dilaw na trianggulo—suhestiyon ng internal na gulo sa loob ng kuwarto. Sa dalawang painting ay makikita ang larawan ng mga babaeng kailangang ilabas/lumabas sa mga kuwarto/bahay, sa madaling salita, sa kanilang ‘pagkakakulong’ at ilantad ang kanilang mga sarili. Ipininta ni Hablo ang kanilang mga katawan sa isang ‘mapagpalayang’ mga sandali.
Ngunit hindi marahil sa susunod na painting, ang “3:00 am,” kung saan makikita ang nakahigang hubad na katawan ng babae, hindi gumagalaw ngunit kababasahan ng pagiging balisa (disturbed); higit pa itong naipalabas sa paglalagay/pagsingit ng frame mula ulo hanggang ilalim ng puwet. At dahil natatabunan ang mukha, ang utong pa ng suso ang nagsilbing mata na tumitingin/sumisilip sa manonood. Ang oras sa pamagat, ang higaan, at ang ‘balisang’ katawan ang nangungusap ng pakahulugan.
Sa kabilang banda, ang painting na “Feeling blissed #2” ay larawan ng pagtatagumpay ng katawan ng babae dahil sa danas na ekstatiko (ecstatic) na masisilip sa nakatihin na mga daliri ng paa ng babae sa larawan. Hindi man ipinakita ang pisikal na danas, mababasa ito sa magalaw at malilikot na mga linya sa telang nakabalot sa upuan, gayundin sa paglilipat sa damdamin ng babaeng karakter sa kapilyuhan ng titig ng itim na pusa. Suportado ang damdaming ito ng pagpapalayo ng puting frame (sa background na yellow) sa katawan ng babae at pagpapalapit ng kulay violet (kulay ng kababaihan) sa mata ng manonood.
Ang centerpiece ng eksibit na “Privately unwrapped #2” ang masasabing ‘pinakamatapang’ sa lahat dahil sa ‘paglalantad’ ng harapan—ang walang kiming pagpapakita ng dalawang suso at ari ng babae. Ito na marahil ang kulminasyon at tugatog (peak) ng proyekto ni Hablo. Kababasahan ng tensiyon ang painting dahil sa naka-diagonal na kaliwang kamay na may hawak na asul na baloon na nagpapatuloy sa hexagonal na puting frame na may base sa ari at apex lagpas sa nakatalukbong na ulo. Ang hexagon ay may kulay na pink at ang background ay stripes ng kulay dilaw at pink.
Diskursibo ang paggamit ng kulay dahil kumbensiyonal na ikinakabit sa pagiging babae ang kulay pink at sa lalaki naman ang asul. Masasabi ring karaniwang gawain ng lalaki ang paggamit ng damit para balutin ang ulo. Kayat sa proyektong ito ni Hablo na ‘pagpapalaya’ ng katawan at identidad ng babae, naipasok niya ang pananaw na panlalaki sa katauhan ng babae. Ang paglalantad ng katawan ng babae bilang akto ng pagpapalaya ng sarili ay isa pa ring maskulinadong gawain. Dito, masasabing naging ‘lalaki’ na ang mga babae ni Hablo.
Comments
Post a Comment