Art Spaces: Paglulugar ng Art sa Kontemporanyong Iloilo
John E. Barrios
Diktado ng panahon ang paglikha ng espasyo para sa art. Noong monopolisado pa ang art ng mayayamang uri, ang mga artwork ay mapapanood lamang sa mga simbahan at sa mga mansiyon bilang koleksiyon ng pamilya. Ngunit sa pag-angat ng gitnang-uri (middle class), ang mga artwork ay nagkaroon ng espasyo sa mga galerya at museum at maaari nang panag-arian ng mga indibidwal na may kakayahang bumili ng mga ito.
Sa isang umuunlad na lungsod tulad ng Iloilo City, may mga establistamento tulad ng Mamusa Art Bistro at Book Latté sa Festive Walk ng Megaworld at lobby ng Festive Mall na naglalaan ng espasyo para sa eksibisyon.
Sa ground floor ng Mamusa ay mayroong entablado kung saan idinadaos ang iba’t ibang pagtatanghal. Background ng entablado ang isang collaborative mural na ipininta ng mga artist na Ilonggo. Sa mga dingding ay nakasabit rin ang ilang mga paintings. Sa mezzanine nito ay ang art gallery. Dito nakadisplay ang mga artworks ng mga bago at hindi pa kilalang mga artist. Minsan ay nag-eeksibit din dito ng kanilang ‘maliliit’ na artworks ang mga kilalang artist sa Iloilo. Sa kasalukuyan, nakaeksibit dito ang mga artworks ng ilang Ilonggo Artists para sa isang fundraising project para sa kabataan ng FilAr Peace at iba pang grupo tulad ng Angat Buhay Youth.
Sa unahan lang ng Mamusa ay ang Book Latté kung saan makikita ang Book Latté Alternative Art Space (BKLAS). Ito ay isang maliit na mezanine kung saan kasalukuyang nakadisplay ang mga ibinebentang paintings ng Hubon Ilonggo: Young Artist Collective of Iloilo para sa kanilang eksibit na Sanáaw, isang group exhibition ng pitong Ilonggo artist.
Sa loob naman ng Festive Walk Mall, sa first floor nito, ay makikita sa mga lobby ang tatlong eksibit ng mga grupo ng artist para sa selebrasyon ng Buwan ng mga Kababaihan (nagbukas noong Marso). Isa sa mga ito ang fundraising exhibit na Paraluman: New Women of Today ng mga artist ng Asian Medical Students’ Association ng West Visayas State University (AMSA – WVSU) para sa kanilang livelihood training program para sa ilang komunidad sa Iloilo.
Hindi na nga lang nalimita ang panonood (at pamimili) ng artwork sa mga establisadong gallery at museum, ito ay nagkaroon na ng espasyo sa bistro, café, at lobby ng mall. Ang pagbaklas na ito ng hangganan at pagbubukas ng art viewing sa iba’t ibang espasyo ay nangangahulugan rin ng paglikha ng bagong uri ng panonood at manonood. Kung dati ay binibigyan ng gallery at museum ang manonood ng sapat na panahon para mag-contemplate sa harap ng artwork, ngayon ang gawaing panonood ay diktado na ng ‘mabilis na galaw’ ng tao sa commercialized spaces. Imbis na napaglalaanan ng ‘titig’ ang artwork, ‘sulyap’ na lang marahil ang nakukuha nito mula sa manonood.
Ngayon at
higit magpakailanman, kailangang malaman ng mga Ilonggo na manipulado ng mga
bagong espasyo ang gawaing panonood at kailangan lang nilang maging malay rito
para mapalaya ang kanilang mga sarili at gawing kaaya-aya ang kanilang karanasan
sa panonood.
Comments
Post a Comment