ANG KOLEKTIBONG MEMORYA AT ANG TALINGHAGA NG SAKIT SA PELIKULANG “SOLO”
Ferdinand Pisigan Jarin
Ngayong taon ay
kinilala ang pelikulang “SOLO” na isinulat at idinirehe ni Kevin
Pison Piamonte bilang Best Short Film ng 69th FAMAS Award. Ito ang kauna-unahang
pelikulang Ilonggo na nabigyan ng nasabing prestihiyosong gawad. Kauna-unahan
din ito para sa Unibersidad ng Pilipinas Visayas na nagsilbing co-producer ng
pelikula katuwang ang ERK Production na produksiyong-pampelikulang binuo nila
Piamonte at ng iba pang Guro at kawaning nagmula sa Division of Humanities ng nasabing
unibersidad.
Nakabatay sa pag-alala o memorya ang daloy ng naratibo ng pelikula. At poetikal na pagkukuwento itong non-linear dahil gaya ng pagkukuwento natin ng alaala, may tendency tayong magsimula agad sa pinaka-importante o gusto nating sabihin agad. Sabi nga: “Straight to the meat of the story”.
Mapapansin natin ito agad sa opening scene ng pelikula na maririnig lamang natin ang mga boses na nagsasalitan patungo sa pagkaunawa natin na ang numerong M1163 ay ang bago nang identidad ni Ron bilang pasyenteng nagkaroon ng Covid at isa sa mga lumisan dahil sa pandemya.
Dito pa lang ipinakikilala na agad ng pelikula sa manonood kung ano nga ba ang problema na tatalakayin ng pelikula: Ang pandemya, ang bagong identidad (o ang kawalan na nito) ng mga nagkakasakit at yumayao sa kultura na ng estadistika, at ang kabuluhan ng pag-iral ng parehong umalis at naiwan.
Ang pag-iral ng relasyon nina Ron ( Peter Deocos ) at Jim ( Marveen Ely Lozano ) sa pelikula, hanggang sa nakawin ang pag-iral na ito ng kirot ng paglisan at pangungulila, ay mangyayari sa panahon ng maraming hamon sa ating pang-unawa bilang indibidwal at bilang mamamayan ng bansa. Ilan dito ang pagiging inutil ng pamahalaan sa pandemic response, biglang-kawalan ng ikabubuhay ng mas marami, patungo sa panahon ng mas mataas na alalahanin at bilihin, at paulit-ulit na lockdowns.
Kung kaya’t ang pagmamahalang itinatanghal sa pelikula ay lagpas pa sa usapin ng LGBT union lang at banggaan/talaban ng mga idealismo/sentimentalismo at pragmatikong pananaw ng mga tauhan. Kongkretisasyon ang relasyon ng mga tauhan ng atin ding pagkapit sa personal na alaala ng minamahal patungo sa kolektibong memorya bilang mga mamamayan ng isang bansang nakikibaka araw-araw sa pagpapanatili at pagpapatatag ng ating mga relasyon, sa kabila ng mga napakaraming hamon at problemang ikinasa at isinilang ng panahong ito.
Ang mabini patungong mabilis - malakas - tahimik na ragasa ng kumpas ng mga sayaw ang nagsilbing dugo ng pelikula at organikong nag-ugnay sa estetikal at praktikal na atake ng pelikula. At hindi ito naglunoy sa sentimyento bagkus ay mas nagpaangat pa ito sa emosyunal at kognitibong lebel ng pelikula na inaasahang magiging tuntungan ng mga maaaring iluwal na kritikal na diskurso sa hinaharap.
Malay si Piamonte sa paggamit ng talinghaga ng sakit bilang collective memory sa paglikha ng pelikulang ito. At ang talinghagang ito ay hindi niya ikinulong sa pisikal na sakit kundi sa sakit ng kamalayan ng mga karaniwang mamamayang bagamat patuloy na nagmamahal at umaasa, lumalaban at nangangarap, ay pare-pareho ding biktima ng mga inhustisyang iniluwal ng pandemya.
Siguradong aabangan pa natin ang mga susunod na pelikulang isusulat at lilikhain ni Piamonte.
Si Ferdinand Pisigan Jarin ay isa sa mga premyadong manunulat ng bansa at may-akda ng kilalang aklat na Anim na Sabado ng Beyblade. Kasalukuyan siyang propesor sa Kolehiyo ng Sining at Agham ng Unibersidad ng Pilipinas Visayas.
Comments
Post a Comment