Ang Postmoderno sa Yuhom More (Humor) ni JZ Tilos
John E. Barrios
Ang konsepto ng postmodern ay lumitaw dahil hindi na kayang bigyang-pangalan, ikahon, at ikategorya ang mga lumitaw na anyo ng art na ‘humihiram’ ng anyo—pati ng nilalaman—sa mga naunang modernong mga estetika. Sa teoretikal na pananalita, binansagang ‘hybrid’ ang mga ganitong anyo at ‘pastiche’ naman bilang estilo. Hindi lang ito simpleng pagsama-sama ng mga elemento mula sa nakaraan ngunit ito ay masaya at nakatutuwang paghahalo-halo ng mga elemento mula sa iba’t ibang espasyo at panahon para iselebra ang kawalan ng ‘sentro’ o ‘mapanghakop na kaalaman.’ Masasabing ang postmoderno ay may ‘romantikong relasyon’ din sa premodern at animistang mundo. Hindi ito nakapagtataka sa mga imahen ng masanga at nakatatakot na mga puno, dugtong-dugtong na baging, at mga bahay ng mga engkanto sa mga paintings. May layunin ang postmoderno na itanghal ang supernatural at gawin itong ‘kapani-paniwala.’ Dito maihahanay ang mga bagong paintings ni JZ Tilos sa eksibit na Yuhom More (Humor) na nagbukas noong Disyembre 11, sa Puluy-an Art Gallery.
Sa pamagat pa lang ng eksibit ay mababasa na ang konsepto ng ‘laro’ ng kahulugan. Ang pagtatambal ng Hiligaynong ‘yuhom’ (ngiti) at Ingles na ‘more’ (dagdag pa) para ikonekta ang tunog sa kahulugan ng ‘humor’ o ‘nakatatawa’ ay suhestiyon na ng isang gawaing hybrid. Dinala niya pa ito sa mga pamagat ng kanyang mga paintings tulad ng “Last Shopper” na isang re-presentasyon ng relihiyosong pangyayari na ‘Last Supper’ sa Bibliya at ng “Monaylisa” na paglalaro sa kahulugan ng tinapay at ari at ng historikal na “Monalisa” painting ni Leonardo Da Vinci.
Sa painting na “Last Shopper” ay makikita ang representasyon ni Kristo at ang 12 apostoles na kakain (pa lang) ng mga pagkain ng fast food chain (‘Dudskie’ na alusyon ng ‘Jollibee’ at ‘D’ ng ‘McDonalds’) tulad ng hamburger, french fries, spaghetti, ice tea, cola drink at fried chicken na idiniliber pa ng (Food) ‘Panda’ delivery service, gawain na sumikat sa panahon ng Covid 19 pandemic. Sa painting na ito ay giniba ni Tilos ang konsepto ng linyar na panahon at pinagsama-sama sa iisang espasyo at lugar ang kontemporanyong transnasyonal na korporasyon tulad ng ‘McDonalds,’ ‘Jollibee,’ at ‘Food Panda’ at ang historiko-biblikal na pangyayaring ‘Last Supper’ ng mga Hudyo sa fantastiko-mitikal na espasyong nilikha ng supernatural at naratibo ng kuwentong bayan at/o fairy tales.
Samantala, sa “Monaylisa” naman ay makikita ang lantarang ‘panghihiram’ sa ikonikong imahen ng painting ni Da Vinci, ang “Monalisa.” Mapaglaro at nagpapatawa ang gawaing panghihiram dahil kabaliktaran ito sa naunang hangarin ni Da Vinci na gawing ‘perpekto’ ang imahen ng tao (pilosopiya ng Renaissance) dahil sa painting ni Tilos si Monalisa ay naging bahagi na ng elemento ng bahay, puno, at lokal na komunidad (pilosopiyang fragmentasyon ng postmodernismo). Ang nakatatawa pa rito ay ginawa pang appendage (karugtong) ang “Monaylisa” ng serye ng paintings ni Tilos na “Landlady” kung saan ang konsepto ng ‘pamamahala ng mga boarders’ ay mababasa sa paglalagay sa harap ng sampayan ng kanilang mga panties (personal na gamit na madalas kailangang itago sa mata ng publiko).
Ang aspektong sikolohikal at sekswal na relasyon ay nagawang isadiskurso sa painting na “Fixing the Broken ___” kung saan ang sira-sirang mukha na tinahi-tahi ay naging representasyon ng ‘basag’ na identidad sa likod ng hindi kapani-paniwala at animistikong tirahan at komunidad. Sa kabila ng pagiging seryoso ng paksa, naging katawa-tawa ito dahil sa ‘paglalantad’ ng dalawang nakalambiting figurang nakahubad na nasa akto ng pagtatalik sa ilalim ng nagbukas na box.
Ang kulturang popular na nirerepresenta ng basketball ay ipinakita naman sa painting na “Master Bheet” bilang isang larong puno ng madyik at kababalaghan. Ang bola ay kailangang ipasok sa ring na nasa ulo at bahay ng higanteng mukha ni Van Gogh na tinitingnan ni David (ukit ni Michelangelo) at isa sa mga karakter ng Teenage Mutant Ninja Turtles (na maaaring si Michelangelo rin). Ang presensiya ng basketball legend na si Michael Jordan ay nirerepresenta ng bilang na ‘23’ sa busto ng eskulturang bola ang ulo. Ngunit ang nakakatawa pa rito ay ang lalaking mataba ang tiyan na may hawak ng bola na (ayon kay Tilos ay) Michael rin, kilala sa kayabangan at kanyang naging kalaro ang pangalan, na naging 6 na beses na MVP sa Cavite. Ang pagsingit ng personal sa painting ay masasabing gawaing pang-mini-narrative lamang.
Maituturing na hindi mapanghakop (hegemonic), mapamuo (totalizing) at autoritative ang nilalaman ng painting na “Lockdown Recipe.” Ito ay isang ‘maliit na naratibo’ (mini-narrative) ng mga mahihirap na Pilipino na naging dependent sa sardinas sa mga araw o linggo na ang kanilang komunidad ay ipinaloob sa lockdown. Nakapagpatawang ironiya ang paggamit ng salitang ‘recipe’ dito dahil hindi naman isinasagawa ang gawaing pagluluto—diretso na ang pagkain ng mga tao sa lata o sa ibinuhos na sardinas sa pinggan.
Ang mga postmodernong konseptwalisasyon ay isang representasyon ng kondisyong panlipunan ng Pilipinas at mababanaag dito ang kontradiksyong hindi ito maaaring maging makatotohanan. Sa ganitong fragmentadong identidad, nagkaroon pa nga ng dobleng exploitasyon sa mahihirap. Sa postmodernong representasyon, lagi at lagi na lang nariyan ang kakulangan. Sa gayon, ang pagiging masaya sa postmodernong kondisyon ay ilusyon lamang.
kredit: ang ikalawang larawan (tabi ng poster) ay kuha sa FB page ni JZ Tilos
Comments
Post a Comment