Diskurso ng Kaalaman sa short film na Tiempo Suerte

 John E. Barrios


Ang pagrarason ay isang paraan ng paglikha ng kaalaman. Noong tinanong ang pilosopong si Socrates kung sino ang pinakamatalinong mamamayan ng Ancient Greece, sinagot niya ito na ang pinakamatalinong tao ay ang taong walang alam. Masasabing itong sagot ni Socrates ang siyang pinagmulan at makapaglalarawan ng tinatawag na Socratic method na karaniwan nang ginagamit ng mga guro sa ating mga eskwelahan.


Sa short film na Tiempo Suerte ni Jonathan P. Jurilla, na humakot ng awards sa nakaraang Cine Negrense: Negros Island Film Festival 2021 (Best Picture, Best Director, Best Screenplay, Best Actress, Best Supporting Actor at iba pa), ang pangunahing tauhan na si Ging-ging (Jezailah Adriel Jurilla Koch), isang estudyanteng nagpanukala sa kanyang nanay at Kuya (Andriane Cedric A. Egnal) na siya ay magtrabaho na lamang at hindi na mag-aaral para matulungan ang kanyang kuya na may maidagdag na pambili ng pagkain at makapagbayad ng kanilang mga utang. Tinutulan ito ng kanyang ina sa dahilang gusto nitong makapagtapos siya ng pag-aaral, at ng kanyang kapatid sa dahilang hindi niya kakayanin ang pagpanapas (pamumutol) at paghakot ng tubo sa kampo. Suportado din itong hindi pagsang-ayon ng isa pang sakada (tawag sa tagaputol ng tubo) dahil sa pagiging payat at babae ng pangunahing tauhan. Gayundin ng kaniyang guro, na kahit salat sa yaman, ay naniniwala sa edukasyon at ang kabutihang maidudulot nito sa hinaharap.

Lahat halos ng argumento ay puweding tumayo at tumbahin ang rason ng batang babae na, “Anhon mo ang pag-eskwela kun wala kamo bugas.” (Ano ang kuwenta ng edukasyon kung wala kayong makain.) Hindi tanong, ngunit isang deklaratibong pahayag. Isang kaalamang kinuha lamang ng bata sa “putos sang ibos” (dahon ng niyog na ginagawang pambalot sa kakanin), na maaaring magpahiwatig ng kawalang autoridad ng pinanggalingan ng kaalaman ngunit sa isang banda ay pinaniniwalaan ang pagiging makapangyarihan.

Nagkaroon lamang ng resolusyon ang problema at mga katanungan nang sinubukan ng batang babae ang gawain ng kanyang kuya. Dito na niya napatunayan na hindi niya kayang buhatin ang isang pumpon ng tubo, na hindi niya kaya ang magtrabaho bilang sakada sa kampo. At marahil, sa isang banda, napatunayan niya na ang maging isang bata, payat, at babae pa ay walang puwang sa trabaho sa asyenda.

Sa bandang huli, itinanghal ng short film na Tiempo Suerte, ayon na rin sa mala-Socratic na pagtitimbang at danas-eksperyensyal ng pangunahing tauhan, ang edukasyon bilang pinakasagot sa problemang kinakaharap hindi lang ng mga pamilyang nagtatrabaho bilang sakada sa tubuhan.

 

Subalit ang kasagutang ito ay hindi madaling tanggapin para sa pangunahing tauhan. Marami pa ring katanungan ang maaaring mamuo sa kanyang nagtatanong na isipan. Tulad ng suhestiyon sa pamagat, na ang pagtatagumpay ng edukasyon ay pana-panahon lang, ang pagpapala sa mga nagsusumikap makapag-aral at nakapagtatapos sa bandang huli ay diktado pa rin ng iba pang kaalaman. Marahil maitatanong kung bakit hanggang sa kasalukuyan ay nagpapatuloy pa rin ang mga hindi makataong kalakaran sa mga kampo ng tubuhan, kung bakit ipinakitang monopoliya ng kalalakihan lamang ang pagtatrabaho, at kung bakit walang kolektibong pagkilos para baguhin ang namamayaning kaayusan.


Comments

Popular posts from this blog

Baryo Bilang Lunan ng Kaalaman: Epistemolohikal na Topograpiya sa Maikling Pelikulang “Sa Taguangkan sang Duta”

Ang Tulok (Gaze) sa Muaks at Kinaiya Art Exhibit