Paghahanap ng Identidad sa Sugilanon: A Group Art Exhibit
John E. Barrios
Isa sa mga pangunahing isyu sa mga batang artist ang paghahanap ng identidad. Karaniwan ang paghahanap na ito ay naiiugnay sa sexualidad. Ngunit sa kaso ng art exhibit na Sugilanon: A Group Art Exhibit, na nilahukan ng anim na batang Ilonggo artist sa Book Latté Alternative Art Space, ito ay maaaring iangat pa sa usapin at diskurso ng sikolohiya, lahi, sexismo, uri, at kasarian.
Ang tema ng eksibit na “sugilanon” ay naikakabit sa “kuwento,” “usapan,” at “talakayan.” Sa tradisyon ng Panayanon, naging kuwento ito dahil sa “sugidanon,” isang panitikang oral na nagbigay-hugis sa isang gawaing pampanitikan, ang pagkukuwento. Ginamit rin ng mga Panay Bukidnon ang salita para sa sosyal at politikal na layunin—ang “sugilanonay” para ayusin at resolbahin ang hindi pagkakaintindihan at away sa dalawang panig. Subalit ang mga konseptong ito ay maaaring ituring na latak o trace na lamang sa mga artwork dahil sa ating edukasyong kolonyal. Kayat ang mainam na gawin para ang mga ito’y muling itanghal ay ang “pagsulat muli” (re-writing) sa pamamagitan ng paghaharap (foregrounding) ng mga natabunan at nabaong katutubong konsepto.
Ang abstract painting na “Wag Maging Mapanghusga” (Carmelo
Camohoy III) ay pumapaksa sa isang gawaing parating nakikitaan ng pagkakamali—ang
panghuhusga. Ang kamaliang ito ay naakda dahil sa kaalamang ang katotohanan ay
diktado ng nakikita ng ating mga mata. Kayat ang mga ‘bitak’ (cracks), ‘paglihis’ (nonconformity), ‘pagsabog’
(breakdown) at iba pang imahen sa painting ay nagiging ‘mali’ ng isang tao. Sa
kabilang banda, ang katutubong kaalaman ng mga Pilipino ay masasabing mas ‘tumitingin’
sa ‘loob’ (at hindi sa panlabas) ng kanyang kapwa. Kaya nga’t mas bagay na
gamitin ang salita nating ‘katauhan’ kaysa sa ‘personalidad’ ng mga
taga-Kanluran. Ito ang kailangang malaman ng mga “Maritess” ng ating kasalukuyang
lipunan.
Dahil sa pananaw na ito maaari nating pagdudahan ang mga posibleng kahulugan ng painting na “A Glimpse into the Looking Glass” at “The Faux Pandora” ni Bobby dela Cruz, Jr. kung dahil lamang sa dalawang banyagang konsepto na “looking glass” (“hindi normal o pamilyar,” konsepto mula sa Alice in Wonderland) at “pandora” (“biniyayaan,” mula sa Greek mythology). Subalit ang mga katutubong elemento tulad ng mantu (puting panyo sa ulo), tutubi, at ibong maya ay kasisilipan pa rin ng dekolonisadong pagpapakahulugan. At ang pagkakaangkla ng salitang faux (peke) sa pandora at paglalagay ng golden halo ay nag-iimbita rin ng isang relihiyosong kritisismo ng relihiyong Katolisismo.
Ang pagtatagpo ng mga teksto ng sexismo at imahen ng pagkalalaki at pagkababae sa mga paintings na “Anima” at “Animus” ni Bea Gison ay isang magandang pagkakataon para “sugilanonan” (pag-usapan at talakayin) ang konstruksiyon ng kasarian sa lipunan. Hango sa Kanluraning konsepto ng arkitepo (mula sa teorya ni Carl Jung), ang lalaki ay sinasabing may mga ‘katangiang makababae” (animas) at ang mga babae ay may mga “katangiang makalalaki” (animus), ang dalawang paintings ni Gison ay naglalantad ng gawaing “humahati” sa kasarian (at gayundin sa katawan—putol na mga kamay at paa) at umaakda ng hindi pagkapantay-pantay: mahina ang babae, malakas ang lalaki; iyakin ang babae, nagtitimpi ang lalaki. Tandaan: ang lahat ng mga ito ay likha o konstruksiyon lamang. Maaari itong salungatin at tumbahin.
Kung literal na ipinakita ng mga paintings ni Gison ang mga constructed na salita ng lipunan, sa painting na “Wish Ill to My Love” ni Zippy Saint Thomas, ito ay naging mga lumulutang at nakakalat na mga (mapanghusgang) mata sa babaeng nakahubad at nakapikit sa ilalim ng madahong puno, ang kanyang puso ay nakalantad at hugis atom. Ang kanyang komtemplatibong posisyon ay maituturing na simulang hakbang ng kanyang pagpapalaya sa sarili at gayundin sa titig (gaze) ng Patriarkal na lipunan.
Maituturing na isang mapagpalayang imahen ng ‘maitim’ na babae ang painting na “Sa Pag-talon ng Isip” ni Kim dela Cruz dahil sa suhestiyong paghihiwalay ng isipan at katawan; ang dalawang kamay ay naging puti at nalulusaw habang ang katawan at kuntentong mukha ay lumulubog sa limbo. Hindi nga lang malinaw kung ano ang konteksto ng kalayaang ito. Hindi tulad ng “To My Interstellar,” na maituturing na isang representasyon artist ng isang babaeng hinahangaan, ang ‘binurang’ mukha nito ay iniangat ang pakahulugan sa paglalagay sa kalawakan at kawalang-hanggan—isang artikulasyon ng pagmamahal na mahirap mahawakan ng sangkatauhan.
Talinghaga ng yaman naman ang tinutumbok ng mga paintings ni Kirby Majaque. Ang “The Golden Sword Blooms” ay larawan ng pagtatagumpay sa pamamagitan ng ‘pagtayo’ ng dalawang puting pluma, ng pamumukadkad ng pakpak ng paru-paro, at ng parehong literal at metaporikal na pamumulaklak ng maraming makukulay na bagay sa kabuuan ng painting. Subalit ang yaman sa mga painting na “Barbara Treasure” at “Esmeralda Treasure” ay mananatiling pangarap at delusyon lamang ng isang batang lumaki sa pagbabasa at panonood ng fantastikong produksiyon ng Kanluraning panitikan, medya, at pelikula.
Ang eksibit na Sugilanon ng mga bata at emerging na Ilonggo artist ay patunay ng kakayahan na maisadiskurso ang mga napapanahon, kolonyal, at mapanakop na sistema ng ating lipunan. Kailangan lamang nilang mamulat sa mga napapanahon, kontra-kolonyal, at mapagpalayang mga pananaw para lubusang maisakatuparan ang kanilang pagiging makabuluhan sa lipunan. Sa gayon, ang manonood ay hindi na kailangang pumasailalim sa gawaing pagdekonstrak ng kanilang mga kahulugan.
Comments
Post a Comment