Art, Agency, at ang Art Exhibit na La-um

 John E. Barrios

 

Binuksan ng UPV ang eksibit na La-um: An Art Exhibition for the Benefit of One UPV Scholars noong Agosto 10, 2022 (nagtapos noong Agosto 30) sa isa sa mga galleries nito (Lantip Gallery 1) para mag-ipon ng pondo para sa One UPV Scholarship fund na pinasimulan ng One UPV Foundation (USA) Inc. noong 2016 at nakapagtala ng 80 iskolar na natulungan sa kanilang pag-aaral sa halagang 2 Milyong piso. Ang nasabing eksibit ay gin-curate ni Martin Genodepa.

Mahigit 12 artist ang lumahok sa on-site na eksibit. (May on-line version ang eksibit na may mga artist na hindi kasama sa on-site na eksibit na maaaring makita sa https://www.facebook.com/oneupvusa.) Ngunit dahil ang layunin ng eksibit ay ang makapangalap ng pondo, interes ng kritikang ito na basahin ang mga nabentang artworks at alamin kung ano ang ‘mayroon’ sa mga ito ayon sa pananaw ng antropolohiya, partikular ang konsepto ng ‘agency’ ni Alfred Gell. Sa kabuuang 27 nakakabit na mga painting, 9 sa mga ito ang nabenta/nabili. Hinati ni Gell sa apat na konsepto ang kanyang antropolohikal na teorya: ang artist (tagalikha), ang recipient (manonood/mamimili), ang index (ang painting), at ang prototype (ang paksa ng painting). Ang apat na konseptong ito ay ang maaaring mag-impluwensiya sa paghusga/pagbili ng painting.


Unahin natin ang artist. Isa marahil sa mabigat na basehan ng desisyon ng pagbili ay ang ‘pangalan’ ng artist. Kaakibat ng pangalan na ito ang taong iginugol ng artist sa kanyang art, ang natanggap na mga award, ang nakakabit na presyo sa kanyang mga gawa, at ang kanyang reputasyon sa lipunan. Idagdag pa natin ang ‘technological complexity’ na kanyang ginagamit sa proseso ng paggawa ng kanyang painting. Nangunguna sa konseptong ito sina Ed Defensor (“Fusion for a New Hope” at “The Falling Into Place”) at Alex Ordoyo (“Angel”) na mababanaag ang sobra-sobrang dedikasyon sa pagdiskubre ng posibilidad sa isang partikular na estilo at materyal. Ito ring trajektori (ng hinaharap) ang maaaring makita sa surrealist na painting ni Bea Gison (“Gutom”) at post-impressionist painting ni Vic Fario.


Sa pangalawa, mahirap sabihin kung ano ang mga naging motibasyon sa pagbili ng recipient. Maaaring sabihin na pangunahin niyang layunin ang ‘makapag-donate’ para sa scholarship fund. Pero kung paano niya pinili ang bibilhin ay maaaring diktado ng alinman sa tatlong konsepto. Kung ang recipient ay hindi aral sa estetika, maaari niyang piliin ang pintor na ‘may pangalan’ o kakilalang pintor. Maaari ring nahalina siya sa sabjek ng painting dahil malapit ito sa kanyang damdamin. Kung mayroon siyang kaalaman sa art, maari niyang piliin ang painting na pasado sa paggamit ng iba’t ibang elemento o di kaya’y nakasasakay sa modernong atityud at panlasa ng isang middle at upper class na art connoisseur.


Ang pangatlo, ang index, ay masasabing diktado ng panahon. Dahil ang art ay hindi estatiko, ang abanseng estetika at estilo ang pribelihiyado. Dito nagkakaroon ng bentahe ang modern art: impressionism, surrealism, at abstract art. Sa mga painting na ito hahanapin ng recipient ang ‘bago’ at hindi pa nalilikha. Ang bagong ito ay maaaring hindi sa estilo, maaaring ito ay sa paggamit ng materyal. Hindi na bago ang estilo nina Defensor, Ordoyo, at Gison ngunit ang aplikasyon ng materyal (oil paint, mixed media) at ang pagtrato sa sabjek ay maituturing na bago. Sa katunayan, dumarami na ang pintor na nagpipinta sa estetikang moderno at estilo ng abstract art sa Iloilo.


Ang pang-apat na konsepto na prototype ay diktado ng kultura ng komunidad. Karaniwang nakahahatak ng pansin ang mga itinuturing na iconic na mga bagay, idea, at katauhan. Maaari itong magmula sa minanang paniniwala mula sa mga ninuno at kasalukuyang katutubo, sa mga ritwal at praktis, at sa mga produksiyong kultural. Dito masasabing naging malakas ang hatak ng imahen ng katutubong babae (Mae Panes, “Patadyong ko nga Pula” at “Maya Ilongga”, ng tradisyonal na larawan ng mga ina (Joey Isturis, “Mothers”) at mag-ina (Gabriel Dolar, “Nanay”), ng kalikasan (Alex Ordoyo, “Angel”), at ng kamatayan (Bea Gison, “Gutom”).

Ang teorya tungkol sa agency at pananaw na antropolohikal ay maaaring kulang at hindi sapat para husgahan ang mga painting na nakakabit at naibenta sa eksibit na La-um, ngunit sa kabila ng hindi rin pagiging sapat ng kaalamang estetika ng mga mambibili at manonood, ang pananaw na ito ay maaaring pagmunian para sa patuloy na pag-angat ng diskurso ng art sa isang lipunang umuunlad/papaunlad pa lamang.

Comments

Popular posts from this blog

Baryo Bilang Lunan ng Kaalaman: Epistemolohikal na Topograpiya sa Maikling Pelikulang “Sa Taguangkan sang Duta”

Diskurso ng Kaalaman sa short film na Tiempo Suerte

Ang Tulok (Gaze) sa Muaks at Kinaiya Art Exhibit