Ang Leoncio P. Deriada Literary Prize at ang Panggigiit ng Panitikang Rehiyonal
John E. Barrios
Kamakailan lang ay ginanap ang paggawad ng premyo para sa mga nanalo sa Leoncio P. Deriada Literary Prize. Ang kontes ay para sa pagsulat ng pinakamagaling at pinakamagandang binalaybay (tula) at sugilanon (maikling kuwento) sa wikang Hiligaynon at iba pang wika (limitado sa Filipino at Ingles). Inilunsad ng Division of Humanities at para lamang sa mga estudyante ng Unibersidad ng Pilipinas Visayas, pinag-iisipan ring gawing rehiyonal ito sa susunod na mga taon. Ang kontes ay parangal kay Leoncio P. Deriada, manunulat at responsable sa pagpapaunlad ng pasulat na panitikan ng Kanlurang Bisayas.
Masasabing may ‘maunlad’ nang pasulat na panitikan ang Kanlurang Bisayas bago pa man dumating si Deriada sa Iloilo noong dekada 90. Ang panitikang Hiligaynon ay matagal nang nakapamayagpag. Patunay ang mga lingguhang publikasyon tulad ng Hiligaynon at Yuhum, at ang mga sikat na manunulat tulad nina Conrado S. Norada, Quin Baterna, at ang Pambansang Alagad ng Sining na si Ramon Muzones.
"Sab-og" ni Orland A. Solis, Unang
Gantimpala, Maikling Kuwento sa Rehiyunal na Wika
Ngunit ang panitikang ito ay nagsimula nang matabunan ng panitikan na iniluwal ng mga akademikong institusyon. Ang mga komersiyal at popular na publikasyon na naglathala ng mga magasin ay unti-unti nang naisantabi ng mga aklat at antolohiyang ipinalabas ng Cultural Center of the Philippines (CCP) at National Commission for Culture and the Arts (NCCA). Ang CCP halimbawa ay naglathala ng tatlong antolohiya ng Ani ng mga panitikang nasusulat sa wikang Hiligaynon (1987), Kinaray-a (1991), at Akeanon (1993), at si Deriada ang naging editor. Ang NCCA ay nakapagpalabas din ng dalawang antolohiya (Patubas [1995] at Mantala [2001]), na si Deriada din ang editor.
Ang pagsusulat at paglalathala ng panitikang rehiyonal ay hindi lamang simpleng usapin ng ‘pagsusulat.’ Malaki ang naging papel ng pagpasok ng mga bagong teorya na itinataguyod ng iba’t ibang grupo at institusyon. At dahil si Deriada ay produkto ng Silliman University, hindi siya nakaligtas sa impluwensiya ng mag-asawang Edilberto at Edith Tiempo na siyang nagdala sa Pilipinas ng teorya ng Bagong Kritisismo na siyang nagpauso ng pagsasalang sa mga akda sa isang workshop at pagpapasailalim sa kritisismo ng mga establisadong manunulat.
Nakilala si
Deriada sa kanyang mga isinagawang workshop sa pagsusulat hindi lang sa Iloilo
ngunit pati na rin sa Antique at sa Aklan. Hinikayat niyang magsulat ang mga
Antiquenong manunulat na magsulat sa Kinaray-a at ang mga Akeanong manunulat sa
Akeanon. Ang mga worskhop na ito ay nagluwal ng mga antolohiya at aklat at lumikha
ng mga manunulat na nakilala hindi lang sa kani-kanilang sariling wika ngunit
pati rin sa Filipino at Ingles. Mula sa mga manunulat sa Hiligaynon ay nakilala
sina Alice Tan-Gonzales, Allain Russ Dimzon, at Peter Solis Nery; sa mga
Kinaray-a sina Ma. Milagros Geremia-Lachica, Alex delos Santos, John Iremil
Teodoro, at Genevieve Asenjo; at sa mga Akeanon sina Melchor F. Cichon, John
Barrios, at Alexander de Juan.
Magkagayunpaman, masasabing ang ‘panitikang rehiyonal’ na nakasulat sa Hiligaynon, Kinaray-a, at Akeanon ay nasa posisyon pa rin ng laylayan (margin) sa kabila ng pagsusumikap ng mga manunulat nitong mga wika na ‘igiit’ ang kanilang pag-iral. Ang pagiging ‘pambansa’ ng ‘panitikang rehiyonal’ ay tinitingnan pa rin sa dami ng mambabasa at lawak ng sirkulasyon ng akda kung kaya’t nagiging mahalaga pa rin ang papel ng pagsasalin sa Filipino at/o Ingles.
Ang pagkakaroon ng isang Leoncio P. Deriada Literary Prize kung ganoon ay isang performatibong aksiyon para muling igiit ng panitikang rehiyonal ang ‘sarili’ nito sa espasyo ng ‘pambansang’ panitikan.
(Para sa
karagdagang impormasyon tungkol sa mga nanalo sa LPD Literary Prize mangyaring
bisitahin ang FB account ng UPV SWF na https://www.facebook.com/upvswf.upvisayas.)
Comments
Post a Comment