Pagbaklas ng hangganan sa eksibit na Iraya: Beyond Borders
John E.
Barrios
Sa art exhibit na pinamagatang Iraya: Beyond Borders (Marso – Hulyo sa Iloilo Museum of Contemporary Art), na pinasakupan ng 15 artists na nagmula sa Antique, ang ‘iraya’ ay ginamit bilang marker ng identidad ng mga taong taga-Antique o may ugat ang pagkakakilanlan sa Antique. Bilang ‘iraya’ ang Antique ay tinuturo ang Iloilo bilang referensiyal na ‘irawod’—ang mas maunlad na kabaliktaran. Itong ‘pagkilala’ ay diktado hindi lang ng heograpikal na lokasyon ngunit pati na rin ng historikal na migrasyon at kultural na apropriasyon, na sa madalas na pagkakataon ay lumilikha ng negatibong mga pakahulugan.
Ngunit hindi ang eksibit. Naglalayon itong tumbahin ang esteryotipikal na pagtingin sa Antiqueño/Antique bilang negatibong konstrak ng ‘iraya’. Pinagsumikapan nitong baklasin ang hangganan ng ‘kabundukan’ at pasukin at halughugin ang mga espasyo ng kalunsuran, hindi nga lang ng Iloilo City ngunit pati na rin ng Metro Manila (dahil ang iba sa mga artist ay nagkaroon ng pagkakataon na lisanin ang Antique) at ilantad sa anyo at nilalaman ng kanilang mga artwork.
Kapansin-pansin halimbawa ang pagiging kosmopolitan ng ginagamit na anyo nina Bryan Liao (“Where we crossed paths”, wood sculpture), Sarú (“Blue Serenity”), Jose Ronnie Golingay (“Linkage”), Evan Veñegas (“Cuadro Cuadrado”), at Rey Aurelio (“Arcanum” at “Vision 20/20”). Gayundin ang popularisasyon ng doddle art ni Christine Marie Delgado (“Peace on Chaos” at “Kuris-kuris”). Sa gayon ang ‘irawod’ ay nagawa nilang dalhin sa ‘iraya’ at maging bahagi ng kultural na heograpiya nito.
Magkagayun pa man, nagawa rin nilang dalhin ang mga kultural na marker ng ‘iraya’ sa espasyo ng ‘irawod’ sa pamamagitan ng pagtatanghal ng mga mito, kultural na artifak at praktis, at iba pang elementong matatagpuan sa kabilang bahaging ito ng lungsod. Sa mga paintings halimbawa ni Rey Laude (“Pitik Kalmado” at “Tarsu”) makikita ang mistikal na ugnayan ng tao at ng kanyang kapaligiran; kina Bryan Petinglay (“Mutate”) at Ramon de los Santos (“Elemento” at “Modum”), ang mga mitolohikal na salaysay; at kina Marienell Veñegas (“Nagasablay sa Sanga”) at Kwesi Pearl Faith Magdato (“Hantique”), ang lokal artifak na hablon. Sa gawaing ito, naisapaloob ng mga artist sa espasyo ng ‘irawod’ ang mga konseptong malay na isinasantabi at ini-etsapwera ng modernong atityud ng lungsod.
Tunay ngang nagtagumpay ang mga artist na Antiqueño sa pagbaklas ng hangganan ng ‘iraya’ at ‘irawod’, ng ‘bundok’ at ‘lungsod’, ng ‘probinsiyal’ at ‘metropolitan’, at ng ‘tradisyonal’ at ‘moderno’ sa pamamagitan ng pagsasama-sama ng mga elemento na nasa anyo at nilalaman ng parehong ‘iraya’ at ‘irawod’ na matatawag na nating art ng ‘kalibugan’ o ‘hybridisasyon’, na siyang umakda ng mapag-isa at inklusibong pananaw sa kasalukuyang malay na mga artist ng Antique.
Comments
Post a Comment