Sekswalisasyon, Domestikasyon, at Hinaharap ng Kababaihan

 John E. Barrios

 


Sa art exhibit na Babaye: Sang Una, Subong, kag sa Palaabuton (Babae: Noon, Ngayon, at sa Hinaharap), ng Himbon art group, sa ground floor ng SM City Mandurriao, na nilahukan ng 23 ( 19 ang lalaki at 4 ang babae) Ilonggo artist, at mapapanood mula Marso 19 – 31, 2022, makikita kung paano inilalarawan ng kasalukuyan ang kababaihan.

Hindi maitatanggi, at dahil na rin marahil sa maka-lalaking titig (male gaze), karamihan sa pag-iimadyin sa larawan ng babae ay bilang object ng titig ng lalaki (hal. nimpa), katauhang hinubog ng nakaraan (hal. birhen at Maria Clara), at nilikha para maging tagapag-alaga ng bata (nanay at katulong sa gawaing bahay).

Sa mga painting nina Brando Banga (“Nymph #1” at “Nymph #2”), Ronnie Granja (“Morena Beauty #1” at “Morena Beauty #2”), Gilbert Labordo (“Morning Kiss”) at Carol Salvatierra, ay inilarawan ang babae bilang object ng interes ng titig ng kalalakihan sa pagkakatutok sa mga katangiang panlabas ganda. Maliban sa paglalagay ng ‘palamuti’ na bulaklak, ibon, at hayop—na maari ring mangahulugan ng pagkakaroon ng katangian ng mga bagay at hayop na ito—halimbawa, ang bulaklak bilang ‘dapuin’ ng paru-paro at ahas bilang ‘mapanglingkis’ na hayop sa sinumang lalapit dito; kapansin-pansin rin ang karaniwang ‘paglalantad’ ng nang-aakit/nang-iimbita na makinis na balat ng leeg at balikat. Ang titig ng babae, kung hindi man nanunuyo sa tumitingin, ay hindi diretso at mas nakatuon sa kanyang ‘nilalarong’ bagay. Sa mga ganitong paglalarawan nagiging sekswalisado ang imahen ng babae sa kasalukuyan.

Samantala, sa mga painting nina Nick Lanes (“Fruit Vendor”), Vic Fario (“Unconditional Love” at “Waiting”), Vincent Bulahan (“Madonna”), at Vic Nabor (“Unconditional Love”), ipinakikita ang babae na mapagmahal at mapag-aruga ng kanyang anak sa kabila ng paglulugar sa kanya sa limitadong espasyo ng bahay. Sinusuportahan ang ganitong klaseng paglalarawan ng mga pasibong arketipo (passive archetypes) tulad ng imahen ni Birhen Maria (Vic Fario, “Choosen Woman”) at Maria Clara (Charmaine Española, “Si Clara”). At kung mapagbibigyan man ng pagkakataon na makapagtrabaho at kumita para sa pamilya, ilalarawan ang mga babae na ‘katuwang’ sa trabaho sa bukid (Gerundio Buendia Jr, “The Woman and the Corn”) at tagalako ng mga prutas (Vic Fario, “Magmamangga”)—mga trabahong hindi maituturing na ‘pangpropesyonal’. Sa mga ganitong paglalarawan nagiging domistikado ang kababaihan sa kasalukuyan.

Sa kabilang banda, ang hinaharap ng kababaihan ay maaaring masilayan sa mga painting na naglalarawan sa kanila bilang propesyunal (medical technician sa “Silent Heroes” ni Paul Fortunado), na suportado ng malakas at matapang na representasyon ng arketipo ni “Melchora Aquino” (Argie Arevalo) na isang malaking relief sculpture ng limang sentimo.

Maari ring pagmunian ang patuloy na paghahanap at pagtatanong tungkol sa kasarian at sekswalidad ng babae sa mga painting nina Althea Villanueva (“The Proverbs 31 Woman”), na maituturing na isang kontemplasyon sa hinaharap ng identidad at gawain ng babae, at ni Ronel Torres (“Pastel Libertad”), na nagpapakita ng isang babaeng lumulutang na nakasuot ng gintong damit ng Panay Bukidnon, may hawak na pumpon ng rosas sa kaliwang kamay at gabel ng husgado sa kanang kamay, at mga paang laya sa pagkakakadena—ito ay dahil sa impluwensiya ng mga mapagpalayaang babasahing feminista tulad ng tula ni Maya Angelou na “I know why the caged birds sing” at aklat ni Mary Beard na “Women and Power: A Manifesto”, na nakaguhit sa palibot ng figura ng babae.

Ang art ay politikal. May layon itong baguhin ang kasalukuyan. Kaya nga’t ang art ay hindi ginagawa para sa kasalukuyan. Ang art ay panghinaharap.

Marahil marami pa sa mga artist na lalaki ang hindi alam ito.

Comments

Popular posts from this blog

Baryo Bilang Lunan ng Kaalaman: Epistemolohikal na Topograpiya sa Maikling Pelikulang “Sa Taguangkan sang Duta”

Diskurso ng Kaalaman sa short film na Tiempo Suerte

Ang Tulok (Gaze) sa Muaks at Kinaiya Art Exhibit