Ang karnabal sa Extratrials ni Jecko
John E. Barrios
Ang konsepto ng ‘karnabal’ sa art ay unang pinakilala ng Rusong kritiko na si Mikhail Bakhtin. Sa kanyang ginawang pagbasa ng mga akda ni Rabelais ay kanyang nailantad ang potensiyal ng gawaing karnabal (carnivalesque) para paglaruan ang kaayusan sa mundo at baligtarin ang mga naitakdang katanggap-tangap. Sa proseso ng karnibalisasyon, ang mga alipin ay nagkakaroon ng pagkakataong maghari-harian at ang mga pambabastos sa sagrado at marangal ay nagiging maganda at pinapalakpakan. Ito ang nais patunayan ng mga paintings ni Jecko sa kanyang ika-4 na solo exhibit na Extratrials (nasa Mamusa Art Gallery hanggang Enero 20, 2023), ang itanghal ang ganda sa pamamagitan ng paglalantad ng pangit.
Hindi na bago ang gawaing ito. Sinabi at ginawa na ito ni Pablo Picasso sa kanyang eksperimentasyon sa cubism sa paggamit ng mga African masks. Subalit si Jecko ay hindi naimpluwensiya ng cubism, inspirasyon niya ang neo-expressionist paintings ni Jean-Michel Basquiat.
Ang gawaing karnibalisasyon ay makikita hindi lang sa eksaheradong ‘pag-uulit’ ng mga mata, bibig, at dila. Makikita rin ito sa paglalantad ng mga bahagi ng katawan na ‘nakatago/itinatago’ sa mata ng publiko. Sa painting na “lilty” at “beamish” ay makikita ang mga buto sa mga paa at likod at ang mga balahibo sa puwet ng rider. Gayundin sa “The Touch” kung saan ang pagkakadikit ng dila ng babae at lalaki ay naglantad ng resulta ng kemikal at elektrikal na reaksiyon at lumikha ng mga imaheng mula sa sensasyon at emosyon: ang paglobo ng puso, pagbula ng kemikal sa bahagi ng ari, at pagsambulat ng likido.
Mahalagang banggitin ang paggamit ng konsepto ng ‘laro’ (play) sa mga paintings dahil nasusustena nito ang naratibo ng painting. Halimbawa dito ang paggamit ng mga beaker at flask sa painting na “The Touch;” ng apoy sa mukha ng rider sa “Ride;” at ng baril ng rider sa “Playsafe.” Ang paglalagay ng baril sa kamay ng rider sa painting na “Playsafe” ay maituturing na imahinaryong realidad sa naratibo ng mga rider na ‘nakikipaglaban’ sa karapatan sa daan. Sa painting, ang mga tumatawid na tao, ang aso, ang putol na ahas, at ang ‘laruang’ kotse ay mga marker ng ‘kalaban’ ng rider. Kailangan niyang ‘barilin’ ang mga ito para maipagpatuloy ang kanyang malayang pagpadyak sa daan—kahit sa kanyang imahinasyon lamang.
Sa center-piece ni Jecko na “Proweoa” makikita ang paglalaro—tulad ng sa pamagat—ng mga tagasagisag na may kinalaman sa gawaing seks. Pinalawak ni Jecko ang kahulugan ng ‘prow’ (matulis na harapan ng bangka o barko) sa imahen ng dalawang ‘nag-iinit’ na tao/baboy. Inilipat rin ang gawain ng tao sa dalawang hayop (hal. ang pagtatabi ng mga dila ng babaeng baboy sa mga kabute) at ginawang eksaherado ang mukha ng tao sa pamamagitan ng ‘pag-uulit-ulit’ ng parte ng mukha (hal. dalawang bibig at dila, maraming mata).
Ang tekstong “smell my booty” na nakasulat sa vase kung saan nakatanim ang ribs na may heart sa itaas na hinahawakan ng dalawang kamay (nina ‘player 1’ at ‘player 2’) at ‘binasbasan’ ng krus ng simbahan para gawin araw at gabi ay nagpapakita na parehong laro ng biolohikal at relihiyoso. Idagdag pa ang tunog na “oink” (limang beses na isinulat) para ‘bastusin’ ang ito. Maituturing na bago ang pag-uugnay sa seks sa laro ng video game kahit na naririyan ang bulaklak para sa ari ng babae at kabute at sili para sa ari ng lalaki.
Tulad ng sa karnabal, makulay at magulo ang mundo sa mga paintings ni Jecko. Sa unang tingin, ito ay walang kaayusan, ngunit sa mas malalimang pagbasa ay itinatanghal nito ang ‘pangit’ para bigyan ng ekspresyon ang mga bagay-bagay at pangyayaring nakakaligtaang bigyang-pansin ng lipunan para muling pansinin at ayusin ng sangkatauhan.
Ipininta ni Jecko ang pangit para bigyan ang tao ng kagandahan.
Comments
Post a Comment