Ang Pagsulat ng Rebyu ay (Hindi) Biro: Gawaing Pagrerebyu para sa Senior High
John E. Barrios
Bilang isa sa mga paksa sa klase ng Filipino sa Piling Larangan sa Senior High, nais kung ibahagi ang dalawa sa mga rebyu ng mga estudyante na mainam ang pagkakasulat—bunga ng pagsunod sa gabay na ibinigay at dagdag na pagbasa ng mga halimbawang rebyu, at sa kabila ng kakulangan sa kaalaman sa art theory at art history, ngunit gumamit ng mga kaalaman mula sa panitikan, pilosopiya, at agham panlipunan. Patunay ito na ang pagsusulat ng rebyu ay hindi kailanman magiging eksklusibong gawain ng nakapag-aral ng art theory at art history at ‘propesyunal’ na mga kritiko.
Ang Tekstura sa Textured Querubins
H. Aling, C. A. Ambong, at L. A. Jundes
Isa sa mga eksibit na matutunghayan sa UPV Art Gallery sa Iloilo ay ang Textured Querubins ni Nelfa A. Querubin. Si Querubin ay mulang Concepcion, Iloilo at isa sa mga kilalang printmaker na naturuan ng Ama ng Printmaking ng Pilipinas na si Manuel Rodriguez, Sr. Siya ay nagkamit ng iba’t ibang parangal at pangunahing tema na kanyang tinatalakay ay ang kondisyon ng sangkatauhan sa lipunan na kani-kanilang kinabibilangan.
Makikita sa tatlong prints ang paksa tungkol sa pagtakas o kagustuhang makalaya. Kapansin-pansin halimbawa sa “Wayside Gate” ang mga batong nagiging ng sagabal para marating ang tuktok kung nasaan ang gate na sumisimbolo ng kalayaan. Gayundin ang gawa sa abstrak na “Prisoner’s Rebellion,” na ginamitan ng malamlam na mga kulay na kahit ang dilaw na kilala bilang kulay ng liwanag ay nag-uudyok ng mabigat na damdamin.
Ang bawat koleksyon sa eksibit ni Nelfa Querubin ay humihikayat ng emosyon at nagpapakita ng ugnayan ng tao at lipunan. Pinaglaruan niya ang iba’t ibang elemento ng art lalo ng ang kulay at tekstura. Ang mga likha ni Querubin ay naglalaman ng makapangyarihang kwento ng pag-asa at sirang mga pangarap. Sa kabuuan ng ekshibit, naipamalas niya ang isang estilo na interesante at nagpakita ng sopistikasyon—isang mahalaga at kahanga-hangang kasanayan na kailangang kabisaduhin.
Ang Art Forms (Defensor) ni
Ed Defensor
A. W. Selorio at JC N. Sologastua
Bahagi ng eksibit sa UPV Museum of Art and Cultural Heritage ang Art Forms Defensor kung saan tampok ang mga obra ni Edward ‘Ed’ Defensor, isang pintor, iskultor, at printmaker na nakapagtanghal na ng kaniyang mga gawa sa iba’t ibang lugar sa Pilipinas at ibang bansa kagaya ng South Korea at Singapore.
Hindi maikakaila ang kaniyang malawak na kaalaman na nililok ng panahon, at ito ay masasalamin sa kaniyang mga likha. Makikita sa eksibit ang pagbabago ng istilo, tema, at paksa ng kaniyang mga gawa sa paglipas ng panahon, at maaari itong hatiin sa tatlong bahagi.
Tinaguriang 'a visual artist for all seasons' si Ed Defensor at hindi maikakaila na siya’y isang versatile na artist. Sa panahong ang mga pintor ay nakilala sa kani-kanilang istilo, si Defensor ay hindi natakot sumubok ng bagong pamamaraan. Marahil ito ang nakakaaliw sa kaniya: palagi siyang may bagong naihahandog sa manonood. Habang lumilipas ang panahon, patuloy ang kabuluhan at hindi napag-iiwanan si Ed Defensor sa kabila ng pagprogreso ng lipunan at paglitaw ng mga bagong artist.
Comments
Post a Comment