Kaisahan at Kabatiran sa art eksibit na Damgo ng Tagatig
John E. Barrios
Ang konseptualisasyon ng isang art eksibit ay karaniwang nagsisimula sa tema. Mula sa tema ay maaari itong bumaba sa mas partikular na paksa. Sa kaso ng art eksibit ng Tagatig: Tigbauan Artist Hub, na nagbukas noong Oktubre 15 sa Sol Y Mar Beach Resort sa Tigbauan, ang tema ay nakapaloob sa ‘Disenyo Tigbaueño 3.0’ at ang paksa (na siya ring pamagat) ay ‘Damgo.’ Ang ‘paksa’ ay ang siyang ‘pinag-uusapan’ sa isang komunikatibong transaksiyon, sa kasong ito, ang paksa ng eksibit. At sa isang usapan ay natural lamang na hanapin at pag-usapan ang paksa.
Kung titingnan ang kahulugan ng damgo (dream) sa diksiyonaryo, ito ay maaring maging “mga idea, imahen, at sensasyong nararamdaman at nakikita habang natutulog” o maaari ring maging “mga adhika, ambisyon, pangarap, o ideal” na nais makamit sa hinaharap. Sa kaso ng eksibit, maaari ring idagdag rito ang kolektibong adhikain ng grupo na makapagdaos ng isang gawain tulad ng eksibit. O ng isang indibidwal na makapagsabit ng kanyang painting sa isang eksibit.
May iba’t ibang pananaw ang mga artist na kalahok sa art eksibit na Damgo tungkol sa paksang ‘damgo.’ May ilan sa kanila na nagpinta ng mala-panaginip na mga imahen tulad na lamang ng “Landlady 2” at “Landlady 3” ni Jzy Tilos, kung saan makikita ang imahen ng isang maganda at mukhang dalaga pang babae (hindi ang tipikal na landlady) sa monokromatikong brownish gray na nakakabitan ng mga bahay ang buhok habang nasa harapan naman ang mga makukulay at personal na gamit ng mga boarder (hal. pamaypay, briefs, atbp.). Gayundin ang painting na “Twist of Fate” (John Christian Barrios) na nagpapakita ng isang nagbabasang pinkish at nakahubad na lalaki gamit ang lampara at napapalibutan ng mga lumilipad na ibong origami na may mga tali. Samantala, ginamit naman ni Man Cayuna ang konsepto ng arketipo sa kanyang pinagsamang malaking mata, mukha ng pusa, at katawan ng tao (“Archetype II”), sa itaas ng figura ay may naglalaro ng skateboard, at ulo ng elepante at katawan ng tao (“Archetype I”), sa itaas ng figura ay may nakaupong tao sa ilalim ng puno. Maisasama rin marahil dito ang “Soultaker” ni Kalvin Santero, na nagpapakita kay Kamatayan, ng mga kamay ng sinusundong makasalanang tao, ng mga kaluluwa sa impiyerno, at ng mga maskararang bakal. Ang mga painting ng apat na artist ay binigyang-kahulugan ang damgo sa istilo ng suryalismo.
Nakasandig naman sa istilo ng realismo ang mga painting ni Nilsen Jan Triunfante (“Tabuk Muelle,” “Agaton,” “Napitikan sa Molo” at ang serye na “Jouer L’aeu”). Ngunit sa kabila ng kahanga-hangang ‘pagkopya’ ng imahen mula sa realidad—lalo na ang pagpapalitaw ng kalawang sa barko—masasabing nangangailangan pa ng pagmumuni-muni kung paano maipapasakop ang mga nabanggit na painting sa paksa ng damgo o magpakilala ng bagong usapin tungkol halimbawa sa ‘paglalaro sa tubig.’ Dito masasabing medyo kakaiba ang naging atake ni Sid Tendencia sa kanyang “Tindera:” buo ang pagtatanong ng titig ng nakadamit green na matanda habang ang mga mata ng manonood ay pinapalipat-lipat sa dominanteng red at green na mga kulay sa brownish gray na background at ng painting na “Igma,” kung saan higit pang nasa empasis ang ngayo’y nasa krisis na Coca-cola kaysa sa pagkain ng mga mangunguma. Ang mga ito ay subtle ngunit malalim na komentaryo sa kasalukuyang kalagayang pang-agrikultura.
Ang paggamit ng istilong abstrak ay kakikitaan rin ng potensiyal para isadiskurso ang paksang damgo. Mapapansin ito sa dalawang abstract cubism na painting ni John Alvin Dolar, kung saan maaaring magsadiskurso ng sekswal na fantasya; ng figurative abstract ni Rhounella Rhane Magantay (“Liad”), ng pangarap at aspirasyon; ng post-impressionistic na makikintab at iba’t ibang kulay na batong-tubig at prutas nina Barro at Kalvin Santero (“Assorted”); ng ma-analogous na kulay na ulo ng elepante ni Jeff Ryan Modilla (“Permanent Paint(s)”); ng ekspresyonistang “Silenced” ni Jeff Tangente; at ng figuratibong paglalarawan ng lemon ni Rhounella Rhane Maglantay sa “When Life Gives You Lemon.”
Ang paggamit ng tema at paksa para sa isang art eksibit ay nakatutulong sa manonood para sundan ang pinanggalingan at patutunguhan ng isang artist at gayundin ng kanyang grupo. Mahalaga ito para sa gawaing pagpapakahulugan at gayundin sa pagtataya o ebalwasyon ng bawat painting at ng pangkalahatang dating ng eksibit. Hindi sagabal ang pagkakaroon ng iba’t ibang istilo, pananaw, at paniniwala; ngunit mahalagang maitanghal ng eksibisyon ang trajektori ng kanyang nais pangarapin. Sa mga ganitong pahayag masasabing parehong nagtagumpay at nabigo ang art eksibit na Damgo.
Comments
Post a Comment