Hindi lang basta eksibit: Ilang Tala mula sa Panagbo: Encounters with Tradition

John E. Barrios


Hindi lang basta nakakabit na mga painting sa dingding ng gallery ang isang eksibit. Ang nakasanayang konsepto na ito ay nagtatanghal sa mga artwork ng kanilang supremasiya. Binubura ng gawaing ito ang isang mahalagang konsepto ng paglikha—ang proseso.

Kaya nga’t kahanga-hanga ang ginawa ni Marika Constantino, ang curator ng eksibit na Panagbo: Encounters with Tradition, na mapapanood sa Hulot Gallery ng Iloilo Museum of Contemporary Arts (Setyembre 4 – Oktubre 21, 2022), dahil kinuwestyon niya ang konseptong ito sa pamamagitan ng paglalantad ng mga ‘nakatagong’ aspekto ng produksiyon ng artwork. Narito ang aking mga tala (notes) tungkol sa eksibit:


1. Maituturing na arkeolohikal (gumamit ng teorya ng archeology) ang eksibit dahil sa ‘paghukay’ ng mga kaalaman na ‘nakabaon’ na sa ating sinaunang tradisyon. Ang paggawa ng uga ay maituturing na isa nang kultural at teknolohikal na praktis bago pa man dumating ang mga kolonisador na Kastila. Hindi lang ito simbolo ng gawaing pangkabuhayan ngunit lumikha rin ito ng politikal na komunidad. Ang ‘panagbo,’ sa kanyang literal (tagpuan) at metaporikal (interseksiyon ng iba’t ibang art forms) na pakahulugan ay nag-imbita, nag-ipon, at nag-organisa ng mga bagay na may kinalaman sa pangingisda/artworks at gayundin ng mga tao sa komunidad/artist. Makikita ang mga manipestasyon ng gawaing ito sa installation art na “Daing Maghapon” (John Alaban), at mga painting na “Bulad,” “Buro,” at “Himbon” (Rochelle Calinao), at gayundin ng “Panagbo” (Clinton Dellota). Sa mga gawaing ito makikita ang suhestiyon ng pagkikita-kita at pagsasama-sama ng mga tao para isakatuparan ang isang kultural na gawain ng komunidad.


2. Antropolohikal din ang eksibit dahil gumamit ito ng mga metodo ng pananaliksik tulad ng mga pamamaraang etnograpik: pagtatanong-tanong, pag-oobserba, at pakikisangkot sa mga mangingisda at iba pang miyembro ng (Capiznong) komunidad. Ang mga gawaing ito ay ‘literal’ na isinalin halimbawa ni Chariline Bigbig sa kanyang series ng mga painting na nagpapakita ng mga gawain sa paggawa ng uga; ang mga painting na “Baringon,” “Tabagak,” “Hugas,” “Oras,” “Ang Uga,” “Ang uga, ang manug-uga, kag ang kuring,” “Panahon,” at “Pakas.” Naging interesante ang mga gawa ni Bigbig hindi lang dahil inilalarawan ng mga painting niya ang proseso ngunit inilalantad rin niya ang mga naratibo (halimbawa ang gawaing pagbabantay ng mag-uuga sa magnanakaw na pusa); at ‘ipininta’ pa niya ito sa background ng notebook na pang-elementarya, na maituturing na isang ‘discursive curiousity.’


Maaari ring isama rito ang metodong ginamit ni Animô sa “Tagiti nga Gabiti-biti sa Kapaang” para malikha ang sound art mula sa kanyang field recording sa ugahan; gayundin ang kanyang “Prehistoric Preservation Practices: Through Sun and Soundwaves,” na isang digital printed zine ng isda sa paiba-iba nitong anyo, at ng cassette combo pack na naglalaman ng mga recordings.


3. Intertekstwal din ang eksibit dahil kinikilala nito ang idea ng ‘kopyahan’ at ang ‘paglalakbay’ ng imahen-idea mula sa autentikong espasyo hanggang sa pagiging artifisyal nito, mula sa mga pinagkuhanan ng larawan hanggang sa pagiging painting ng mga ito. Ang ganitong mga katangian ay maoobserbahan sa ginawang series ng acrylic painting ng uga ni Sheila Mae Bernaldez na “Asini Lang!” Sinikap ni Bernaldez na hulihin ang ‘gintong’ kulay at katangian ng mga uga sa pamamagitan ng ‘paglilipat’ ng mga ito gamit ang oil pastel at metallic wax sa itim na papel.

Diskursibo naman ang ginawang ‘paglilipat’ ni Kim Raffy Astrolabio ng mga teknolohiya ng pangingisda tulad ng (totoong bahagi ng) bugsay at (totoong) lambat sa kanyang mga mixed media painting na may mga abstraktong pamagat (“Pagtib-ong kag Pasidungog,” “Pagpasimpalad sa Lambat,” “Pagbalikid sa Kinaandan,” at “Panublion”). Gayundin ang ginawang ‘pangongopya’ ni Jonard Villarde (“Uga Box Small Series 1-5”) ng hugis, anyo, at katangian ng kahon ng uga na nagiging pottery na paglalagyan ng mga tanim.

Inilipat rin nina Alna Shaine Martinez (story) at Maru Alayon (artist) ang mga hayop-dagat tulad ng pasayan, lokus, at tabagak, at mga katangian tulad ng pagiging ‘uga’ sa kanilang komiks na may pamagat na “Bulad” (nilathala ng Eyecan Creatives).  

Masasabing isang buo at kompletong karanasan sa pagtunghay at pagdiskubre ng kaalaman at pag-akda ng mga kahulugan ang panonood ng eksibit na Panagbo. Hindi lamang ito tungkol sa mga nakadisplay na mga artwork, higit sa lahat ito ay tungkol sa proseso ng artmaking na sumasagot sa tanong na “Paano ginawa ang art?” at hindi ang tanong na “Ano ang art?” 

Comments

Popular posts from this blog

Baryo Bilang Lunan ng Kaalaman: Epistemolohikal na Topograpiya sa Maikling Pelikulang “Sa Taguangkan sang Duta”

Diskurso ng Kaalaman sa short film na Tiempo Suerte

Ang Tulok (Gaze) sa Muaks at Kinaiya Art Exhibit