Ang Pangako ng Moderno sa Eksibit na “12”
John E. Barrios
Sinabi ng historyador at pilosopong si Michel Foucault na ang ‘moderno’ ay isang atityud na nagbibigay-halaga sa lohikal, rasyunal, at siyentipikong pananaw sa mundo. Sa kasaysayan ng art sa Pilipinas, ang salitang ‘moderno’ ay unang ikinabit sa painting na “The Builders” (1928) ni Victorio Edades, na siyang tumumba sa lahat ng may kinalaman sa ‘tradisyonal’ na art lalo na yaong impluwensiyado ni Fernando Amorsolo. (Isang penomena na maituturing na alingawngaw ng nangyari sa Europa nang isinapubliko ni Picasso ang kanyang “Les Demoiselles D’Avignon” noong 1907.) Ang tagumpay na ito ng ‘moderno’ kontra sa ‘tradisyonal’ ay siyang nag-akda ng hinaharap ng art sa isang bansang sa kasalukuyan ay maituturing na sabayan ang hindi patas na presensiya ng kulturang agrikultural, industriyalisadong kalungsuran, at umuusbong na maimpluwensiyang information-technology.
Sa ganitong konteksto maipoposisyon ang art exhibit ng 12 batang artist na tinipon ng abstract artist at curator na si Rock Drilon sa Mamusa Art Gallery (nagbukas noong Hulyo 27) at itinanghal bilang taga-akda ng direksiyon ng future exhibits ng nasabing gallery at gayundin ng umuusbong (emerging) na mga anyo ng art sa mabilis na umuunlad na Iloilo City. Ang mga painting sa eksibisyon ay maaaring basahin bilang ‘gawaing pagrarason’ ng mga artist sa kani-kanilang indibidwal at komyunal na kaligiran.
Maituturing na agaw-pansin sa eksibit ang painting na “Boudoir” ni Job Hablo dahil sa nakabalandrang hubad na katawan ng babae. Ngunit sa malapitang pagsusuri ay makikitang mas higit na kumakausap ang mukhang nakatalukbong sa itim na tela (alusyon sa burqa ng mga fundamentalistang Muslim na babae na sinusuot para itago hindi lang ang mukha ngunit pati na rin ang buong katawan) dahil lumilikha ito ng kontradiksyon sa paglalantad ng hubad na katawan at sa nais pang ‘ipagsigawan’ na pribadong lugar na maaaring mangahulugang kuwarto o bihisan. Nagawa ng painting na ilantad ang tunggalian sa pagitan ng diskurso ng kasarian at relihiyon, gayundin sa paggamit ng espasyo.
Hindi man maeskandalo, ang video installation (“memory of the night you did not come home compress to 384 frames”) at digital print sa loob ng lightbox (“heavy is the body…”) ni Roselle Perez ay metaporikal na pagsasadiskurso ng seksuwalidad. Ang una ay nagpapakita ng dahan-dahang pagbuka(s) ng bulaklak (16 seconds) sa gitna ng mahamog na kabulakan at ang pangalawa ay larawan ng nakabukang pomelo (nasa harapan ng isinantabing papaya) kung saan nakapatong ang upos ng sigarilyo (marahil kailangang balikan ang teorya ni Freud tungkol dito). Ang dalawang artwork ay parehong nagpapakita ng usapin ng kasarian na matagal nang nangangailang baguhin sa kasalukuyang patriarkal na lipunan. Teknolohiya rin (audio recording) ang ginamit ni spaaawn sa kanyang “disembodied: a compilation” para ipagsama-sama ang iba’t ibang tunog, wika, at kultura sa isang masalimuot na koleksiyon.
Kapansin-pansin din sa mga nakakabit sa dingding ang dalawang portrait ni Jecko, ang “Strawbercandy” at “Green Grape” na maituturing na umaapaw (excessive) na paglalarawan ng ekstatikong mukha sa parehong paggamit ng hugis at kulay. Matatawag itong ekspresyonismong paglalantad ng (bawal na) gawaing paninigarilyo gamit ang pananaw na carnivalesque dahil sa gawaing pagpapatawa at pagbabaliktad: pagpapatawa dahil ginamit nito ang trope ng payaso (court jester) at pagbabaliktad dahil nagiging maganda ang pangit. Umaapaw at eksaherado din ang paggamit ng hugis at kulay ni John Paul Cabanalan sa kanyang dalawang abstract expressionist na paintings, ang “Florescence” at “Triad”. Ang malilikot na mga linya at patong-patong na hugis at kulay ang nag-aakda ng parehong maganda at magulong kaligiran ng larawan.
Samantala, ang abstrak na estilo na ginamit nina Sheila Molato (“Tonight We Improvise”) at Brian Liao (“Abre”) ay mas may kontrol at maingat sa pag-akda ng naratibo. Sa “Tonight…” ni Molato ay kapansin-pansin ang malay na pagkonekta sa mga hugis at kulay (itim at puti sa ilalim at dilaw sa itaas) gamit ang putol-putol na pulang linya habang binabalanse ng maliit na itim na rectangle sa kaliwang itaas ang ‘gumagapang’ na kulay ng gabi sa ilalim. Samantala, ginamit naman ni Liao ang gitnang empasis para isaharap ang ‘pinto/bintana’ na kulay ginto at ipalikod ang nakakrus na mga linya para likhain ang ilusyon ng bintana o pintuan. Ang mga linya at hugis sa loob ng gintong ‘pinto/bintana’ ay nag-iimbeta ng pakahulugan sa parehong pandama at paningin ng nanonood.
Ang paggamit ng mga salita bilang bahagi ng artwork ay parehong sinubukan nina Margaux Blas (“Our Daily Bread”) at Barry Matthew Namo (“Silverstein 6”). Kay Blas, ang mga salita ay maituturing na diskursibo (nag-iimbeta ng politikal na pakahulugan) samantalang kay Namo ay ang pag-akda ng tula, sa likuran ang pantulong na imahen ng hardin, na may hawig sa tradisyon ng haiga ng mga Hapon. Napagtagumpayan ni Blas ang paglalarawan ng tunggalian ng uri at pananamantala ng mayamang uri sa pamamagitan ng heyograpikal at historikal na pagmamapa ng isinantabing komunidad ng mahihirap (Tondo, Manila = Lapuz, Iloilo City) sa produksiyon ng tinapay (“Amigo” at “Spring” na mga brand labels) na kontrolado ng kapitalista (Philippine Foremost Milling Corp.) gamit ang mga estruktura at elemento ng simbahan (banal) at bahay (makamundo). Ang usaping ito ng kahirapan ay binigyang pakahulugan naman ng masisilaw na kulay at gawaing pang-pier sa impresyonistang painting na “Latay-latay” (Katelyn Miñoso) na maaaring maging representasyon ng Tondo at Lapuz.
Inaasahang gumuhit ng gulat (shock value) ang “Baku Nawa” ni Wapz Salvilla dahil sa lantarang paggamit ng dahas (2 may dugong kutsilyo na nakaturok sa likuran ng batang lalaki) sang-ayon sa marahas na kulturang nakapaloob sa Japanese animation at komiks. Hindi lamang hiniram ni Salvilla ang estetika ng Hapon, ginamit rin niya ang mitolohiya ng Panay (bakunawang kumakain ng buwan) sa kanyang grapikong ilustrasyon.
Isang surreal at sikolohikal na representasyon naman ng pagkalubog ng katauhan ang “Beneath the Mire” ni Mark Nativo. Ang nakatumbang upuan, malungkot na dagat, butas-butas na dahon ng tanim, na kinokonekta ng mga linya na may iba’t ibang direksiyon, ay ang mga masalimuot na bagahe ng nakaupong lalaking walang mukha na may hawak na pasò ng halaman. Ang pagkakalarawan ng malungkot na pangitain sa black and white/grayscale ay mabisang elementong humatak sa mensahe, banggitin pa ang mga nakakalat na ‘putik’ sa mukha at iba’t ibang bahagi ng painting.
Ang pangako ng moderno ay naipapakita sa paggamit ng ironiya at talinghaga. Ito ang kaniyang medyum ng pananalita at ang lohika ng pagrarason. Napagtagumpayan ito ni Hablo sa pagpapakita ng ironikal na kalagayan ng mga babae sa sarili niyang espasyo, ni Perez sa pag-akda ng bagong representasyon ng ari ng babae (pomelo at hindi papaya) sa digital na media, ni spaaawn sa paggamit ng ‘collage’ para sa kanyang musika (maaaring tumawid sa postmoderno), ni Jecko sa paggamit ng eksaherasyon at konsepto ng karnabal, ni Molato at Liao sa pagtatago ng kahulugan sa abstraktong mga anyo, ni Blas at Mano sa pagtatahi-tahi at pagtatabi-tabi ng mga imahe’t salita, ni Miñoso sa lente ng impresyonismo, ni Salvilla sa pagtitiwala sa ‘shock-value’, at ni Nativo sa surreal at siko-analitikal na bisyon ng pagkonstrak ng tao.
Magkagayunpaman, ang trajektori ng art ay ang hinaharap (future) at mahigit tatlong dekada na nang dumating sa Pilipinas ang mga konseptong ‘postmoderno’, ‘post-feminismo’, ‘post-marxista’, at ‘postkolonyalismo’ at hanggang sa ngayon ay parang hindi pa yata nasusundan ang postmodernong one-man show ni Ed Defensor na “Playing with the Masters” na isinapubliko mahigit isa na ring dekada. Malaki ang potensiyal na ang ilan sa 12 artist sa eksibisyon na "12" ay maaaring itawid ang modernismo sa postmodernismo at postkolonyal na diskurso ng art. Hindi tulad ng matatandang Ilonggo artists, nasa kanila pa ang panahon.
Comments
Post a Comment