“Super Inday”: Pagpapagitna sa Naisantabi, Pagsasalita ng ‘Sarili’
John Barrios
Hindi lang naisantabi o mardyinalisado ang mga babaeng pinagkaitan ng kanilang kalayaan. Sila ay dobleng naisantabi (doubly marginalized). Naisantabi sila hindi lang sa pagiging babae nila ngunit pati na rin ng kanilang pagiging bilanggo. At ito ang raison d’etre (reason for being) ng kanilang pagpapagitna ng kanilang mga sarili: ang makapagsalita at marinig.
Sa art eksibit na “Super Inday: Stitches and Stories from Women Behind Bars” (May 2022) sa ILOMOCA na isinaayos ng curator at artist na si Rosa Zerrudo, makikita ang mga artworks ng mga babaeng Persons Deprived of Liberty (PDL) ng Iloilo City. Ang eksibit ay isang interaktibo at kolektibong artworks na nasa anyo ng tapestry, eskultura na gawa sa tela at foam, tinahing damit na mosquito net, beadworks, at hablon.
Sentral na tanawin dito ang “Super Inday” na isang sculptural installation ng mga ‘lumilipad’ na sculpture na gawang tela at foam ng mga pulang babaeng may putong ang mga ulo (basa: putong ng babaylan) at mga kamay na nagmumukha ring mga pakpak. Sa gitna ng instalasyon ay isang napakalaking ari ng babae na nadidikitan ng mga maliliit na ari ng babae sa kani-kanilang makukulay na mga anyo. Maituturing na isang relihiyosong komposisyon ito kung babasahin ang malaking ari bilang altar at ang mga putong bilang mga anting-anting.
Magkagayunpaman, ang pagtatanghal ng ari ng babae ay maituturing na isang femenistang asersiyon (hindi tulad ng pagtatago ng ari sa likod ng imahen ng bulaklak) dahil hindi lang ito nag-iimbita ng pagpapakahulugan ngunit binubuksan nito ang idea na ang ari ng babae ay hitik sa maraming pagpapakahulugan. Ayon nga sa kilalang teoristang femenistang French na si Julia Kristeva, ang babae ay maihahalintulad sa isang tula—nag-iiba-iba at madulas ang kahulugan at hindi maaaring ikulong sa isa lang pakahulugan. Sa ganitong pananaw, ang mga nakadikit na ari ay mas semiotikal (bukas sa pakahulugan) kaysa simbolikal (fixed at buo ang kahulugan) na isang katangiang mas angkop sa ari ng lalaki at sa kalalakihan.
Maituturing ring isang akto ng paglalantad at pagpapagitna ang paggamit ng mga babaeng PDL ng kanilang mga pangalan. Hindi nga lang kumpleto (hal. ‘Ara B.’ at ‘Angel B.’) dahil marahil may implikasyong legal na nagpoprotekta ng kanilang pagiging mga pribadong indibidwal, at para maiwasan na mailagay ang kanilang katauhan sa social stigma. Sa kabilang banda, ang hindi paggamit ng apelyido ay maaari ring basahing isang femenistang akto ng pagbalikwas sa nakasanayang pagpangalan sa babae gamit ang apelyido ng lalaki. Sa pagbasa halimbawa ni Rosario Cruz-Lucero ng maikling sugilanon ni Magdalena Jalandoni na “Si Anabella”, sinabi niya na isang pagbibigay-kapangyarihan sa kababaihan ang ginawa ni Jalandoni na hindi pagpangalan sa nanay ni Anabella dahil nagawa niyang baliktarin ang nakasanayang patriarkal na sistema: ang ina ang naging ama at haligi ng tahanan. Totoo ito sa maraming breadwinner na kababaihang PDL.
Subalit mahalaga pa rin sa paglikha ng art ang mapapagsalita ang ‘Sarili’ (‘Self’). Sa akto ng pagsasalita ay muling nalilikha ng babae ang kanyang ‘Sarili’. Katulad na lamang ng makikita sa “Sin-o si Inday” kung saan inirepresenta ng mga babeng PDL ang kani-kanilang nararamdaman at pananaw tungkol sa kani-kanilang mga sarili, sa “Inday Hugot Borda Fabric Book” kung saan mababasa ang kani-kanilang mga hugot, sa “Kun ako Bayo” kung saan metaporikal nilang inimadyin ang mga sarili sa hinabing damit, at “Mama Carabao Soft Sculpture Avatars” kung saan inihambing nila ang kanilang mga katangian sa isang masipag at mapasensiyosang kalabaw.
Ang kahalagahan ng pagbibigay ng kapangyarihang makapagsalita ang ‘Sarili’ para sa mga kababaihang PDL ay isang pangangailangang panlipunan na hindi lamang dapat isulong ng iilan, kailangan itong itaguyod bilang isang progresibong adbokasiya na siyang magbibigay katarungan at kalayaan sa mga grupong naisantabi at nawalan ng boses sa lipunan.
Si ‘Super Inday’ ay nasa bawat isa sa atin—babae, lalaki, o anupaman ang iyong inakung kasarian.
Comments
Post a Comment