Ang Simple at Eksaherado sa Visual Notes ni Rock Drilon
John E. Barrios
Ang estetika ng abstract art ay maaaring ilagay sa dalawang katangian: ang simplipikasyon at eksaherasyon. Sa una, ang kumplikadong kabuuan ay nire-reduce sa kanyang pinakasimple at purong kaanyuan. Sa ikalawa, ang simpleng anyo ay ginagawang eksaherado o kumplikado.
Makikita ang dalawang katangiang ito sa art exhibit na Visual Notes (Hunyo 8 – Hulyo 3) ni Rock Drilon sa Mamusa Art Gallery na binubuo ng mga guhit sa lapis ng nakahubad (nude) na babae at mga interkonektadong linya na lumilikha ng iba’t ibang hugis at porma.
Tungkol sa nude drawing:
Ang hinubarang katawan ng babae (nude) para gawing subject sa art ay isang gawain na nagmula pa sa Sinaunang Gresya (Ancient Greece). Layunin ng mga artist noon na ipakita ang kakayahan ng mga babae sa pagpaparami ng lahi kaya ipinapakita nila ang mga matatabang balakang bilang tagasagisag ng fertilidad. Ang tradisyong ito ay muling binuhay ng mga Europeo noong Renaissance ngunit nag-iba na ang tingin sa katawan ng babae—isang subject na pinag-aaralan at iniimbestigahan sang-ayon sa tamang hugis ng anatomiya ng babae. Pagdating ng panahon ng Modern Art, ang nude painting ay isinalang na sa iba’t ibang pananaw-estetika at indibidwalisadong estilo ng artist: dikta ng linya at kulay para sa mga impresyonista, bulto at perspektiba para sa mga kubista, at ng pag-reduce sa anyo ng figura sa iilang linya para sa mga abstraksiyonista at pinaghahalo-halo at pinagtatambak-tambak na kulay para sa mga ekspresyonista.
Ang nude ni Drilon ay nabibilang sa estetika ng abstract art na may koneksiyon sa ginawang eksperimentasyon ng mga modernista tulad ni Henri Matisse. Sa mga nude na drowing ni Drilon makikita ang makakapal at mabibigat na mga linya (sa ibang artwork ay makikita pa ang dinaanan ng iginuhit na linya sa naunang papel). Walang bakas ng maninipis na guhit ng lapis (sketch), ang lahat ng figura ay diretso at tuloy-tuloy ang pagguhit. Walang layuning gawing perpekto ang figura at masasabing ang pagguhit ay mula sa memorya. Sa katunayan sa ibang pagkakataon nagiging sadya pa ang paglihis ng linya—rason para maiguhit ang imperpektong imahen: sobra sa haba ang kamay na may maliliit at malalaki, sobrang liit o sobrang laki na binti at paa, at may umuusbong at sumosobrang laman sa beywang. Masasabing walang sensuwalidad at hindi lirikal (tulad ng linya ni Matisse) ang mga linya. Mas higit na nakikita ang distorsiyon o pagsira sa figura para iakda ang imperpektong katawan ng babae.
Masasabing proyekto ni Drilon ang pagtatanghal ng imperpeksiyon: ang ‘ganda’ ng katawan ay makikita sa kaniyang pagiging sira (distorted) at kulang at hindi buo. Ang ‘pagsira’ ng hugis at ‘pagtatago’ ng ibang parte ng katawan (hal. ulo) ay maituturing ring isang gawaing ‘paglalantad’. Nailalantad ng mga nude ni Drilon ang isang kontra-nude: ang nude na hindi nag-iimbita ng makalalaking titig (male gaze) na nagsasaposisyon sa babae bilang subject-object. Sa katunayan, ang nude ni Drilon ay humihingi ng simpatiya (sympathy) at nagpapakita ng kontra-titig (counter-gaze).
Tungkol sa mga
drowing ng mga linya:
Ang drowing ni Drilon ng mga tuloy-tuloy at magkakadugtong na mga linya ay parehong lumilikha ng volyum at ng pagiging flat. Nalilikha ang pagiging bilog (sa persepsiyon ng manonood) ng mga linya sa paglalakbay ng mga ito at bumabalik sa pagiging flat kung nakararating sa matutulis na dulo, at babalik uli sa pagiging bilog matapos dumaan sa matulis na bahagi. Sinisira nito ang realistikong (paghu)hugis at inaakda ang pagiging surreal ng drowing sa paulit-ulit at walang katapusang paglalakbay at pag-ikot.
Masasabing eksaherado ang paglalarawan ng mga linya hindi lang dahil sa naging pasikot-sikot at mahaba ang paglalakbay ngunit dahil sa pagkakaroon nito ng dalawang plane: ang two-dimensional at three-dimensional. Ang drowing sa gayon ay hindi maaaring basahin bilang isang refleksiyon lamang, ngunit bilang isang representasyon ng di-malay (unconscious) na danas—isang sikoanalitikal na penomena. Maiaaplay kung ganoon dito ang sinabi ni Sigmund Freud, ang nag-imbento ng siko-analisis, na “the child is the father to the man” at maaaring ihaka na ang drowing ay isang laro-ng-bata lamang.
At ito ang kagandahan ng drowing ni Drilon, sinisikap nitong balikan ang isipan ng walang malay ngunit puno ng kyursidad na bata: malikot at mapaglaro ang isipan. Binabalikan nito ang kanilang (ang bata at ni Drilon) mga ginawang paglalakbay, ang mga paghinto at ang mga pagpapatuloy pero higit sa lahat, ang mga pagpapatuloy. Ito ang lohika ng art ng automaton, ang paggamit ng galaw (kinetika) para isadiskurso hindi lang ang mekanikal na mundo ngunit ang mundo ng nakalubog na kamalayan o ang tinatawag na ‘unconscious’ ni Freud sa kanyang talinghaga ng nakalutang na iceberg.
Ang bata, si Drilon, at ang manonood ay iisa sa walang hintong paglalakbay.
Comments
Post a Comment