Tulog, Gising, at Mulat na artworks sa Bloom 2.0
John E. Barrios
Ang art ay hindi estatiko. Palagian itong nagbabago. At karaniwan, umaayon ang pagbabago nito sa pagbabago din ng panahon. Kaugnay nitong mga pahayag, ang art exhibit ng Himbon sa SM City Mandurriao na pinamagatang Bloom 2.0 (May 16-29, 2022) ay isang pagkakataon para mataya ang estado ng art ng mga Ilonggo.
Susubukan kong ‘basahin’ ang mga artworks sa pamamagitan ng paggamit ng metodo ni Isagani Cruz, isang kritiko, na nagmungkahi na maaaring matukoy ang halaga ng isang akda o artwork sa pamamagitan ng paghahati sa anyo (form) at nilalalaman (content) at pagtukoy kung ang mga ito ay tulog (walang pagbabago), gising (may pagkilala sa pagbabago), at mulat (may adbokasiya para sa kinikilalang pagbabago). Dahil ang paksa ay ‘bulaklak’, maaaring bigyang-pakahulugan ito sa pagiging literal at metaporikal ng bulaklak, denotatibo at konotatibo, pagiging simbolo at pagiging sagisag, repleksiyon at representasyon ng realidad, at bilang teksto na may hatak-hatak na konteksto.
Matutukoy sa mga paintings ang mulat ang anyo dahil ang artist ay gumagamit ng bago o binagong estilo at estetika. Naririyan halimbawa ang estilong hango sa estetika ng abstract art tulad ng mga paintings nina Ed Defensor (‘Love’s Garden’, series 316-319) at Ningnong Acedera (‘Flowers in my Altar’, series 1-2 at ‘Mga kabulakan sa Tinagong Dagat’). Matuturing nga lang na hindi pa mulat ang nilalaman ng kanilang artwork sa kadahilanang hindi malinaw ang pagkakaroon ng pagsulong para sa pagbabago. Oo nga’t may iminumungkahi si Defensor na pagbabago sa pagtingin sa ugnayan ng bulaklak at pag-ibig pero parang hindi pa rin ito lumalabas sa sekswal na aspekto. Ang ‘mainit’ at ‘galit’ na mga kulay at ‘matinik’ na anyo ng mga bulaklak ni Acedera ay maituturing na pagbalikwas sa relihiyosong tradisyon ngunit hindi pa nito naaabot ang lebel ng pagiging subersibo. Hindi tulad ng gawa ni Dodgie Tan (‘Ang Bulak’) na naitawid ng violetang paru-paro ang pakahulugan sa usapin ng kasarian (LGBTQ+) at Alex Ordoyo (‘Angel’) na napagsama ang mitolohikal at usaping pangkalikasan.
Maituturing ring mulat na estilo ang personal at translokal na adapsiyon ng suryalismo nina Ronnie Granja (‘Puganggang’) sa pag-iisa ng bulaklak at mukha ng babae at Ariel Pineda (‘Maymay 2’) sa paghabi ng katutubong naratibo ng pag-ibig at ang imahen ni Kupido. Hindi pa nga lang maituturing na mulat dahil nagpapakita pa lamang ng kaapihan ng babae/kababihan ang una, at ang ikalawa ay walang isinusulong na adbokasiya. Maidadagdag rin ang pagiging mulat ng anyo ng pinagsamang tradisyonal na eskultura at representasyon ng paksa sa ‘Himbing’ ni Jeanroll Ejar kung saan ang paru-paro sa likuran ng eskultura ay ikinulong sa rehas ng linya.
Makaklasipika naman sa gising na anyo ang hyper-realism ni Yob (‘Flowers Bloom in Book Pages’) at ang suryalistang paintings nina Alan Cabalfin (‘Camella 1’), Roneal Torres (‘Undercover’), at Carlo Juntado (‘Yellow’). Naitawid din ng mga artist na ito ang paksa sa pagiging mulat sa pamamagitan ng pagsasama ng elemento ng femenismo (aklat ni Arundathi Roy kay Yob), diskurso ng kasarian (binalaking babae ni Cabalfin at binabaeng lalaki ni Torres), at pakikipagnegosasyon ng kahulugan ng kulay na dilaw sa binaryo ng buhay/kamatayan at sining/kalikasan.
Marami sa mga artist na sa kabila ng pagiging gising ng kanilang mga estilo at estetika, maituturing na tulog pa rin ang nilalaman ng kanilang mga obra. Ang mga painting sa estilong impresyonista nina Vic Fario (‘Celebration of Life’ at ‘Lotus’) at Benny Loro (‘Color my World’ series 1-2) ay hindi pa rin nakalulundag mula sa tradisyonal na pakahulugan. Nakabaon naman sa pagturing sa bulaklak/babae bilang subject at object ng titig at nasa ng lalaki ang mga paintings nina Brando Banga (‘Nymph #6’), Eros Endenio (‘Pagbisita ni Kanaryo kay Putli’), at Gilbert Labordo (‘Nagtubo kag Namulak’).
Sa kabilang banda, may mga artist na sa kabila ng pagiging tulog ng anyo ay naitutulay pa rin ang mulat at gising na nilalaman. Katulad na lamang halimbawa ng metaporikal na paglalaro ng palitan ng kahulugan ng paru-paro at bulaklak sa painting ni Yob na ‘Flowers Bloom in Children’ at nostalhikong representasyon ng sakura ni Carol Saavedra sa ‘Japan in my Mind’.
Comments
Post a Comment