Panonood Bilang Pamimingwit: “Personiforms” ni Alexander Española

John E. Barrios


Sa isang kabanata ng Noli Me Tangere ni Jose Rizal ay mababasa ang paglalarawan ng sermon ni Padre Damaso. Ang sermon niya ay nasa pinaghalong wikang Latin, Kastila, at Tagalog. Kaya ang mga nakikinig na mga indio ay parang namimingwit na lamang ng mga salita. Kung anong mahuhuli ng kanilang pandinig na maaari nilang bigyang pakahulugan ay iyon na lamang ang nagiging mahalaga. Tinawag itong “listening as fishing” ng iskolar ng Kasaysayan na si Vicente Rafael.

Ang ganitong danas ay mababasa rin sa ikalimang art eksibit ni Alexander Española na pinamagatang “Personiforms” (Mayo 5 hanggang Hunyo 5) sa Mamosa Art Gallery. Ito ay binubuo ng anim na kanbas na may ‘itinatagong’ mga mukha at salita tungkol sa anim na kandidato sa pagkapangulo at pagkapangalawang pangulo. Sa biswal na danas, hindi na tunog ng mga salita ang namamagitan sa gawaing pagpapakahulugan, ito ay nasa mga anyo, linya, kulay, tekstura, at epekto ng kabuuang larawan.


Sa painting na “FRMJr” halimbawa ay ‘mabibingwit’ ang mga kahulugan sa kulay na pula, sa anyo na pumapalapit sa mukha ni BBM (may maraming bibig), at sa mga ‘lumalangoy’ na mga salita mula sa kanyang bio-data (hal. ‘Oxford’) at mga kontrobersiya kung saan napapaloob ang kanyang pamilya (hal. ‘extra-judicial killings’). Samantala ang kanyang running mate na si Sara Duterte naman ay nasa painting na “SZD” na nasa kulay luntian at itim sa pangkabuuan, maraming anyong mukha na empasis pa ang ‘malalaking bibig’, at lumalabas na bawat mukha ay reproduksiyon ng iba’t ibang personalidad. ‘Mabibingwit’ sa painting ang mga salitang ‘net worth 44.5M’, ‘punches sheriff over demolition’, ‘Duterte all over again’, at iba pa.


Sa kabilang banda, ang painting na “MLGR” naman ay nasa kulay rosas at mababanaag—kung pagsisikapang mabuti—ang mukha ni Leni Robredo. Marahil dahil sa interaksiyon ng kulay puti sa kulay rosas ang mga nakaguhit na mga salita ay sobrang hirap ‘bingwitin’ maliban na lamang sa mga salitang naiguhit sa makakapal ang intensidad ng kulay tulad ng ‘Philippines’, ‘Liberal Party’, ‘Commission on Elections,’ at mga salitang ‘Marcos’. Ang painting naman na pinamagatang “FPNP” ay may mapusyaw na kuwadradong kulay rosas na ikinulong sa kulay luntian. Walang masyadong mababanaag na anyo ng mukha ni Kiko Pangilinan sa gitnang kuwadro ngunit kung maglalakbay ang imahinasyon, maaaring makita ang mga mukha ng ‘cronies’ sa kumukulong na luntiang kulay. Maraming mga salitang may kinalaman sa mga programa sa agrikultura ang mababasa sa painting tulad ng ‘coco levy fund scam’, ‘sagip-saka act’, ‘organic farm’, ‘strengthen agricultural sector’, at iba pa.


Ang mga painting na “FMD” at “VCSIII” ay tungkol kina Isko Moreno at Tito Sotto. Kinilala rin sila sa kanilang mga kulay: asul kay Isko at luntian kay Sotto. Dahil sa kulay asul, ‘madaling makilala’ si Isko sa mga iginuhit na mga salita na naglalantad sa kanyang nakaraan bilang artista at kasalukuyang ‘yorme’ ng Maynila. Si Sotto naman ay ipinakilala gamit ang alusyon ng kanyang pagiging komedyante (tambalang Tito, Vic and Joey ng “Eat Bulaga”) na may malaking ambag sa kanyang pagkapanalo sa mga eleksiyon. Makikilala rin si Sotto bilang kolaboreytor ng mga trapo sa senado sa mga salita sa painting.

Ang proyekto ni Española na ‘burahin’ ang mga letra, salita, anyo, linya, kulay—ang kabuuang imahen—na may kinalaman sa mga politiko ay maituturing na isang pagsubok para irepresenta ang realidad ng politika sa bansa. Na ang kaalaman ng mga mamamayan ay limitado lamang sa impormasyong kanilang ‘mabibingwit’ sa manipulado ring proseso at sistema ng komunikasyon ay ang siyang namamayaning kalakaran. Subalit itong representasyon ay paradoksikal din dahil, sa kabilang banda, nailalantad din nito ang mga nakatago at nabura, at nabibigyang-pagkilala ang tunay na katauhan ng mga ‘iginuhit’ na mga politiko ng bansa. Sabi-sabi nga, kapag itinago, lumalabas.

Comments

Popular posts from this blog

Baryo Bilang Lunan ng Kaalaman: Epistemolohikal na Topograpiya sa Maikling Pelikulang “Sa Taguangkan sang Duta”

Diskurso ng Kaalaman sa short film na Tiempo Suerte

Ang Tulok (Gaze) sa Muaks at Kinaiya Art Exhibit