Pagdadagdag/Pagbabawas sa art ni/tungkol kay Leni Robredo
John E. Barrios
Maaaring sabihin na mayroong gustong ipakitang partikular na imahen ang ilang artwork na ginawa para sa kandidato sa pagka-presidente ng Filipinas na si Leni Robredo sa mga mural, painting, poster, sticker, at iba pang ilustrasyon. Kaiba ang mga ito sa karaniwang representasyon ng kandidatong Bise Presidente bilang isang ‘karaniwang’ babae. Ipinapakita ng mga ito ang mga katangiang ‘karaniwang’ makikita sa mga lalaki: ang pagiging maskulinado o masculine.
Sa ilang poster halimbawa ay makikita si Robredo na inaangat ang suuban ng kanyang damit para ipakita ang kanyang maskulo sa kanang kamay na may tikom na kamao. Ang larawang ito ay inangkla pa sa mga salitang “Laban lang” at “We can do it!” Ang larawang ito ay hinango sa popular na poster na ginawa ni J. Howard Miller, isang Amerikanong artist, noong 1943 (World War II) bilang propaganda materyal ng Westinghouse Electric para pasiglahin ang moral ng kababaihan at para tumaas ang produksiyon ng mga kagamitang gagamitin sa giyera. Ang babae sa larawan ay kinilala lamang bilang si “Rosie the Riveter”, isang ordinaryong manggagawa sa isang pabrika sa Amerika.
Hindi neutral ang pagkakapili ng poster ni Miller bilang ‘kopya’ para sa kandidatong si Leni Robredo. Layunin nitong ‘tapatan’ ang kasarian ng kanyang mga kalaban (puro lalaki), partikular ang malapit na kakompetensiyang si Ferdinand ‘BongBong’ Marcos, Jr. o mas pinasikat sa tawag na ‘BBM’, na siyang ibinabalitang palaging nangunguna sa mga sarbey. Sa katunayan, sa isang ilustrasyon na ginawa noong 2016 eleksiyon sa pagka-Bise Presidente, ipinakita rin si Robredo bilang palabang Dilawan na nakipagkarera kay Marcos Jr. na suot-suot ang dilaw na mga tsinelas sa paa at kamay.
Sa kasalukuyang papalapit na Eleksiyong 2022 sa Mayo 9, si Robredo ay inilarawan ng rappler.com na tumatakbo/umaakyat (kasama ang pagdami ng mga sumusuporta) sa linya ng estadistika at sa sumasakay sa mabilis at bumubulusok na bolang pink na babangga sa apat pang bola para iakda ang matagal na niyang sinabi na “the last man standing is a woman” at ang “the best man for the job is a woman.”
Hindi maikakailang ang ‘inuusal’ (utterance) ni Robredo ay may referensiya sa pagkalalaki o maskulinidad (masculinity). Ito ang naratibo ng kanyang ipinapangakong gawain bilang uupong pangulo: ang pagbubura at pagdadagdag sa salitang ‘wo(man)’. Sa ganitong naratibo, tulad ng pagbubura/(muling)pagdagdag ng kahulugan ng kulay na ‘pink’/ ‘rosas’, na dating kulay na naka-atribyut sa pagkalalaki (18th hanggang 19th century), na inilipat sa pagkababae noong 1950s, at ngayo’y naging ambivalent o maaaring maging pambabae o maging panlalaki muli, binubura rin ni Robredo ang pagkakaiba ng lalaki sa babae sa larangan ng politika. Ang parehong babae at lalaki ay maaaring maging iisa sa ‘huling tatayo’ at ‘magtatrabaho’ na Pangulo ng bansa.Ang hindi pagkakaroon ng iisang kahulugang pangkasarian na ibig itanghal ng naratibo ni Robredo ay makikita rin sa painting ni Mark Justiniani na pinamagatang “Daluyong” kung saan makikita si Robredo na nakasuot ng barong tagalog na kulay rosas na parang rayadillo rin ng mga Katipunero, sa kanyang kanang kamay ay ang sirang kilohan ng Hustisya at sa kaliwa ay ang hindi ipinapakitang pulang bandila. Si Robredo rito ay imahen ng isang Katipunerang nakasakay sa bangka. Ang imaheng ito ay ipinagpatuloy rin ng mural painting ng mga artist ng Marikina at Team Leni Warriors, kung saan makikita si Robredo na nagwawagayway ng bandila ng Filipinas. Sa mga imaheng ito si Robredo ay naging Katipunera at Kalayaan at Ina ng kanyang bayan.
Ang pagiging ambivalent ay katangiang katangi-tangi sa pananaw ng panitikan. Ang dala-dala nitong imbitasyon para bumuo ng maraming kahulugan ay patunay na maunlad ang gawaing pagpapakahulugan. Ang hindi pagkakahon kay Robredo sa iisang kahulugan ay maituturing nang isang tagumpay para sa mga mambabasa’t kababayan.
Pagkilala sa mga larawan:
Rappler.com para sa tumatakbo, nakasakay sa bola at 2016 eleksiyon na mga grafiks
Mark Justiniani para sa painting na “Daluyong”
Manilabulletin.com, reddit.com, at TeamLeniWarriors FB page para sa mga larawan ni Robredo
na may hawak-hawak na bandila ng Filipinas
Comments
Post a Comment