Art ng Pagbuligay: Ang Kolektibo sa “PAINTura 5020” ng OVAL

 John E. Barrios

 


Ang paggawa at pagtatanghal ng art ay isang gawaing hindi pang-indibidwal lamang. Hindi lamang maka-indibidwal na pag-iisip at pandama ang mahalaga. Mahalaga rin ang konsepto ng ‘buligay’ (tulong-tulong) sa paggawa ng art. At ito ang nais patunayan ng ika-4 na gawaing ‘simpatiya’ ng mga artists ng Oton Visual Artists League (OVAL) sa kanilang group exhibit na “Paintura 5020” (binuksan noong Abril 17, 2022) na nilahukan ng 18 artists, 13 sa kanila ay alumni ng Oton National High School (ONHS) at 5 naman ay mga guest artists. Sa pagkakataong ito, ang porsiyento ng pinagbilhan ng artworks ay mapupunta sa ONHS para sa pagpapasaayos ng museum ng Gabaldon Building, na siyang ipinangakong espasyo ng prinsipal na si G. Darwin Haro para sa panghinaharap na eksibisyon.

Sa sigasig ng mga organisador na sina Steve Magbanua (Presidente ng OVAL), Marites Eusoya, Boy Masculino, at iba pang aktibong miyembro, ang nasabing eksibit ay nagbukas ng pinto hindi lang sa mga taong mahilig sa art ngunit gayundin sa mga kabataang estudyante ng ONHS na matunghayan ang iba’t ibang anyo ng art mula representasyonal (realismo, impresyonismo, ekspresyonismo, cubismo, at suryalismo) hanggang sa abstract art (abstract na ekspresyonismo, abstract, at konseptuwalismo).


Sa mga sketches at studies halimbawa nina Ric Isiderio at Oman Gaitana makikita ang realismo at abstract na mga estilo; kay Isiderio ang mga imahen ng buhay sa baryo, kay Gaitana ang pagsasa-abstract ng isda, tao, gusali, lungsod, at iba pa. Samantala, ang ekspresyonismong nakaugat sa representasyon ng pagiging babae ay makikita naman sa mga mixed media paintings ni Marites Eusoya (“disAbility”, “Prismed mind”, “Elemental Nymph 1”, “Forest Nymph”, “Flower Nymph”, at “Air-ress nymph”).


Suryalismo naman ang sinandigang estilo nina Chris Jericho Moraña (“Reflexio Mutationis”, “Wrinkles of Time”, “The Sacrifice”, “Before Us”, at “Dear Self”), Justin Brylle Otero (“Tagipusuon”, “Ink”, at “Bulawanon nga Maskara”), KC Rile (“Hipnotismo”), at Steve Magbanua (“Delicate Veiling” at “Burulakaw”). Naging paksa ng kanilang mga painting ang pag-ibig, pagkababae, kalikasan, at ang supernatural at elemental na mga bagay-bagay.


Kapansin-pansin naman ang impluwensiya ng artist na si Joan Miro sa mga abstract paintings ni Joey Isturis (“Flores De Mayo”, “Sacrifice”, “Covid Time”, “Walk of Love”, “Moondance”, at “Ambahanon para sa Kadagatan”). Samantala, ang abstract expressionism na estilo ni Jackson Pollock ay makikita sa mga paintings ni Oman Gaitana (“Big Red Abstract” at “Stupid Cupid”); gayundin ang bakas ni Jean-Michel Basquiat sa kanyang “Pekeng Pangako”, “Sick But Hungry 1”, at “Mga Batang Igcondao”. May kakaibang hugot din ang conceptual abstractionism ni Carmelo Camohoy III na serye ng “ADHD (I, II, III, at IV)”, “PTSD”, at “Rise Up From Depression”, na sinasabing representasyon ng kanyang engkwentro ng problema sa pag-iisip; gayundin ang kulay-hablon na “Hablon (Series)”.


Maituturing namang pagtatangka sa pagtatanghal ng katutubong kaalaman gamit ang lokal na konsepto at materyal ang mga iskultura nina KC Rile (“Kanchaw”), Rey Buenaventura (“Tagabantay” at “Hunsoy”), Joey Isturis (“Gulgol” series), at Boy Masculino (“Balls”). Maituturing ang mga pagtatangkang ito na tiwalag sa tradisyong Kanluranin.


Ang konsepto ng ‘buligay’ ay makikita rin sa itinaguyod na interactive mural painting na binuksan ng grupo para sa mga kabataan at iba pang interesadong magpinta sa pampublikong plasa ng Oton sa nakaraang Katagman festival. Sa gawaing ito ay naengkwentro ng mga lumahok ang konsepto ng abstract expressionism (ang pagbuhos at pagwisik ng pinta sa kanbas), graffiti art (pagsusulat ng salita), at ibang pang magkatulad na anyo ng ekspresyon na karaniwang nakakabit sa abstract art.

Ang kolektibong buligay (donasyon, kolaborasyon, adbokasiya, at inter-aksiyon) sa art ay hindi na bago. Naakda na ito bago pa man naging dominante ang tiwalag na palaisip at mapagrason na indibidwal ng modernong panahon. Ang paggamit ng konsepto ng ‘bulig’ sa paggawa at pagtatanghal ng art ay muling pagbabalik ng art sa sabak ng komunidad—katulad ng nawawala nang ‘sigbin’ (bayanihan), na sa postcards na lamang makikita. Marahil isa ito sa mga paraan para higit na maging maunlad at makahulugan ang art sa mga Ilonggo.

 

Credits sa karagdagang mga larawan:

https://www.facebook.com/oman.gaitana

https://www.facebook.com/steve.magbanua.10

Comments

Popular posts from this blog

Baryo Bilang Lunan ng Kaalaman: Epistemolohikal na Topograpiya sa Maikling Pelikulang “Sa Taguangkan sang Duta”

Diskurso ng Kaalaman sa short film na Tiempo Suerte

Ang Tulok (Gaze) sa Muaks at Kinaiya Art Exhibit