Art bilang Mito

 John E. Barrios

 

Sakay sa iisang bangka, ang ating mga ninuno noon ay umaawit at sumasagwan nang sabay-sabay tungo sa iisang patutunguhan at sa iisang dahilan. Maaaring ang pamamangkang ito ay patungo sa dagat para manghuli ng isda o patungo sa ibang pulo para mangayaw ng ginto at mga alipin. Ito ay isang gawaing magkaugnay sa kanyang kahulugan (meaning).

Ngunit kapag ang gawaing ito (pamamangka) ay inilipat sa isang artwork: relief sculpture ng iba’t ibang mukha ng mamamayan ng lungsod, na inilagay sa isang bakanteng pader ng esplanade, at sinamahan pa ng isang ‘nagpapaliwanag’ na metal marker, ito ay maituturing nang isang mitikal na apropriasyon.

Ang art bilang mito ay hindi na kahulugan (meaning), ito ay masasabi nang isang anyo (form) na may layuning lumikha ng mensahe (message) na magpapagalaw o magtutulak sa mga tao na gumawa ng aksiyon angot sa kinakaharap na gawain—sa kaso ng relief sculpture, ang ‘malakas at nagkakaisang’ pagharap sa pandemyang dulot ng Covid 19 virus na nagsimula sa taong 2020.


Makikita sa sculpture ang isang bangka kung saan sakay ang ‘mga Ilonggo’ (nanay na may bitbit na anak sa unahan, susundan ng mga medical frontliners, ng pulis, rescuer na naka-gas mask, babae, military personnel, bata, babaeng nakasombrero, nakatayong meyor, at mga ordinaryong mamamayan sa kanilang likuran) na may hawak-hawak na sagwan at ang mga mata ay nakatingin sa iba’t ibang direksiyon. Ang walang hawak na sagwan ay ang nanay na may bitbit na bata na diretsang nakatingin sa direksiyong patutunguhan at ang nakatayong meyor na siyang may hawak ng timon at siyang nagmamaneho ng bangka.

Ang mensahe ng artwork: ‘iisang bangka tayo’. Sabay-sabay at nagkakaisang susuungin ng mga Ilonggo ang pandemya. Ngunit dahil ang direksiyon ay kontrolado ng taong nasa hulihan ng bangka (umaapaw na justifikasyon), ang ‘pagkakaisa’ (unity) ng mga mamamayan ay magkakaroon ng politikal na motibasyon: ang ambisyon ng lungsod na maging isang ‘better city for all’ (ayon na rin sa nakasulat sa marker). Mas inilapit ng anyo ang atensiyon ng manonood sa imaheng ito at inilayo sa mga hindi nakikilalang mga tao: taong may mukha ngunit walang pangalan. Ang ‘bangka’ bilang mensahe ay naging isa nang propaganda. Isang memoryalisasyon.

Bilang propaganda, ang artwork ay hinubaran na ng esensiyal nitong pakahulugan. Naging lantad na ang nakatagong motibasyon at ang kaakibat na pagpapahalaga (valuing) na siya na ngayong nakikipag-usap (communicate) sa manonood. Nawala na rin ang kaniyang pagiging makasaysayan (historical), bagkus naging isa na lamang anyo (form) ng komunikasyon: nagpapahinto sa dumadaan, nakikipag-usap, nagpapaliwanag, at nag-uutos ng gagawin. Ang bangka ay naging isa nang meta-wika—humihikayat ng ng pag-imadyin—madaling maintindihan at lumilitaw na natural, sabayan ang pagiging ‘buo’ (full) at ‘walang laman (empty).


Subalit hindi naman talaga totally tinabunan ng anyo ang kahulugan, binawasan lamang nito, inilayo, at maaari pa nga ring ibalik kung kakailanganin. Ang kahulugan ay nawalan lang ng halaga, pero ito ay buhay pa, at sa katunayan ay siya pa ngang pinagkukunan ng lakas ng propaganda. Kayat hindi nakapagtataka na maaaring ‘mangusap’ ang mga ‘naisantabi’ (marginalized) sa relief sculpture: ang dalawang ulo ng ordinaryong mamamayan na nasa likuran ng mga may hawak ng sagwan. At maari ring bigyang pakahulugan ang pagkakaayos ng direksiyon ng mga titig na hindi tuon sa iisa at (hina)harap (front at future) na direksiyon. Sa mga ito, maiaahon ang mga nilunod at itinagong mga kahulugan.

Comments

Popular posts from this blog

Panahon, Memorya, at Pagnanasa sa Tamwa ni Ronnie Granja

Ang Tulok (Gaze) sa Muaks at Kinaiya Art Exhibit

Paghahanap ng Identidad sa Pikas sa Usa ka Dagat