Itanghal ang Rehiyon(al)! O Kung Paanong ang Iloilo Mega Book Fair ay naging Espasyo ng Performans
John E. Barrios Nagkaroon ng pagkakataong mabasa ng maraming Pilipino ang mga panitikan mula sa rehiyon nang magkaroon ng interes ang mga kritiko, pabliser, at institusyong kultural sa mga akda mula sa rehiyon pagkatapos ng Rebolusyong EDSA. Ang Cultural Center of the Philippines ay naging bukas para sa mga manunulat at organisasyon ng manunulat mula sa rehiyon sa pamamagitan ng pagtatatag ng mga lokal na arts council, pagbigay ng writing grants at workshop grants, at paglalathala ng iba’t ibang rehiyonal na antolohiya. Dahil dito, ang mga nalathalang mga akdang ‘rehiyonal’ ay nagpabago ng pananaw ng mga kritiko tungkol sa konsepto ng pambansang panitikan. At kung susundan pa ang pananaw ni Leoncio P. Deriada, kilalang manunulat at organisador ng mga palihan sa Kanlurang Bisayas, ang mga akdang ito ay isang “kapansin-pansing bantas sa pagmamapa ng bansa ng isang mas mayabong, mas malawak ngunit mas makahulugang pagkabansa.” Ang ikalimang Iloilo Mega Book Fair (IMBF), mul