Estilo, Estetika, at Kasaysayan sa Hublag 2022

 John E. Barrios

 

Ang art ay determinado ng kasaysayan. Iniaakda ng kasaysayan ang art ayon sa pangangailangan ng panahon. At ito marahil ang dahilan kung bakit ang isang festival tulad ng Hublag: Ilonggo Arts Festival, na namayagpag ng siyam na taon (1988-1996) sa Iloilo, ay ngayon lang muling lumitaw (at sa panahon pa ng pandemya) bilang Hublag 2022 (Marso 12 – April 12, 2022 sa Museo Iloilo). Hindi na nga ito pinangalanan bilang ‘festival’, ito ay naging isang parang reunion eksibit na lamang ng mga artist na lumahok sa naunang festival.

Ang Hublag 2022 ay nilahukan ng 33 Ilonggo artist. Walang tema ang eksibit kung kayat makikita ang pagkakaiba-iba ng estilo at estetika ng mga nakadisplay na mga artwork. Wala ring malinaw na naratibo na nais igiit ang eksibit maliban sa pahiwatig na ‘naritito pa’ ang Hublag.

Ang salitang Hiligaynon na ‘hublag’ ay nangangahulugan ng ‘tulong-tulong na pagsasama’ para sa isang ‘ninanais na adhikain’. Kapag ginamit sa art, maaari itong mangahulugang isang ‘art movement’, na sa kasaysayan ng art ay maaaring tumukoy sa iba’t ibang ‘ismo’ tulad ng ‘Impresyonismo’, ‘Cubismo’, ‘Abstraksiyonismo’, ‘Pop Art’, at iba pa. Maaari rin itong tumukoy sa ‘Modernismo sa Pilipinas’ o sa partikular na adhikain na sinusulong ng grupo tulad halimbawa ng grupong Black Artist of Asia (mula sa Negros) o ng Hubon Madia-as (mula sa Iloilo).

Sa isang art movement masasabing nagkakasundo ang mga artist sa paggamit ng isang estilo o estetika. Ang estilo ay masasabing isang indibidwal na desisyon at produkto ng karanasan ng isang artist; ito ay may bertikal na galaw. Samantala, ang estetika ay produkto ng mga pagbabago sa lipunan at ito ay may horizontal na galaw.

Kapansin-pansin ang pagpapasakop ng karamihan sa mga Ilonggo artist sa estetikang moderno sa Hublag 2022. (Sa mga naunang Hublag, masasabing marami sa mga artist ang nakapaloob pa sa tradisyonal na estetika; marami sa kanila noon ang nagsabit ng portraits, landscape, at still-life na mga painting.) Ngayon ay halos dominado na ng abstract art ang eksibit. Mapapansin ito sa mga gawa nina Ed Defensor (“Bluestruck in a Cryptic Place” at “Greenstruck in Bucalie Place”) Al Provido (“Hoy Sino Ka? Hoy Indi Ko Ya Suka?”, “Ruler” at “Dama”), Jomz Moleta (“Mapayapang Paraan” at “Silakbo ng Damdamin”), Frank Alexie Nobleza (Positive-Negative Mind Set” at “Blind Curve”), Leo Cecilio Anar (“Manual Focus”), Jeline Laporga (“Chaos in Quarry II” at “Mending Errors IV”), Joey Isturis (“Holiday” at “Elipse 2), at Anthony Castillo (“Mundane”). Idagdag pa natin ang mga suryalista at ekspresyonista na mga artist tulad nina Melvin Guerhim (“Mantsang Bakas ng Nakalipas” at “Mutual”), Ronnie Granja (“Landlady and Landlord 2”), at Fred Orig (“Kristo” at “Ugyon”); gayundin ang installation artists na sina Martin Genodepa (“Unravelling Path”) at Angelo Duarte (“Post No Bill: Juan of A Kind”) at nag-iisang pop artist na si Rheo Nepomuceno (“Katol”).


Ang pamamayani ng modernong estetika (lalo na ng abstract art) ay diktado ng pagbabagong nagaganap sa lungsod ng Iloilo. Ang ambisyon ng lungsod na maging “2nd Highly Urbanized City” sa buong Pilipinas ay sinabayan ng pamamayagpag ng iba’t ibang gawain na may kinalaman sa pag-unlad ng art sa siyudad. Masasabing nagsimula ito sa pagkonstrak ng mga esplanade at sinundan na ito ng iba pang gawain tulad ng pagpapagawa ng mga sculpture at pagpapapinta sa mga dingding, pader, at tulay. Nagsimula ring dumami ang mga museum at art galleries sa lungsod. Nakikisabayan ang art sa pag-unlad ng lungsod. Nangyari na ito sa kasaysayan ng mga mas maunlad na lungsod tulad ng Baguio City at Cebu City.


Sa kabilang banda, kapansin-pansin din sa Hublag 2022 ang pag-iral at panggigiit ng tradisyon at tradisyonal na estilo at estetika. Hindi maisasantabi halimbawa ang ‘mapang-gulat’ (may shock-value) na art work ni Boy Masculino (“Pito ka hantal nga nawong ni Kalibutan”), na gumamit ng relihiyosong ikonograpiya (portrait ni Kristo), artifak ng kasaysayan (gintong tabon sa mata mula sa Oton), mitolohiya (haligi ng Panay at supernatural na nilalang), isyung pangkalikasan, at ‘Fuck You!’ sign. Sa postmodernong terminolohiya, ito ay isang pastiche, ang pagsama-sama ng iba’t ibang imahen mula sa iba’t ibang espasyo at panahon. Gayundin ang gawa nina Momo Dalisay (“Pasasalamat”), na nagtanghal ng katutubong panulat (Baybayin), anito, at usa (simbolo ng kalikasan) at Madhu Liebscher (“Inan Lakbay”), na ginamit ang tradisyon ng pagtahi para isadiskurso ang imahen ng pagiging babae. Maisasama rin dito ang maaring maging potensiyal na lunsaran ng ‘pagbabalik’ sa tradisyon: ang terracota painting ni Alan Cabalfin (“Control Tower”) at ang mga pintados ni Boyet Zuluaga (“Yin at Yang”).


 Hindi maikakailang nahihila ng umuunlad na lungsod ng Iloilo ang mga artist para magpasakop sa estilo at estetika ng moderno. Ang ganitong galaw ay maaring magdulot ng ‘pagkalusaw’ at ‘pagkalubog’ ng representasyon ng katutubong tradisyon at kultura. At sa huli ay magiging ‘latak’ (trace) na lamang sa artworks ng mga Ilonggo. Ngunit masasabi ring sa kabila nito, mayroon pa ring mga mulat na artist na hindi nakakalimot at patuloy na nagtatanghal ng kultura at tradisyon ng mga Ilonggo sa partikular, at Pilipino sa pangkalahatan. Sila ang tunay na Hublag.

Comments

Popular posts from this blog

Baryo Bilang Lunan ng Kaalaman: Epistemolohikal na Topograpiya sa Maikling Pelikulang “Sa Taguangkan sang Duta”

Diskurso ng Kaalaman sa short film na Tiempo Suerte

Ang Tulok (Gaze) sa Muaks at Kinaiya Art Exhibit