Damayan at Dahas sa De Lata
Eric Abalajon
Nagsimula ang De Lata (short film ni Jonathan Jurilla, 2022) sa nangingibabaw na boses ni Presidente Duterte habang nagbibigay ng talumpati sa Kongreso, puno ng abstrak at teknikal na mga kasabihan, mekanikal ang pag-usal tungkol sa pangangailangan ng pagkakaisa at mga pagsubok na dinala ng pandemya sa bansa. Pagkalipas ng dalawang taon, malamang ang talumpating iyon, at ang iba pang ibinigay niya ng panaka-naka, ay nakalimutan na ng halos lahat. Sunod na ipinakita ang isang di-pinangalanang barangay hall, ang broadcast ay nanggagaling sa isang telebisyon, at kung saan ang mga relief goods ay binabalot ng mga kawani.
Si Kap Fernando
Masaligan (Rommel Jurilla) ay nasa kabilang kwarto, may mainit na diskusyon sa
telepono. Ayon sa isang tauhan, tinanggihan ng komuninad ang alok niya at hindi
siya susuportahan sa darating na eleksyon. Sa kanyang galit, mabilis niyang
inakusahan na tumutulong sa mga rebelde ang barangay na yaon, at sinabing mas
mabuti pang mamatay silang lahat. Kasama sa parehong kwarto, isang batang
tauhan, si Red (Haj Espinosa), ay balisang nakikinig. Baguhan palang sa
trabaho, sinabihan siyang pagmasdan muna kung paano tumatakbo ang mga
bagay-bagay.
Ang salitang
ginamit ni Kap, ‘pulupanilag’, ay mas malapit sa ‘pakiramdaman’ kesa sa
‘pagmasdan’; nagpapahiwatig ng pagkanatural ng mga bagay na masasaksihan ni
Red. Sa pelikula, inilatag agad ng direktor na si Jonathan P. Jurilla—sa pagtatapat
sa tunog ng talumpati ng Presidente at sa sitwasyon sa isang maliit na komunidad—na
ang short film na ito ay susubukang isakongkreto ang pandemya sa pinakapayak at
pang-araw-araw nitong antas.
Natapos ang pagbabalot
ng isang batch ng relief goods, na sapat para sa ilang pamilya, ay inihatid na
para maipamahagi. Nalaman ito ni Kap, na galit pa rin, at umalis agad para
mapigilan ito. Sa sunod na eksena, ipinakita ang isang barangay na may iisang
daanan papasok na nakakurdon at may checkpoint. Nagsimulang magtulakan ang mga
tao pagdating ng traysikel na may dalang tulong; nagsisigaw pa ang mga opisyal
ng barangay ng mga salitang tila may kakarampot na kahulugan tulad ng social
distancing sa desperadong masa. Itinigil ang pamamahagi, sinimulan ni Kap
ang retorika ng “’di ko kayo matutulungan kung hindi niyo ako matutulungan.” “Budlay
gali kung wala suporta no? Budlayan man ko kay wala ko suporta halin sa inyo.”
(Nahihirapan pala kayo kung walang suporta ano? Nahihirapan din ako kasi wala
rin akong suporta mula sa inyo.) Ipinahayag niya ito nang patapos, ‘rasyonal’,
at ‘may pagka-inosente’. Umalis siya at nagkagulo ang mga tao. Ang mga opisyal
na kanina lang ay dinidiin na sundin ang health protocols ay ngayon
nanghahampas na ng mga residente. Si Red sa loob ng sasakyan, hindi na lumingon
pero wala ding ilusyon sa dahas na nangyayari.
Kasama ang
drayber, pumunta si Red sa isa pang lugar. Ang tulong sanang pagkain ay dinala nila
sa isang warehouse; isinama ito sa mga nauna nang na-hoard, marahil sa pareho ring
dahilan. Sa loob ng madilim na warehouse, masisilayan ang mga pangalan ng fertilizer,
feeds, at bigas—lahat nagpapahiwatig na ang Negros ay pawang kanayunan pa.
Nalula si Red habang nakatitig sa tanawin ng kasaganaan. Kalaunan, ang atensyon
niya ay sumentro sa lata ng sardinas, kumakatawan ng ugnayan ng mga uri—ang
kapangyarihan ay ang pagpili kung kanino ito mapupunta at kung kanino din ito
ipagkakait. May tumawag kay Red, nakiusap na lumabas siya. Nag-alinlangan siya,
pero lumabas din.
Patago sa gitna ng gabi, at kasama ang isang kaibigan, dinala nila ang isang sako ng relief goods sa isa pang warehouse, saan naroon din ang kapwa-kabataan. Kailangang nakawin ang sako para mabalot ito muli at maibigay sa mga nangangailangan. Malaking parte ng pag-repack ay ang pagtanggal ng plastik na may mukha at pangalan ni Kap. Nanlulumo sila sa mga nakikita, pero dumapo rin ang kwentuhan sa mga pangarap nila. Ang isa ay gustong magbukas ng kainan, ang isa naman ay gustong maging abogado balang araw.
Ang pananaginip
nila ng gising ay naputol nang dumating si Kap na may kasamang mga kalalakihan,
at inusisa ang grupo. Pagkatapos nilang magpaliwanag, nalito pa si Kap sa ideya
ng pagtulong sa mga tao nang walang motibo. Ang lubos na ikinagalit niya ay nang
makita ang pangalan sa isang kahon: isang demonstrasyon ng literal paghubad ng kanyang
kapangyarihan—ang kanyang imahe ay isa lamang basura. Ang kanyang mapusok na
reaksyon ang nagdala sa mga nagkakawang-gawang mga bata sa kanilang madugong
katapusan; tinapos sila gamit ang subok nang modus para siguradong walang
mananagot.
Maingat si
Jonathan Jurilla sa pagpapahiwatig kung ang pelikula ba ay base sa mga aktwal
na mga insidente dahil hindi binanggit ang mga pangalan ng mga lugar o kung kailan
ito nangyari. Pero kung tutuusin, napakaposible na hindi na kailangan ng
direktang konteksto para maramdaman ang lakas at kirot ng naratibo. Tensyonado
ang modo mula simula hanggang katapusan, binabalikan ang kahulugan ng payapang
espasyo ng bukid. Walang paligoy-ligoy ang naratibo na mas tatatak sa mga
manonood dahil sa maingat din ang pagpili ng mga imahe. Habang nagbabalot ng
food packs, muni ng isang dalaga na bakit hindi puwedeng kalimutan muna ang politika
(“Indi gid na ya pwede mapahigad ang pulitika sa sitwasyon subong?” [Hindi ba maaaring
isantabi muna ang politika dahil sa sitwasyon ngayon?”])
Sinasagot ng De Lata ang pagsusumamo na ito, na ang nagbabanggaang mga interes ay lalong tumitindi sa panahon ng krisis. Ang kawalan ng redempsiyon, sa kahit anong anyo, sa pelikula ay mahirap masikmura, lalo na sa panahon kung saan nalulunod na ang mga tao sa masasamang balita, sa loob man o labas ng bansa. Subalit kailangan ding ipaalala sa mga manonood na pinalalala ng pandemya ang mga matatagal nang problema, lalo na sa lugar tulad ng Negros. May iba pang solusyon na kailangan ang gamit ng imahinasyon, at ito ay kailangan nang gawin sa lalong madaling panahon.
Si Eric Abalajon ay lecturer sa Division of Humanities ng Universidad ng Pilipinas Visayas. Mababasa ang kanyang mga akda sa pangalang 'Jacob Laneria' sa www.jacoblaneria.wordpress.com.
Comments
Post a Comment