Babae bilang Konstrak sa art exhibit na From Lin-ay to Hangaway

 John E. Barrios

 

Sa isang art exhibit na nilahukan ng 13 babaeng artist ng Iloilo na Lin-ay to Hangaway Voices of Ilonggo Women Artists, na ipinalabas sa Lantip Changing Exhibition Gallery 1 ng Unibersidad ng Pilipinas Visayas (Marso 11 – Hulyo 15, 2022), ipinakita ang naratibo at konstruksiyon ng babae sa mga paintings, sculptures, at multi-media arts. Isinaayos ang mga artwork para sundan ang layong ‘maikuwento’ mula sa pagiging ‘lin-ay’ (dalaga) ng pag-iimahen at pag-iimadyin ng babae papunta sa pagiging ‘hangaway’ (mandirigma) sa mala-orasan (clockwise) na galaw ng manonood.

Unang makikita ang mga painting na naglalarawan ng babae bilang isang ‘dalagang bukid’ (“Contemplation” ni Marge Chavez), palabuntisan at pala-anakan (“Langkoy” ni Adhara Sebuado), at ‘bulaklak’ (“My Precious Truth” at “My Truth Unfolds” ni Charmaine Española at “My Journey of Life” ni Althea Villanueva); mga imaheng nagpapahiwatig ng pagiging ‘lin-ay’, representasyon ng mahina, sexual object, at aping babae. Susundan ang mga ganitong paglalarawan ng pagpapatuloy ng metapora ng babae bilang ‘bulaklak’ sa mga artwork nina Madhu Liebscher (“Mandala”) at Ma Rosalie Zerrudo (“FUERTElity Bilat Series”), ngunit mapapansing magiging ‘matapang’ at ‘maiinit’ na ang mga kulay. Partikular na agaw-pansin ang paggamit ng mga puki/ari ng babae sa sculpture installation ni Zerrudo, na nabuo sa kolaborasyon ng 80 ‘bilanggong’ kababaihan.

Matapos ang ‘nakakagulat’ na danas ay idadaan ang manonood sa mga abstract na paintings nina Katelyn Miñoso at Shiela Molato na mga pahiwatig ng pagiging babae bilang ekspresyon (ng porma), senswal na sensasyon (ng kulay), at kumplikadong sistema (abstrak na komposisyon). Hanggang sa ibalik sa isang rasyunalisasyon ng pagtukoy sa mga dahilan ng pagiging babae sa representasyonal na mga painting ni Sasha Cabais, ang “Superficial Addiction” na nagpapakita ng vanity ng kababaihan (ang gawaing pagpapaganda), na sinisimulan na kahit sa kabataan pa lang (“To be Like You”).


Ilalantad ng naratibo ng exhibit ang ugat ng ganitong konstruksiyon sa pamamagitan ng pagalantad sa Patriarkal (at Pambansa pa) na titig (tinabunan nga lang ng dalawang piso ang mga mata) sa painting ng lalaking nakabarong at puno ng virus ang ulo sa “State of the Nation” at “Prejudice” (larawan ng babaeng napapalibutan ng mga mansanas, bulaklak, at ahas) na siyang larawan ng epekto ng mapang-aping Patriarkal na sistema.


Susunod na makikita ang nag-iisang ‘literalisasyon’ ng konseptong hangaway (mandirigma) sa painting ni Margaux Blas na pinamagatang “Baby Armalite”, kung saan ipinapakita ang isang beauty pageant contestant (Miss Greece/Peace) na may hawak ang kanang kamay na armalite na may bulaklak (simbolo ng Ukraine) sa dulo. Sa kabilang kalahating bahagi naman ay ang larawan ng isang laruan na mukhang Barby doll at iba’t ibang damit, props, at isang pet na kailangang ikabit at isama dito—representasyon ng proseso ng pag-akda ng babaeng sa bandang huli ay magiging beauty queen; subalit ito ay makikipagdiskurso sa mga maliliit na larawan ng mga babae (lantad ang suso ng isa), mga kamay ng isang patay (dahil sa giyera), at mga ginupit na papel na may mapa (Ukraine at Russia) at imprenta na nasa iba’t ibang wika (French, Arabic, at Eastern European ng mga wika). Ang painting na ito ay susundan ng dalawang untitled nude painting ni Marge Chavez, ng naka-loop na video documentary tungkol sa mga babaeng ‘bilanggo’ (“Lullabies in Prison” ni Mia Reyes) at magiging panapos na artwork ang sculpture ni Madhu Liebscher (“Kasing Kasing ni Madhu”) ng isang babaeng may damit na may pinta ng mga bulaklak at nakakuwentas ng puso.

Sa kabuuang ‘paglalakbay’ ng manonood para sundan ang naratibo ng konstruksiyon ng babae/kababaihan, masasabing hindi tiyak at linyado (linear) ang paglalakbay na ito sa mga kadahilanang: (1) may mga pagkakataong ‘naiistorbo’ ang naratibo tulad ng pagtatanghal ni Zerrudo ng mga puki/ari ng babae bilang pagtumba sa nakagawiang representasyon (babae bilang bulaklak), na sa isang banda ay maaaring ituring na potensiyal na paghaha-hangaway dahil ‘binubuksan’—sa parehong literal at metaporikal na pakahulugan—nito ang isang bagong pagtingin sa babae; isang feministang teorisasyon na nagtatanghal ng pagiging ‘bukas’ na identidad ng babae; (2) ang kontradiktoryong pagsasadiskurso ni Blas ng konsepto ng hangaway—ng babae bilang sexual object (beauty queen) at rebolusyonaryo (rebeldeng naniniwala sa madugong pagbabago), pero sabay ding naniniwala sa pagkamit ng kalayaan sa tahimik (sinisimbolo ng bulaklak) na paraan; at (3) ang muling pagbabalik ng mga imaheng pang-‘lin-ay’ (nude paintings ni Chavez at aping ‘bilanggong’ kababaihan ni Reyes) sa dulo ng naratibo, na maaaring magbigay suhestiyon na temporaryo lamang ang pagkamit ng estadong hangaway dahil sa bandang huli babalik at babalik pa rin sa status quo, kung saan namamayani at naghahari ang Patriarkal na titig sa kababaihan.

Sa ganito, mainam na pagmuni-munian ang diskursong minumungkahi ng mga artwork ni Liebscher patungo sa teoretikal na konseptualisasyon ni Zerrudo kung nais ng kababaihang artist ng Iloilo na itaas pa ang lebel ng teorisasyon at praktika ng konstruksiyon at naratibisasyon ng babaeng Ilonggo.

Comments

Popular posts from this blog

Baryo Bilang Lunan ng Kaalaman: Epistemolohikal na Topograpiya sa Maikling Pelikulang “Sa Taguangkan sang Duta”

Diskurso ng Kaalaman sa short film na Tiempo Suerte

Ang Tulok (Gaze) sa Muaks at Kinaiya Art Exhibit