Iloilo, FOR SALE

 ni John Barrios

 


Ang isang banwa o bayan ay maaaring magkaroon ng kasarian. Ito ay puweding maging lalaki o babae. Sa kaso ng mga mural na makikita sa Esplanade 1 ng Iloilo City na pinamagatang “Arte sa Kalye”, isang proyekto na itinaguyod ng Department of Tourism ng Rehiyon VI, ang Iloilo (kasama na ang ibang probinsiya ng Western Visayas) ay itinanghal bilang ‘babae’.

Maraming suhestiyon ang makikita sa mga mural na masasabing babae ang Iloilo. Marahil dahil sa isa sa mga layunin ng proyekto ay maipakita ang ‘mapang-imbitang’ katangian ng lugar, kailangan itong maging ‘bukas’ sa mga bisita at turista. Ang pagiging bukas ay naipakita sa pamamagitan ng paggamit ng mga imahen ng arko, baso, kalsada, at promanade. Sa isang mural halimbawa ay makikita ang isang Ilongga na nag-aaya sa bisita (manonood) na pumasok sa isang Muslim-inspired na arko, kung saan naroroon naghihintay ang iba’t ibang tanawin at lugar tulad ng mga kilalang simbahan ng Iloilo, Iloilo Convention Center, City Hall, at Arroyo Fountain. Dadaanan ng bisita sa pagpasok ang mga pagkain at produktong kilala ang rehiyon tulad ng mangga mulang Guimaras, mga preskang isda, at ang rafflesia ng Antique.

Sa isang mural naman ay makikita (kung titingnang mabuti) o hindi kaya’y mararanasan ang katumbas ng ‘paraiso’ at ‘walang hanggan’ na ipinapakita ng isang dyip na tuloy-tuloy lang ang ‘biyahe’ kahit hindi malinaw ang patutunguhan. Gayunpaman, ang kalabuang ito ay nilinaw sa isang mural kung saan ipinakita ang imahen ng (nag-iisang) puno ng niyog, asul na tubig-dagat, at anino ng bundok. Sa mga ganitong suhestiyon hindi lang nagiging sensational ang naging karanasan ng bisita ngunit nadadala pa sa pagiging sekswal.

Itong sekswalisasyon ng karanasang pang-turismo ang magbibigay-kahulugan sa turista bilang ‘manghihimasok’ (penetrator) sa banwa o lungsod at maaaring lumikha ng karakter ng pagiging ‘iresponsable’. Sa gayon, itong ‘iresponsableng penetrasyon’ ng bisita ang maaaring magdulot o magdala ng mga problema tulad ng pagkasira ng dungog (kultura at tradisyon), pagdungis sa kalikasan, at pagwasak sa kaanyag (kagandahang) iniaalay ng banwa. Hindi kung gayon nakapagtataka kung bakit ang modernang Ilongga ay irepresenta ng isang ‘babaeng bulaklak’ na masayang nagsasayaw na ipinapakita ang ilang maseselang bahagi ng katawan habang ‘naglalaro’ sa kanyang palibot ang iba’t ibang ibon at isda.

Sa kabilang banda, maaaring silipin ang hinaharap ng banwa sa pagbabalik sa kultura na nirerepresenta ng binukot (itinagong katutubong babae na isang culture-bearer) ng pangkat-etnikong Panay Bukidnon, na siyang magpapalaya sa mga Panayanon sa kabuuan, at mga Ilonggo sa partikular, sa mga sekswalisadong konsepto na nalikha dahil sa pagpasok ng modernisasyon sa Iloilo. Magagawa ito sa pamamagitan ng pagkakaroon ng pagtingin sa binukot hindi bilang pasibong elemento ng nakaraan (nostalhiya ang dating) ngunit bilang mga katangiang buhay sa kababaihang Ilongga.

Tulad ng karakter ni Nagmalitong Yawa, isang binukot, sa sugidanon ng mga Panay Bukidnon, na nagtransporma bilang Buyong Sunmasakay para paslangin ang isang libong masasamang binukot ng Tarangban, kailangan din ng kababaihan ng Iloilo ang talino at tapang ng isang Nagmalitong Yawa para proteksiyonan ang banwa laban sa ‘iresponsableng penetrasyon’ ng mga turista sa kanilang banwa.

Comments

Popular posts from this blog

Baryo Bilang Lunan ng Kaalaman: Epistemolohikal na Topograpiya sa Maikling Pelikulang “Sa Taguangkan sang Duta”

Diskurso ng Kaalaman sa short film na Tiempo Suerte

Ang Tulok (Gaze) sa Muaks at Kinaiya Art Exhibit