Ang Yawa sa Maikling Tula-pelikulang Paghahanap Kay Nagmalitong Yawa

 Cherry-Mae F. Cartojano at Jessa Micha C. Montanejos

 


 Ang babaeng hinahanap sa maikling tula-pelikula na Paghahanap kay Nagmalitong Yawa (direktor, John Barrios; produksiyon ng CCP at UPV, 2021) ay isang karakter sa epikong Hinilawod na itinuring na pinakamahabang epiko sa Panay. Nagsimula ang tula-pelikula sa paghahanap ni Humadapnon kay Nagmalitong Yawa sa kasalukuyang panahon, kasagsagan ng pandemya ng Covid 19, may suot na face mask ang mga taong nakakasalubong, at pinagtatanungan ng: “Nakita mo bala si Nagmalitong Yawa?

Sa isang eksena, tanging ang salitang ‘yawa’ ang umalingawngaw sa pandinig ng isang lalaking napagtanungan. Negatibo ang pagtanggap ng lalaki sa tanong ni Humadapnon. Sa wikang Hiligaynon, sa kasalukuyan, kapag sinabihan kang yawa, ang ibig-sabihin ay isa kang demonyo. Ngunit noon, ang salitang ito ay tumutumbok sa kagandahan at katatagan ng isang babae.  

Nagpatuloy sa paglalakbay si Humadapnon hanggang siya’y napadako saTarangban,’ ang isla ng mga binukot. Nagtagal ang binata sa isla at nang ninais na niyang umalis ay hindi na siya makatakas sa mga binukot, siya’y naging bihag.

Pamamayani ng Matriyarka, na ang tanging nakatulong kay Humadapnon ay isang babae, si Nagmalitong Yawa. Isang sampal sa Patriyarka na ang babaeng ito ay nagbalatkayo bilang lalaki sa katauhan ni Buyong Sunmasakay. Pagpapakita na ang katangian ng isang lalaking malakas, magiting, at matapang ay nasa katauhan din ng isang babae.


Sa pagpapatuloy ng pelikula, isang ‘
virtual meeting ang ipinakita: pagbabahaginan ng mga binalaybay (tula) na naglalarawan at nagsasadiskurso ng babae. Mga makatang babae ang nagbasa ng mga binalaybay. Inilahad ng mga makata ang hirap na dinanas ng mga babae bilang isang ina na nagluluwal ng sanggol, bilang isang manggagawa, at bilang isang babaeng umiibig. “Ang pagsulat, matres ka bayi, nagaluha ka dugo kun wara it mahuman,” ayon sa isang makata.


Matapos mailigtas ni Nagmalitong Yawa si Humadapnon ay nagpahayag ng pag-ibig ang binata sa pamamagitan ng mga siniping lowa tungkol sa hirap na dinanas sa paghahanap sa dalaga. Ngunit, ang isang babae katulad ni Nagmalitong Yawa ay hindi nadala sa mga salitang tila asukal na umagos sa bibig ni Humadapnon. (Ganito naman talaga sa pamamanhikan gamit ang lowa, ang pagpapakipot ng babae ay kailangang maiakda.) “Kay dili ko mabaton ang imo gugma,” sambit ni Nagmalitong Yawa. Nagtapos ang tula-pelikula sa medley ng mga awiting bayan na nagpapakita ng mga ginagawa ng lalaki sa babae. Parang babala ang mga awitin na dapat hindi magmadali sa pag-aasawa.


Ang babae sa pelikula ay kumawala sa madilim at tradisyunal na ideolohiya at imahen ng pagiging tipikal na ina, asawa, at mahinang kasarian. Ang babae ay naging kapantay ng lalaki; ang babae ay kayang makipagsabayan sa lalaki. Ang babae ay hindi mananatiling nasa laylayan lamang, siya’y may sariling identidad at pagkakakilanlan.

Teh, nakita mo si Nagmalitong Yawa?
Oo, yara siya sa tanan nga babayi.
Ang babayi, yawa. May kaisog kag kakusog.
 


Sina Cherry-Mae F. Cartojano at Jessa Micha C. Montanejos ay parehong guro sa pampublikong paaralan at estudyante ng ME Filipino ng UP Visayas.

Comments

Popular posts from this blog

Baryo Bilang Lunan ng Kaalaman: Epistemolohikal na Topograpiya sa Maikling Pelikulang “Sa Taguangkan sang Duta”

Diskurso ng Kaalaman sa short film na Tiempo Suerte

Ang Tulok (Gaze) sa Muaks at Kinaiya Art Exhibit