Baryo Bilang Lunan ng Kaalaman: Epistemolohikal na Topograpiya sa Maikling Pelikulang “Sa Taguangkan sang Duta”
John E. Barrios Bilang maikling pelikulang nagsasadiskurso ng dalawang magkabilaang espasyo—ng syudad at baryo—ang Sa Taguangkan sang Duta ay may malinaw na mensahe sa manonood: ang baryo ang lunan ng kaligayahan at kasaganaan. Mababasa ito sa ipinakitang kaibahan ng dalawang espasyo, ng paglisan at paglimot, at pagtatanghal ng kapangyarihan ng alaala ng nakaraan. Mula sa direksiyon ni Emmanuel Lerona, at hango sa Palanca-winning short story ni Alice Tan-Gonzales, at prodyuser na si Julie Prescott-Gonzales, ang adaptasyon ng kuwento para gawing maikling pelikula ay isang proyektong nagsumikap na isadiskurso ang tunggalian ng espasyo—ng syudad at baryo. Sa pagbubukas ng pelikula ay ipinakita ang unang espasyo, ang syudad ng Iloilo, bilang magulo at kailangang linisin at lisanin. Magbubukas ang pelikula sa paglilinis. Ipapasok ni Elena (Alyanna Cortum), isang gurong hindi nabigyan ng permanenteng posisyon (sa orihinal na bersyon siya ay alahera na hindi nabigyan ng pro...